Wednesday, August 5, 2015

Huling hirit!



                                                           Huling hirit!
                                                                      REY MARFIL

Ilang mahahalagang panukalang batas ang hiniling ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na ipasa ng Kongreso bago matapos ang kanyang termino sa June 2016 -- kabilang na rito ang kontrobersyal na anti-dynasty bill at ang popular sa mga mamamahayag na freedom of information o FOI bill.


Kasama sa binanggit ni PNoy sa kanyang huling State of the Nation Address ang pagpasa sa anti-dynasty bill, na tiyak na dadaan sa butas ng pinakamaliit na karayom dahil ang maaapektuhan nito ay mga pulitiko -- kabilang na ang mga kongresista at senador na silang mag-aapruba ng naturang panukalang batas.


Kung tutuusin, nakasaad sa 1987 Constitution na ginawa sa panahon ng namayapang si dating Pangulong Cory Aquino, ina ni PNoy, ang anti-dynasty. Pero hindi ito naipatutupad dahil sa kawalan ng enabling law o kaukulang batas na dapat ang Kongreso ang gagawa.


Pero dahil ang layunin ng panukala ay maiwasan ang mga magkakapamilya o magkakamag-anak na humahawak sa iba’t ibang posisyon, talaga namang magiging pahirapan at kung hindi man ay suntok sa buwan kung maisabatas ito.

Aba’y maraming kongresista na ang asawa o anak o magulang ang nakaupong gobernador, bise gobernador o kung hindi man ay mayor sa kanilang lalawigan.


Sa Senado naman, ilan din sa mga nakaupo ang magkakadugo at may mga kaanak ding humahawak ng lokal na posisyon. Kaya kung makapasa man sa Senado ang anti-dynasty law, baka mabigo naman ito sa Kamara o vice versa; ang bottom line, good luck.


***


Samantala, makikita naman sa usapin ng FOI bill kung gaano kahirap pasayahin ang mga kritiko ng administrasyong Aquino. Nang hindi mabanggit ni PNoy ang nabanggit na panukala sa kanyang SONA, may mga pumuna at bumira.


Iyon pala, nakareserba ang kahilingan ni PNoy na ipasa ng Kongreso ang FOI bill kasabay ng pagsusumite ng Malacañang sa Kongreso ng 2016 national budget. 


Dahil ang layunin ng FOI bill ay transparency sa paggamit ng gobyerno sa pondo kaya marahil ay minabuti ng Pangulo na itaon ito sa pagsusumite niya ng 2016 budget.


Pero sa halip na matuwa ang mga kritiko at mga ta­gasuporta ng FOI bill, hinanapan pa nila ito ng butas. Mas maganda raw kung isinama ito ni PNoy sa kanyang SONA para mas malakas ang dating ng pag-endorso.


Ngayong inihayag na ni PNoy ang kahilingan niya sa Kongreso na ipasa ang FOI bill, ang dapat gawin ng mga organisasyon sa media na sumusuporta sa panukala ay maglunsad ng kampanya para ma-pressure ang mga mambabatas na aprubahan ito sa lalong madaling panahon upang mapirmahan ni PNoy at maging batas.


Kung sakaling kapusin talaga sa panahon, maaari namang humanap ng paraan ang mga pro-FOI bill at igiit sa Kongreso na magpasok na lamang ng mga probisyon sa 2016 budget o General Appropriation Act, na nagtatakda at nag-oobliga sa mga ahensya ng gobyerno na maging bukas sa pagsasapubliko ng kanilang gastusin. 


Gaya ng Bangsamoro Basic Law o BBL na matagal nang hinihiling ni PNoy sa Kongreso na ipasa para sa kapayapaan ng Mindanao, wala na sa kamay ng Pangulo ang bola sa pagpasa ng anti-dynasty bill, FOI bill at BBL.

Ang mata ng mga mamamayan ay nakatuon na dapat sa mga mambabatas na siyang may hawak ng bola kung ididribol ba nila ito nang matagal o gagawa ng assist para maka-three points bago matapos ang termino ng Pangulo. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”

(Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/aug0515/edit_spy.htm#.VcNsNflViko

No comments: