Monday, October 26, 2015

Mag-ingat sa mga mapagsamantala! REY MARFIL



Mag-ingat sa mga mapagsamantala!
REY MARFIL




Kapag panahon ng kalamidad, tatlong uri ng tao ang nalalantad -- ang mga kawawang biktima, ang mga dakila na handang tumulong sa mga biktima, at ang mga hinayupak na kolokoy na magsasamantala sa mga biktima.
Matapos manalasa at magdulot ng matinding pinsala sa maraming lugar sa Luzon ang makupad umusad na bagyong si “Lando”, maraming kababayan natin ang nangangailangan ngayon ng tulong; at marami rin naman ang handang magkaloob ng tulong.
Kahanga-hanga ang mga awtoridad na tumugon sa kanilang tungkulin at maging ang mga sibilyan na itinaya ang kanilang buhay para iligtas ang mga kababayang naipit sa baha. Nakalulungkot nga lang na sa kabila ng maagang abiso na ginawa ng pamahalaan sa banta ng bagyo, ay umabot pa rin sa mahigit 30 katao ang nasawi sa kalamidad na ito.
Gayunman, si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino at ang ilan pang opisyal ng gobyerno ay kaagad na nagtungo sa ilang lugar na sinalanta ni Lando para maghatid ng agarang ayuda sa mga nangangailangan. Inatasan din niya ang mga opisyal ng kinauukulang ahensya na linisin kaagad ang mga kalsada na nabarahan ng mga natumbang puno, poste at mga landslide para makadaan ang mga sasakyan na magdadala pa ng tulong sa mga nasalanta.
***
Bukod pa rito ang gagawing pagkumpuni sa mga nasirang imprastraktura gaya ng mga tulay at kalsada, at iba pang maibibigay na ayuda sa kanila ng gobyerno para makabangon muli sa trahedya sa lalong madaling panahon ang mga biktima ng bagyo.
Kahanga-hanga rin ang mabilis na pagkilos ng iba’t ibang pribadong organisasyon para mangalap ng tulong sa mga kababayan natin upang maibigay sa mga biktima ni Lando; na marami ang nawalan ng kabuhayan bilang mga magsasaka at mangingisda, at napinsala pa ng baha ang kanilang mga bahay.
Sa pagtaya ng Department of Agriculture, tinatayang nasa mahigit P6 bilyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura ni Lando, ang pinakamatinding hagupit ng kalamidad  ngayong taon. Hindi pa kasama rito ang pinsalang ginawa ng bagyo sa mga imprastraktura gaya ng mga nawasak at napinsalang mga tulay, dike at kalsada.
Sa ganitong sitwasyon, dapat bantayan ang mga magsasamantala gaya ng mga negosyante na magtataas ng presyo sa kanilang mga produkto para tumiba sa kita. Kailangang isumbong kaagad sa mga awtoridad ang mga ganitong negosyante para mabigyan ng leksyon.
Kailangan ding mag-ingat ang mga kababayan natin sa mga magsasamantala na kunwaring mangangalap ng tulong para sa mga biktima ng kalamidad pero sa bulsa lang pala nila mapupunta ang malilikom na pondo. O kaya naman ay manghihingi ng mga gamit at produkto sa mga tao pero ibebenta lang pala at hindi sa mga biktima ng kalamidad mapupunta.
Gaya na lang ng ibinigay na babala ng DPWH sa publiko tungkol sa mga manlolokong gumagamit ng cellphone para mangalap ng donasyong pera at bigas para umano sa isasagawang relief operation naman daw ng ahensya sa Maguindanao.
Paglilinaw ng ahensya, wala silang ganitong hakbang na ginawa sa DPWH saan mang field office nila sa rehiyon o distrito kaya ‘wag papaloko ang publiko. 
Kung nais tumulong sa mga biktima ng kalamidad, piliin ang mga mapagkakatiwalaang tao, ahensya at pribadong organisasyon upang matiyak na ang tulong na ibibigay ay mapupunta sa mga tunay na nangangailangan at hindi sa mga kolokoy na manggagantso. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: