Masama kung walang pinagkatandaan | |
REY MARFIL |
Kung maituturing o masasabi man na may kabutihang iniwan sa atin ang delubyong ginawa ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 2013, ito ay ang pagmulat sa kamalayan ng mga Pilipino tungkol lakas o puwersa ng kalikasan na hindi natin dapat balewalain.
Sa susunod na buwan, gugunitain natin ang ikalawang anibersaryo ng mapait na karanasan ng bansa sa hagupit ni Yolanda na kumitil sa buhay nang mahigit 6,000 katao, bumago sa buhay ng libo-libo at sumubok sa katatagan at bayanihan natin bilang isang lahi
Sa pagbabalik-tanaw, nakalulungkot isipin na sa kabila ng paalalang ginawa noon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino III sa pamamagitan ng televised address isang araw bago ang pagtama ni Yolanda, umabot pa rin sa napakalaking bilang ng mga kababayan natin ang nasawi.
Bakit nga ba iyon nangyari? Dahil hindi ba sineryoso ang babala ng mga kinauukulan tungkol sa lakas ng bagyo? Nagkulang ba ang lokal na pamahalaan at hindi maagang nailikas ang mga nasa peligrosong lugar? O dahil kulang pa ang kaalaman natin sa tinatawag na ‘storm surge’ o ‘daluyong’? Ito ang pag-alsa ng dagat na mistulang tsunami na sinasabing isa sa mga naging dahilan kaya maraming buhay ang nawala.
Gayunpaman, hindi na natin maibabalik ang nakaraan; hindi na natin maibabalik ang mga buhay na nawala. Ika nga, move on na tayo at matuto ng leksyon sa nangyari para hindi na maulit muli. Sabi ng mga nakatatanda, ang mahirap sa tao ay iyong tatanda nang walang pinagkatandaan.
Dahil nga kay Yolanda, naging mas alerto na ang mga tao at nakikinig na rin sa mga abiso ng pamahalaang Aquino at mga kinauukulang ahensiya kapag may tatamang bagyo. Patuloy din ang ginagawa ni PNoy ng paglalaan ng pondo sa PAGASA para sa mas tumpak na mga impormasyon na makakalap kapag may namumuong sama ng panahon.
Bunga ng climate change, kapansin-pansin na nagbabago na rin ugali ng kalikasan -- nagkakaroon ng matinding init na susundan ng malakas na buhos ng ulan. Kung dati ay habagat lang ang naririnig nating nagdudulot ng mga pagbaha maliban sa bagyo, ngayon ay namo-monitor na rin ng PAGASA ang tinatawag na ‘thunder storm’ na kaya na ring pagbaha sa Metro Manila kahit walang bagyo.
Maliban sa mas tumpak na pagtaya ng PAGASA sa lagay ng panahon at regular na nagbibigay ng babala ng gobyerno kapag may tatamang bagyo o magkakaroon ng habagat o thunder storm, nakikiisa na rin ang marami nating kababayan sa maagang paglikas upang mailayo sila sa kapahamakan. Marahil kung hindi pinapansin noon ang babala sa storm surge o daluyong, ngayon ay kasama na ito sa listahan ng mga tao na dapat pag-ingatan at iwasan.
***
Dahil na rin sa mga pagbabagong ito sa kahandaan ng pamahalaan at mga tao sa pagdating ng kalamidad, mismong ang United Nations Office for Disaster Risk Reduction (UNISDR) ang nagsabi na tunay na nagkaroon na tayo ng pagbabago. Isang halimbawa na ginamit nila ang kakaunting napinsala na idinulot ng malakas na bagyong si Ruby at maging ni Lando.
Ang sistemang ginagamit daw ngayon ng pamahalaang Aquino sa disaster risk management para magbigay ng babala sa mga mamamayan kapag may nakaambang kalamidad ay maaari raw ibahagi natin sa mundo para tularan ng ibang bansa.
Naniniwala rin ang Center for Disaster Preparedness (CDP) na nakabase sa Pilipinas na malaking bahagi ng pagbabago sa kahandaan ng bansa sa pagtugon sa kalamidad ang pakikiisa ng mga tao na tumugon at sumunod sa babala ng mga awtoridad na lumikas kapag may banta na sa kanilang bahay.
Subalit marami pa rin ang kailangan gawin upang makamit natin ang hinangad nating ‘zero casualty’ kapag may malalakas na bagyo o lindol. Hindi lang ang mga naninirahan sa mga lugar na peligrosong bahain o maabot ng daluyong ang dapat maging alerto sa paglikas kung hindi maging ang mga nakatira sa paanan ng bundok o burol na may peligro ng land, rock at mudslide.
Hindi na natin maibabalik ang mga nawala dahil sa nangyaring mga kalamidad pero ang leksyon na naiwan nito ay dapat nating balik-balikan para magpaalala sa mga dapat nating gawin upang makapagligtas ng mga buhay. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment