May tiwala ngayon! | |
REY MARFIL |
Hindi ba’t good news ang pamamahagi ng 21 makinarya sa bukid ng Department of Agrarian Reform (DAR) para sa mga kooperatiba ng magsasaka sa Ilocos Norte na nagkakahalaga ng P3.7 milyon.
Sa kautusan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, siguradong malaki ang magagawa ng ayudang ito ng DAR upang mapabuti ang produksiyong agrikultural ng mga magsasaka.
Kinabibilangan ang farm machines ng 13 hand tractors, anim na rice threshers at dalawang rice reapers kung saan 20 kooperatiba ang nabiyayaan para sa tinatayang 3,000 mga benepisyunaryo ng repormang agraryo.
Magaling ang programa dahil siguradong lalaki ang ani ng mga magsasaka sa ibinahaging tulong na ito ng DAR sa pamamagitan ng kahilingan ni PNoy na tulungan ang sektor ng agrikultura.
Sa ilalim ng programa, ipinamahagi ang makinarya bilang “equipment grant” na patatakbuhin ng mga kooperatiba bilang isang negosyo kung saan magagamit ang kita para na rin sa kapakinabangan ng mga magsasaka at pagmintina ng makinarya.
Nasa ilalim ang programa ng Agrarian Reform Community Connectivity and Economic Support Services (ARCCESS) ng DAR na naglalayong maging mga negosyante ang tinatawag na agrarian reform beneficiaries o ARBs sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng makina at teknolohiya para lumaki ang kanilang mga ani at madagdagan ang kanilang kaalaman.
Tinuturuan rin sa pamamagitan ng ARCCESS ang mga magsasaka ng tinatawag na farmers agri-business technologies para mas maging matatag at malakas ang kanilang hanapbuhay.
***
At dahil din sa malinis na pamamahala ni PNoy nabiyayaan ng Royal Australian Navy (RAN) ang bansa ng dalawang sasakyang pandagat.
Kamakailan lang, nagkaroon na nga ng inspeksyon si PNoy sa dalawang Landing Craft Heavy na pinakabagong mga gamit ngayon ng Philippine Navy.
Dumaong na sa Sangley Point sa Cavite ang dalawang Landing Craft Heavy mula sa Australia at nagtungo rin sa Navy Headquarters.
Inihayag ng Pangulo na tatlo pang sasakyang pandagat ang target na makuha ng bansa sa hinaharap.
Pinangalanan ang bagong mga sasakyang pandagat bilang BRP Batak (AT-299) at BRP Ivatan (AT291) na siguradong magpapalakas sa Philippine Navy na bantayan ang katubigan sa Pilipinas.
Bukod dito, mangunguna rin ang mga sasakyang pandagat sa pagtiyak ng kaligtasan ng publiko sa panahon ng sakuna at masiguro ang mas mabilis na paghahatid ng tulong kabilang na ang naglalakihang equipment sa iba’t ibang panig ng bansa.
Pinamumunuan ang BRP Batak, dating HMAS Tarakan ng RAN, ni Lieutenant Ariel Constantino habang si Commander Joselito de Guzman naman ang magmamando sa BRP Ivatan, dating HMAS Brunei.
Sa pahayag ng Philippine Navy, mayroong kakayahan ang BRP Ivatan na magdala ng 163.2 toneladang kargamento at maaaring magsakay at magbaba maging ng mga sasakyan.
Ang pagtitiwala ng internasyunal na komunidad sa malinis na liderato ng tuwid na daan ni Pangulong Aquino ang rason kung bakit marami ang natutuwa at tumutulong sa Pilipinas -- ito’y kabaliktaran sa nagdaang administrasyon. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment