Friday, October 16, 2015

Gamot sa kahirapan REY MARFIL



Gamot sa kahirapan
REY MARFIL

Sa nalalapit na pagtatapos ng liderato ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino III, inaasahan na magkakaroon ng mga bagong sistema sa pamamahala ang papalit na administrasyon.
Ngunit sana lang, ipagpatuloy pa rin ng susunod na lider ang mga epektibong programa na ipinatupad ni PNoy sa pagtulong sa mga mahihirap gaya ng Conditional Cash Transfer (CCT) program na kilala rin bilang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Kontrobersyal man ang 4Ps dahil sa mga kritisismo na hindi ito ang mabisang paraan para matulungan ang mga mahihirap, ang katotohanan ay tumatalab ang programa para kahit papaano ay magamot ang sakit ng bansa sa kahirapan.
Totoo na mas magandang mabigyan ng trabaho ang mga mahihirap na pamilya kaysa bigyan sila ng pinansyal na tulong ngunit tulad ng ibang karamdaman, may kasamang komplikasyon, ika nga ang sakit na kahirapan -- ang kawalan ng edukasyon at mahinang kalusugan ng mga salat nating kababayan.
Ang mga komplikasyong ito ang kasamang ginagamot ng 4Ps. Kapalit kasi ng buwanang ayudang pinansya­l na ibibigay sa mahirap na pamilya ay kailangang mapa­natiling nag-aaral ang mga anak at regular na nasusuri sa klinika ang kanilang kalusugan.
Kung malusog ang mga bata at nakapagtapos ng kahit man lang high school, kahit papaano ay makaka­hanap na siya ng maayos-ayos na trabaho na susuporta sa kanyang pamilya.
Hindi naman “wonder drug” o anting-anting ang 4Ps na isang subo lang ay magiging milyonaryo na at mahahango na sa kahirapan ang benepisaryo. Tuloy-tuloy na gamutan ang kailangan para maiwasan ang komplikasyon at tuluyang gumaling sa sakit na kahirapan ang pamilya. Pero mas maganda kung gagawa rin ng sariling kabuhayan ang benepisaryo at hindi lang aasa sa tulong na nakukuha sa gobyerno.
Bagaman hindi masasabing perpekto ang pagpapatupad ng programa tulad ng mga reklamo tungkol sa pagpili ng mga benepisaryo pero sa pangkalahatan ay epektibo ito upang hindi na tumaas ang bilang ng mga mahihirap sa bansa sa loob ng limang taon na pamahahala ni PNoy.
Maging ang mga dayuhang institusyon gaya ng World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB) ay naniniwala na mabisang sandata ang 4Ps para labanan ang kahirapan. Dahil pinalawak pa ng administrasyong Aquino ang sakop ng programa -- tulad ng pagbibigay ayuda sa mga high school student at suporta sa mga mahihirap na walang permanenteng tirahan, ang bersyon ng progra­mang ito ng Pilipinas ang itinuturing pinakama­laki sa Asya, ikatlo sa buong mundo kasunod ng Brazil at Mexico.
***
Mula sa 380,000 mahihirap na pamilya na unang na­ging benepisaryo ng 4Ps noong 2008, pinalawak pa ang mga nakinabang sa programa sa ilalim ng liderato ni PNoy sa 4.4 milyong mahihirap na pamilya. At kumbaga sa ulan, sinahugan pa ang 4Ps ng iba’t ibang rekado para madagdagan ang kaalaman ng mga mahihirap upang makahanap sila ng trabaho tulad ng mga sustainable livelihood program at maging skills at technical-vocational training programs.
Kahit ang 4Ps ay sinimulang ipatupad sa ilalim ng liderato ni dating Pangulong Gloria Arroyo, ipinagpatu­loy ito ni PNoy matapos na repasuhin ang sistema at matiyak na mawawala ang katiwalian at talagang ang mga mahihirap ang makikinabang.
Naniniwala rin kasi si PNoy na makatutulong ang programa para maputol ang tinatawag na “cycle” ng kahirapan sa isang pamilya kapag may miyembro nito na nakapagtapos ng pag-aaral kahit man lang sa high school.
Ngayong magkakaroon ng bagong administrasyon, nawa’y ipagpatuloy pa rin ang 4Ps upang masuporta­han ang mga mahihirap nating kababayan at patuloy na makapag-aral ang mga kabataang benepisyaryo sa ilalim ng administrasyon ni PNoy hanggang sa makapagtapos din sila ng high school at maging ang mga nakaabot sa kolehiyo. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct1615/edit_spy.htm

No comments: