Friday, October 23, 2015

Lump sum budget at ang kalamidad REY MARFIL



Lump sum budget at ang kalamidad
REY MARFIL

Minsan pa, naranasan na naman ng bansa ang hagupit ng kalamidad kung kailan patapos na ang taon at papaubos na ang pondo ng bansa. Habang hinaharap ng Aquino government ang pinsalang idudulot ng matinding init na dala ng El Niño phenomenon, bigla naman binaha ng usad-pagong na bagyong si Lando ang malaking bahagi ng Luzon.
Matatandaan na patapos na rin ang taon nang manalasa sa bansa ang ubod nang lakas na bagyong si Yolanda noong November 2013. Matinding napuruhan ang marami nating kababayan sa Visayas region at marami pa nga sa kanila ang patuloy na nagsisimula ng panibagong buhay hanggang ngayon.
Parang mapait na gamot o bida-kontrabida nga itong si Lando na naging tugon sa panalangin ng marami na­ting kababayang magsasaka sa Luzon na madilig sana ng ulan ang tigang nilang sakahan. Iyon nga lang, sumobra ang ulan na dala ni Lando at binaha ang maraming palayan at pinaapaw ang mga palaisdaan.
Bukod sa binasa ni Lando ang mga natuyong saka­han at nilinis niya ang tubig sa mga palaisdaan, dinagdagan din ng bagyo ang tubig sa mga dam -- kabilang na ang Angat Dam kung saan nanggagaling ang tubig-inumin ng mga taga-Metro Manila.
At dahil nadagdagan nga ang tubig sa Angat Dam dahil kay Lando, kinansela muna ng Maynilad ang ipinatupad nilang 9:00 p.m. to 4:00 a.m. cut-off sa supply ng tubig ilang linggo na ang nakalilipas na ang layunin nga ay makapagtipid noon ng tubig.
Pero hindi porke nadagdagan ang tubig sa dam at tuloy-tuloy na muli ang buong araw na pagtulo ng tubig sa gripo ay balik na uli tayo sa pag-aksaya. Kung magpapa­tuloy kasi muli ang El Niño kapag wala na ang bagyo, natural lang na iinit na muli ang panahon at bibilis din ang pagkaubos muli ng tubig sa dam dahil sa evaporation. Alalahanin natin na hanggang sa susunod na taon pa ang pinapangambahang epekto ng El Niño at wala na tayong aasahang bagyo o pag-ulan hanggang Hulyo o Agosto sa 2016.
***
Sa kabila naman ng pinsalang dulot ng El Niño at hagupit ni Lando, nakaalalay naman ang pamahalaang Aquino sa pagbibigay ng ayuda sa mga nasalanta. Bago pa nga tumama ang bagyo, nagbigay na ng pambansang babala si PNoy sa pamamagitan ng mga telebisyon kaugnay ng matinding epekto na dala ni Lando.
Sa umpisa pa lang kasi, nakita na ng mga kinauukulang ahensiya tulad ng PAGASA na malakas ang ha­ngin na dala ni Lando, maraming dalang tubig at mabagal ang usad kaya mas matindi ang pinsalang dala. Sana nga ay manatiling mababa ang bilang ng mga nasawi sa epekto ni Lando dahil indikasyon ito na handa na ang talaga ang mga kakabayan natin sa kalamidad at nakikinig na sila sa mga kinauukulan kapag kinailangang lumikas.
Gaya ng ibang malalakas na dumating na bagyo sa bansa, wala namang magagawa ang pamahalaan sa pinsalang iiwan ni Lando sa agrikultura at impraistruktura. Ang tanging magagawa na lamang ay bigyan ng ayuda ang mga magsasaka at mga taong nawalan ng kabuha­yan para makapagsimula silang muli at kumpunihin agad ang mga nasirang mga kalsada, tulay, gusali at iba pa.
Ang hagupit na ginawa ni Lando ay patunay na sad­yang mahirap ispelingin ang kalikasan -- isang araw eh matinding init, kinabukasan naman ay bubuhos ang malakas na ulan. Hindi rin masasabi kung gaano kapaminsala ang tatamang kalamidad na kailangang tugunan ng gobyerno.
Kaya hindi nakapagtataka kung lump sum o bulto ang hinihinging pondo ng gobyerno sa taunang national budget gaya ng nakapaloob sa 2016 budget, na mayroong calami­ty fund na P19 bilyon at contingency fund na P4 bilyon.
Kung ‘pork barrel’ funds ang tingin ng mga kritiko sa calamity at contingency funds ng Pangulo, masasabi namang ‘good cholesterol’ ang ihahatid nito sa mga kababayan nating mangangailangan ng tulong sa panahon ng kagipitan at kalamidad... Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter:follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct2315/edit_spy.htm

No comments: