‘Wag tayong pa-dengue | |
REY MARFIL |
Kung hindi magbabago ang pataas nang pataas na bilang ng mga kababayan nating nadadale ng dengue sa iba’t ibang bahagi ng bansa, tiyak na mahihigitan ngayong taon ang bilang ng mga nagka-dengue noong 2014 lalo pa’t pinapangambahan ng mga dalubhasa na makakadagdag sa problemang ito ang El Niño phenomenon.
Batay sa datos ng Department of Health, mula pa lamang noong Enero hanggang Setyembre, umabot na sa 92,807 ang kaso ng dengue sa bansa, na mas mataas ng 23.5 porsiyento sa 75,117 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong 2014.
Ang mga lugar na dapat maging alerto dahil may mataas na kaso ng dengue batay sa datos ng DOH ay ang Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, Ilocos Region, Northern Mindanao, Cagayan Valley at Soccsksargen.
At dahil may tatlong buwan pang natitira sa 2015 at wala na ring pinipiling panahon ang pag-atake ng mga lamok na may taglay ng dengue virus -- mainit man o maulan, aba’y baka tumaas pa nga lalo ang bilang ng mga mabiktima ng peligrosong sakit.
Ngayon pa nga lang, may mga ulat na nagkakaroon na ng kakapusan ng hospital bed sa ilang pampublikong ospital dahil sa dami ng mga kababayan nating isinusugod sa mga pagamutan. Tulad na lang sa San Lazaro Hospital na umaabot daw sa 140 hanggang 150 katao ang mga nagpapakonsulta bawat araw at hindi bababa sa 60 hanggang 70 ang kanilang ina-admit.
Hindi nakapagtataka kung ganito karami ang mga tinatamaan ng dengue dahil maging ang mga nakaririwasa sa buhay ay walang ligtas sa lintek na mga lamok. Hindi ba’t kahit sina Senate Minority leader Juan Ponce Enrile at Speaker Feliciano Belmonte ay naibalitang naospital dahil sa dengue.
***
Kung may maganda mang balita na maituturing sa kaso ng dengue ngayong taon, ito ay ang pagbaba ng bilang ng mga nasawi bagaman tumaas ang bilang ng mga nagkakasakit at dinadala sa mga ospital.
Sa nabanggit na bilang ng mga nagkasakit ng dengue mula Enero hanggang Setyembre, 269 sa mga pasyente ang binawian ng buhay. Pero mas mababa ito sa naitalang 316 na nasawi sa kaparehong panahon noong 2014.
Pinapaniwalaan na bumaba ang bilang ng mga nasawi sa dengue dahil na rin sa kaalaman at pagiging alerto na rin ng publiko sa peligrong dulot ng virus. Dapat lang na maging alisto at huwag magpa-bebe kapag nakaramdam ng hindi maganda sa katawan tulad ng mataas na lagnat na may kasama pang pamumula sa balat, aba’y magtungo na sa doktor para magpatingin.
Ang Palasyo, tiniyak na handa ang mga pampublikong pagamutan na tumugon sa pangangailangan ng mga dadalhin sa ospital alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa DOH. At bukod sa usapin ng pag-asikaso sa mga nagkasakit na, may mga hakbang din na ginagawa ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno para maiwasan ang paglaganap ng sakit tulad ng mga pagpuksa sa pinagtataguan ng mga lamok.
Pero siyempre, dahil ang problema sa dengue ay nasa bawat komunidad, dapat ding kumilos ang lokal na pamahalaan -- lalo na ang barangay officials at mga mamamayan para tiyaking malinis ang paligid at alisin ang mga tubigan na pinamumugaran ng mga lamok.
Kahit nga ang simpleng panlaban na paglalagay ng screen sa mga bintana para hindi makapasok ang lamok sa loob ng bahay at paggamit muli ng kulambo sa pagtulog ay hindi na masama. Pagsuotin din ng long pants ang mga mag-aaral lalo na ang mga bata para hindi sila makagat ng lamok sa ilalim ng upuan.
At kung gusto naman magpapawis, kaysa mag-gym ay mabuti pang silipin ang mga lugar sa paligid ng bahay na posibleng may naiipong tubig na posibleng maging boarding house at itlugan ng mga lamok. Huwag tayong patalo sa lamok, ‘wag tayong magpa-dengue.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment