Wednesday, August 26, 2015

Ang laman ng kahon... REY MARFIL



Ang laman ng kahon...
REY MARFIL


Parang sakit ng ngipin na naramdaman ng buong katawan ng mga kababayan nating overseas Filipino workers (OFWs) ang isyu sa plano ng Bureau of Customs na buksan ang mga ipinapadalang balikbayan box para masawata ang mga nagpupuslit ng mga produkto at masi­ngil ang mga kaila­ngang buwis.

Kung tutuusin, may katwiran na maghinanakit ang mga migranteng manggagawa. Aba’y tinagurian natin silang mga bagong bayani pero mistulang napagdududa­han lahat sila na nagpupuslit ng kung anumang kontrabando.
Bukod pa diyan, lalabas na mauuna pa ang mga taga-BOC na magbukas ng padala nilang regalong nasa kahon kaysa sa mga pinaglaa­nan nilang mga mahal sa buhay.

Sa atin pa namang mga Pinoy, espesyal at may halong sentimental kapag naglalaan tayo ng regalo sa ating mga minamahal.
Kaya nga kahit sa magkakamag-anak, bad trip kung ang regalo na para sa iyo ay bubuksan ng iba. Hindi ba kahit naman sa sulat, ayaw mong binabasa ng iba ang sulat na para sa’yo.

Kaya naman nang lumabas ang balita tungkol sa plano ng BOC na magkaroon ng bagong patakaran sa sistema ng pagpapadala ng mga balikbayan box, tila naghimagsik sa paraan ng social media ang ating mga OFW.
Pero higit sa usapin ng posibleng dagdag na singil o bayarin sa mga ipadadalang kahon, mas ininda nila ang posibi­lidad na basta na lamang bubuksan ang kanilang padala para lang matiyak ng BOC na walang iligal na produkto na makalulusot, o kaya naman ay may mga mamahaling gamit na hindi masisingil ng tamang buwis.

Sa panig naman ng BOC, dapat ding isipin na trabaho nila na tiyakin na wala ngang iligal o mamaha­ling produkto na makalulusot sa kanila. Masakit mang aminin, mayroon naman talagang iilan na sinasamantala ang pribilehiyo ng mga OFW sa pagpapadala ng balikbayan box.
 At may ilang insidente na rin na ginamit ang pribilehiyong ito para makapagpuslit ng mga bahagi ng armas at iligal n a gamot, at iba pang kalokohan.

Ngunit hindi naman siguro tama na tila pagdudahan natin ang lahat ng OFW kung may magsasamantala sa pribilehiyo ng balikbayan box.
Para bang problema ito sa isang bahay na may nawawalang ulam at hindi mo alam kung daga, pusa o aso ang nagnanakaw ng ulam; na sa halip na gumawa ka ng paraan para malaman mo kung sino ang may sala sa paraan ng paglalagay ng bitag, ang ginawa mo ay pinarusahan mo na lang ang tatlo.
At ang pinakamatindi pa, pati ang bahay ay ipinagiba pa.

***

Kaya naman maganda ang ginawang pasya ni Pa­ngulong Noynoy “PNoy” Aquino na ipatigil ang pla­nong random ins­pection ng mga balikbayan box.
Sa halip, ina­tasan niya ang BOC na idaan ang mga container van na nagla­laman ng mga balikbayan box sa X-ray machine at ipa­amoy sa mga aso para malaman kung may iligal na produkto.

Ang mga kahon lamang na kahina-hinala ang laman ang bubuksan sa harap ng kinatawan ng isang ahensya ng gobyerno, at idodokumento sa CCTV ang proseso para matiyak na walang nakawan na mangyayari.

Pero isa pang dapat marahil na pag-aralan ng BOC ay plano na singilin ng buwis ang mga balikbayan box na walang kasamang uuwing OFW. Dapat isipin at ikonsidera na hindi naman lahat ng OFW ay nakakauwi na kahit isang beses lang isang taon.
Ang iba sa kanila, nanghihinayang sa gagastusin sa pamasahe kaya sa halip na umuwi ng bansa ay bibili na lamang ng mga bagay na maipapadala sa mga mahal sa buhay, o kaya naman ay perang panggastos sa pag-aaral ng mga anak.

Ngunit lagi sana nating tandaan na higit sa anumang produkto o halaga, ang laman ng kahon na ipinapadala ng mga mahal nating bagong bayani ay sakripisyo, pagmamahal at biyaya para sa kanilang mga mahal sa buhay na iniwan sa Pilipinas na dapat igalang at pangalagaan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”
(Twitter: follow@dspyrey) 
http://www.abante-tonite.com/issue/aug2615/edit_spy.htm

No comments: