Friday, August 28, 2015

Repasuhin ang patakaran REY MARFIL



Repasuhin ang patakaran
REY MARFIL



Dapat na mapalitan na ng tuwa ang kalooban ng mga kababayan nating nasa ibang bansa kaugnay ng kontrobersiyang nilikha ng plano ng Bureau of Customs (BOC) na halungkatin ang mga balikbayan box.

Minsan pa, ipinakita ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na nakikinig siya sa hinaing ng kanyang mga ‘boss’ nang atasan niya ang BOC na huwag ituloy ang planong random inspection sa mga kahon na ipinapadala ng mga migranteng Pinoy sa kanilang mga mahal sa buhay na nasa Pilipinas.

Ang planong paghalungkat sana sa mga balikbayan box ay ipatutupad ng BOC bilang bahagi ng kanilang kampanya laban sa smuggling at makolekta ang tamang buwis sa mga ipinapalusot na produkto ng ilan sa mga kahon na itinuturing “katas” ng pagsisikap at pagmamahal ng mga Pinoy sa abroad.

Hindi rin naman biro ang pagsusuri sa mga dumarating na balikbayan boxes. Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 1,500 containers ng balikbayan boxes ang dumarating sa bansa bawat buwan. Katumbas ito ng 18,000 containers bawat taon, o 7.2 milyong kahon. 

Kaya kung may magsasamantala para magpalusot ng produkto o may masamang plano, talagang maaaring mangyari kaya dapat ding gawin ng BOC ang kanilang trabaho nang mabuti.

At dahil sa matinding pagtutol ng mga OFWs sa naturang plano, inatasan ni PNoy ang BOC na ipatupad ang ilang patakaran sa mga balikbayan box tulad ng pagsalang sa mga ito sa x-ray machines at K-9 (dogs). Sa ganitong paraan, ang mga kahon na may kahina-­hinalang laman na lang ang bubuksan at susuriin.

Ang mga kahon na bubuksan, dapat may saksi at kukunan ng video para matiyak na walang kalokohan na magaganap. Layunin nito na maalis din ang hinalang ninanakaw ng mga tiwaling tauhan ng BOC ang padala ng mga OFW na kanilang pinaghirapan.

Ngunit maliban sa hindi natuloy ang pagpapatupad ng random inspection, good news din sa mga OFW ang hakbang ng Kongreso na repasuhin na ang kautusan tungkol sa patakaran sa pagkakaloob ng tax exemption sa laman ng mga balikbayan box.

Sinasabing masyado nang luma ang naturang patakaran na BOC Memorandum Circular No. 7990, kung saan hanggang $500 lang ang tax exempt sa halaga ng laman ng kahon. Pero dahil nga sa kontrobersiyang nilikha ng plano ng BOC, may mga mungkahi na itaa­s na ang tax exemption hanggang $2,000.

***

Maging ang MalacaƱang ay walang tutol sa naturang mungkahi dahil naniniwala rin ang pamahalaang Aquino na panahon na para repasuhin ang naturang kautusan nang naayon sa kasalukuyang panahon.

At dahil sa ipinakitang pakikiisa ng gobyerno sa hinaing ng mga OFW at maging ng mga kababayan nating naninirahan sa abroad, siguro ay dapat na hindi na rin ituloy ang ano mang planong protesta gaya ng sinasabing “remittance holiday” o tigil sa pagpapadala ng remittance.

Kung tutuusin, hindi lang ang gobyerno natin ang masasaktan kapag nagkaroon ng remittance holiday kung hindi maging ang mga mahal nila sa buhay na baka kakailanganin ng kanilang tulong na padala.
Dapat maging mapagmatyag din ang ating mga kababayan na baka may grupo lamang o politiko na magsasamantala sa emosyon ng mga OFW upang makakuha sila ng atensiyon at maisulong ang kanilang politikal na kapakinabangan.

Mismong ang MalacaƱang na rin naman ang nagsabi na binibigyan ng pahalaga at pagkilala ng pamahalaang Aquino ang sakripisyo at pagsisikap ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa, at ipinakita muli ito ni PNoy sa usapin ng balikbayan box. 
“Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

No comments: