Wednesday, October 28, 2015

Masama kung walang pinagkatandaan REY MARFIL




Masama kung walang pinagkatandaan
REY MARFIL



Kung maituturing o masasabi man na may kabutihang iniwan sa atin ang delubyong ginawa ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 2013, ito ay ang pagmulat sa kamalayan ng mga Pilipino tungkol sa lakas o puwersa ng kalikasan na hindi natin dapat balewalain.
Sa susunod na buwan, gugunitain natin ang ikalawang anibersaryo ng mapait na karanasan ng bansa sa hagupit ni Yolanda na kumitil sa buhay ng mahigit 6,000 katao, bumago sa buhay ng libu-libo at sumubok sa katatagan at bayanihan natin bilang isang lahi.
Sa pagbabalik-tanaw, nakalulungkot isipin na sa kabila ng paalalang ginawa noon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa pamamagitan ng televised address isang araw bago ang pagtama ni Yolanda, umabot pa rin sa napaka­laking bilang ng mga kababayan natin ang nasawi.
Bakit nga ba iyon nangyari? Dahil hindi ba sineryoso ang babala ng mga kinauukulan tungkol sa lakas ng bagyo? Nagkulang ba ang lokal na pamahalaan at hindi maagang nailikas ang mga nasa peligrosong lugar? O dahil kulang pa ang kaa­laman natin sa tinatawag na “storm surge” o “daluyong”? Ito ang pag-alsa ng dagat na mistulang tsunami na sinasabing isa sa mga naging dahilan kaya maraming buhay ang nawala.
Gayunpaman, hindi na natin maibabalik ang nakaraan; hindi na natin maibabalik ang mga buhay na nawala. ‘Ika nga, move on na tayo at matuto ng leksyon sa nangyari para hindi na maulit muli. Sabi ng mga nakatatanda, ang mahirap sa tao ay iyong tatanda nang walang pinagkatandaan.
Dahil nga kay Yolanda, naging mas alerto na ang mga tao at nakikinig na rin sa mga abiso ng pamahalaang Aquino at mga kinauukulang ahensya kapag may tatamang bagyo. Patuloy din ang ginagawa ni PNoy ng paglalaan ng pondo sa PAGASA para sa mas tumpak na mga impormasyon na makakalap kapag may namumuong sama ng panahon.
Bunga ng climate change, kapansin-pansin na nagbabago na rin ang ugali ng kalikasan -- nagkakaroon ng matinding init, na susundan ng malakas na buhos ng ulan. Kung dati ay Habagat lang ang naririnig nating nagdudulot ng mga pagbaha maliban sa bagyo, ngayon ay namomonitor na rin ng PAGASA ang tinatawag na “thunderstorm” na kaya na ring magpabaha sa Metro Manila kahit walang bagyo.
***
Dahil na rin sa mga pagbabagong ito sa kahandaan ng pamahalaan at mga tao sa pagdating ng kalamidad, mismong ang United Nations Office for Disaster Risk Reduction (UNISDR) ang nagsabi na tunay na nagkaroon na tayo ng pagbabago. Isang halimbawa na ginamit nila ang kakaunting napinsala na idinulot ng malakas na bagyong si Ruby at maging ni Lando.
Ang sistemang ginagamit daw ngayon ng pamahalaang Aquino sa disaster risk management para magbigay ng babala sa mga mamamayan kapag may nakaambang kalamidad ay maaari daw ibahagi natin sa mundo para tularan ng ibang bansa.
Kasama sa binigyang-pansin ng UNISDR ang ipinatutupad ng PAGASA na maglabas ng regular update sa sitwasyon ng bagyo at ang pakikipag-ugnayan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga lokal na pamahalaan at sa mga pri­badong organisasyon para maghanda sa kinakaila­ngang ayuda bago at matapos tumama ang kalamidad.
Naniniwala rin ang Center for Disaster Preparedness (CDP) na nakabase sa Pilipinas na malaking bahagi ng pagbabago sa kahandaan ng bansa sa pagtugon sa kalamidad ang pakikiisa ng mga tao na tumugon at sumunod sa babala ng mga awtoridad na lumikas kapag may banta na sa kanilang bahay.
Hindi na natin maibabalik ang mga nawala dahil sa nangyaring mga kalamidad, pero ang leksyon na naiwan nito ay dapat nating balik-balikan para magpa-alala sa mga dapat nating gawin upang makapagligtas ng mga buhay.  Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct2815/edit_spy.htm



No comments: