Kumpiyansa sa hinaharap | |
REY MARFIL |
Kung may isang bagay na dapat ikatuwa ang administrasyon ni Pangulong ‘Noynoy’ Aquino III sa pagtatapos ng kanyang termino sa Hunyo 2016, ito ay patuloy na kumpiyansa ng kanyang mga boss na mamamayang Filipino sa mas magandang hinaharap ng kanilang buhay.
Sa pinakahuling survey kasi na ginawa ng Social Weather Station (SWS) nitong nagdaang Hunyo 5-8, tungkol sa pananaw ng mga respondent sa magiging buhay nila sa susunod na 12 buwan, lumitaw na 42 porsiyento ang nagpahayag ng kumpiyansa ng mas magandang buhay. Higit itong mataas kontra sa anim na porsiyento lamang na naniniwalang sasama pa ang kanilang buhay.
Sa kabuuan, nakapagtala ng ‘very hight’ na positive 36 ang pagiging optimistic ng mga Filipino hanggang sa bumaba si PNoy sa kanyang posisyon sa susunod na taon, Hunyo 30, 2016.
Bukod sa kumpiyansa ng mga tao sa mas maganda ang kinabukasan, naniniwala rin ang mga taong tinanong sa survey na mas gaganda ang lagay ng ekonomiya hanggang sa pag-alis ng Pangulo.
Sa naturang survey, 31 porsiyento ng mga respondent ang nagsabi na tiwala silang mas gaganda ang ekonomiya, kontra sa 15 porsiyento na naniniwalang sasama ang lagay ng ekonomiya. Sa kabuuan, nakakuha rin ng ‘very high’ positive 15 net optimism sa ekonomiya ang pamahalaang Aquino.
Puna ng ilang tagamasid, karaniwan naman daw na mataas ang pagiging optimistiko o kumpiyansa ng publiko kapag nagpapalit ang liderato ng pamahalaan bunga ng gaganaping halalan sa darating na taon.
Pero kung susuriin ang resulta ng survey ng SWS, tila sadyang mataas lang talaga ang pagtitiwala nila sa daang matuwid na pamamahala ni PNoy. Nang magsimula ang kanilang panunungkulan noong Hulyo 1, 2010, nagsagawa ng survey ang SWS tungkol sa pananaw ng publiko sa kung ano ang inaasahan nilang mangyayari sa hinaharap.
***
Sa resulta ng survey na ginawa noong Setyembre 2010, lumitaw na 38 porsiyento ng mga respondent ang positibo ang pananaw, kontra sa anim na porsiyento na pessimistic o net satisfaction rating na +32.
Sa margin of error na positive/negative 3 (+/-3), halos hindi nagbabago ang pananaw na ito ng mga boss ni PNoy hanggang sa June 2014 survey. Batay sa datos, lumitaw din na ang net satisfaction ratings ng optimism ng mga Pinoy na very high na +31.
Samantala, kung ikukumpara ang marka na nakuha ng pinalitang administrasyon ni PNoy, nagsimula lamang ang liderato nito ng +4 noong Enero 2001. Sumadsad ang pag-asa ng bayan sa pinakamababang -6 noong Hunyo 2008. Nakamit lamang ng nagdaang administrasyon ang pinakamataas na +36 pagsapit ng Hunyo 2010, isang buwan matapos maideklarang panalo sa May 2010 elections si PNoy.
Samantala, sa ilalim ng pamamahala ng daang matuwid ni PNoy, kapuna-puna ang malaking pagbabago sa numero ng survey ng SWS makalipas ng isang taon. Kung noong Hunyo 2014 ay +2 lang ang naniniwalang mas gaganda ang ekonomiya ng bansa, tumaas ito sa +15 ngayong Hunyo 2015.
Positibo rin ang pananaw hanggang sa susunod na 12 buwan ng mga respondent sa Hunyo 2015 mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa kumpara sa survey noong Hunyo 2014. Sa resulta ng bagong survey, lumitaw na tumaas sa +36 porsiyento ang pagiging optimistic ng mga mamamayan sa Metro Manila mula sa dating +33; mula sa +32 ay naging +37 sa Balance of Luzon; habang mula sa +27 ay naging +29 sa Visayas ; at mula sa +33 noong Hunyo 2014 ay naging +40 sa Mindanao ngayong Hunyo 2015.
Kaya naman sadyang magiging mabigat ang hamon sa papalit na liderato kay PNoy na panatiling buhay at matatag ang pag-asa ng mga Pilipino para sa mas magandang buhay ng mga boss ng bayan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
No comments:
Post a Comment