Wednesday, August 19, 2015

‘Wag ipagpabukas pa! REY MARFIL





‘Wag ipagpabukas pa!
REY MARFIL

Mula nang magbukas muli ang sesyon ng Kongreso noong Hulyo 27, wala pa ring katiyakan hanggang nga­yon kung magagawa ba ng mga mambabatas na talakayin kung ipapasa ba nila o ibabasura lang ang panukalang Bangsamoro Basic Law na hinihintay ng mga ka­patid nating Muslim sa Mindanao.

Sa Senado, nagsumite ng bagong himay na panukalang BBL si Senador Bongbong Marcos Jr., chairman ng komite na tumatalakay sa nabanggit na panukalang batas.
Gayunman, hindi pa umuusad sa plenaryo ang natu­rang bagong bersiyon ng BBL kaya hindi pa lubos na malinaw kung ano ang ipinagkaiba nito sa orihinal na BBL na unang sinuportahan ng Palasyo.

Ngunit higit na nakalulungkot ang sitwasyon sa Kamara de Representantes dahil ang dahilan ng hindi pag-usad ng panukalang BBL ay hindi tungkol sa detalye kung hindi kakulangan ng mga pumapasok na kongresista.

Bagaman mayroong mga probisyon na binago ang komite sa Kamara na humimay sa BBL, nanatili naman itong orihinal na bersiyon at hindi gaya ng nangyari sa bersiyon na hinimay ng mga senador.

Iyon nga lamang, ang kawalan ng quorum o sapat na bilang ng mga “present” na mga kongresista sa plenaryo ang dahilan kaya hindi matalakay sa plenaryo ng Kamara ang panukalang batas. 
Sinasabi ng ilang lider ng kapulungan na sadyang mahirap umanong makakuha ng quorum sa ganitong panahon dahil marami sa kongresista ang nananatili sa kanilang distrito bilang paghahanda sa darating na halalan sa May 2016.

***

Pero hindi ba mahalaga sa mga absenerong kongresista ang kinabukasan ng Mindanao? Hindi ba nila naisip na makikinabang din naman ang kanilang distrito at lalawigan kung sakaling ang BBL nga ang susi sa kapayapaan sa Mindanao gaya ng paniwala ng administrasyong Aquino?

Kung gagawin lang ng mga kongresista ang kanilang tungkulin na dumalo sa sesyon ng Kamara, malamang na matapos ng may 20 kongresista ang kanilang mga katanungan sa BBL at mapagpasyahan nila kung ipapasa o hindi ang BBL bago matapos ang Setyembre.

Hindi gaya sa Kamara, mas madaling makakuha ng quorum ang 24 senador at mas madali nilang matapos ang deliberasyon sa kanilang bersiyon ng BBL. Hindi gaya sa Kamara na 289 ang mga kongresista at kaila­ngang matiyak na “present” sa kanila ang 146 na kongresista para maideklara ang quorum.

Kailangan ng mga senador at kongresista na mapagdesisyunan ang BBL bago matapos ang Setyembre dahil pagkatapos nito ay magiging abala naman ang mga mambabatas sa paghimay sa panukalang pondo ng pamahalaan para sa 2016, na inaasahan din na magiging mabusisi.

At kung sakaling kapwa maaprubahan ng Kamara at Senado ang kani-kanilang bersiyon ng BBL, kailangan pa rin itong isalang sa bicameral conference committee para ayusin at pagtugmain ang mga magkakaibang probisyon para makabuo ng iisang bersyon ng BBL na kanilang pagtitibayin sa papipirmahan kay Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.

May mga nagtatanong kung bakit kailangang ihabol pa at maipasa sa panahon ng administrasyon ni PNoy ang BBL? Bakit hindi na lang ipaubaya sa susunod na administrasyon ang pagtalakay nito?
Kung si Lola Nidora sa kal­yeserye ng AlDub sa Eat Bulaga ay mahilig sa linya na, “sa tamang panahon”, marahil ay puwedeng sabihin ng admi­nistrasyong Aquino na ngayon na ang “tamang panahon.”

Kailangan lamang gawin ng mga mambabatas sa Senado at Kamara ang kanilang tungkulin na humimay at gumawa ng batas.
Konting sakripisyo lamang ang kaila­ngan nilang gawin para sa kinabukasan ng bayan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”

No comments: