Wednesday, October 14, 2015

Inaagrabyado nga ba si Gloria? REY MARFIL



Inaagrabyado nga ba si Gloria?
REY MARFIL



Sinasabing nakakuha raw ng paborableng desisyon ang kampo ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa isang lupon ng United Nation (UN) kung saan tila naghanap sila ng kakampi kaugnay ng patuloy na pananatili sa “piitan” ng dating lider sa kabila ng kalagayan ng kanyang kalusugan sa kinakaharap na kasong pandarambong.

May tatlong taon na ngayon na naka-hospital arrest si Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) dahil sa kinakaharap na kasong pandarambong kaugnay sa umano’y maling paggamit ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong siya pa ang presidente na nagkakahalaga ng P366 milyon.

Batay umano sa mga impormasyon na galing sa international lawyer na si Amal Alammudin-Clooney, asawa ng Hollywood actor na si George Clooney, naniniwala umano ang Working Group on Arbitrary Detention (WGAD) ng UN, na labag sa international human rights laws ang pananatili ni Arroyo sa “piitan” dahil sa kalagayan ng kalusugan nito. 

Naniniwala rin daw ang lupon ng UN na biktima ng pamumulitika ang dating pangulo kaya iniipit ito at kinasuhan. Ilang beses nang nagpetisyon ang kampo ni Arroyo na payagang makapagpiyansa o ma-house arrest pero hindi pinapayagan ng anti-graft court dahil naniniwala silang matibay ang kaso laban sa dating pangulo.

Si Alammudin-Clooney ang nagsilbing abogado ni Arroyo at siyang naghain ng petisyon sa WGAD. Kung nagkaroon ng kinatawan ang panig ng Sandiganbayan sa naturang pagdinig ng lupon ng UN ay hindi malinaw. At maging ang pamahalaang Aquino ay tiyak na hindi rin makikialam sa naturang deliberasyon dahil ang kaso ay nasa korte.

*** 

Kilala si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na hindi nakikialam sa trabaho ng mga mahistrado at lalong hindi makikialam sa mga nakasampang kaso. Katuna­yan, isa nga sa mga naging misyon ng liderato ni PNoy ay mapalakas muli ang integridad ng korte na pinaniniwalaan niyang nabalahura ng nagdaang administrasyon. 

Kapuna-puna nga na pawang babae ang nahirang na mga pinuno ng mga sangay na may kaugnay sa hustisya -- si Secretary Leila de Lima sa Department of Justice, si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa Korte Suprema at Conchita Carpio-Morales sa Office of the Ombudsman, ang sangay ng Hudikatura na nag-aaral sa kaso ng mga opisyal ng gobyerno at naghahain ng demanda sa Sandiganbayan kapag nakitaan nila ng basehan ang reklamo.

Kung integridad kasi ang pag-uusapan, hindi magpapahuli ang mga kababaihan pagdating sa tibay ng paninindigan.

Kaya naman maging ang pinuno ng Commission on Audit, ahensya na sumisilip sa gastusin ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, ay babae rin na sina Maria Gracia Pulido-Tan at Heidi Mendoza. 

Kaya kung mayroong magbabalak na palitawin na nang-aagrabyado ng babae ang pamahalaang Aquino kaugnay ng kaso ni Arroyo, mukhang malabo itong paniwalaan. Sabi nga ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., bagaman titingnan nila ang opinyon ng WGAD, ang desisyon pa rin sa kaso ni Mrs. Arroyo ay nasa kamay ng korte -- ng Sandiganbayan.

At nanindigan si Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang na ang desisyon nila sa bail petition ni Arroyo ay nakabase sa matibay na ebidensya at wala silang nilalabag na anumang international law.

Aminado rin naman ang kampo ni Mrs. Arroyo na hindi “legally binding” o hindi nila maipipilit na masunod ang desisyon ng WGAD tungkol sa kaso ng dating pangulo. Pero bakit pa nga ba sila dumulog pa sa UN at bakit hindi na lang sa SC natin? 

Kung dumulog na sila sa SC, bakit hindi na lang doon ibaling ang kanilang atensyon upang ipanawagan na resolbahin kaagad ang kanilang petisyon? Baka sa ganitong paraan ay makuha ng kampo ni Arroyo ang inaasam na pansamantalang kalayaan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: