Friday, August 14, 2015

Cybercrime REY MARFIL




Cybercrime
REY MARFIL

Habang abala ang marami sa pagsubaybay kung magkikita na sina Alden Richards at Yaya Dub o ‘Aldub’, tila hindi napansin -- o sadyang deadma lang ang netizens sa pinakabagong pangyayari sa kontrobersiyal na anti-cybercrime law.

Gaya ng dati, mainit na namang sinubaybayan at pinag-usapan ng netizens kaya naging trending topic muli ang sinasabing kalyeserye sa Eat Bulaga! Pero kung anong init ng pagsubaybay ng publiko sa love story nina Alden at Yaya Dub, siya naman yatang lamig ng pagtutok ng netizens sa development ng cybercrime law.

Halos tatlong taon kasi mula nang maaprubahan ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang naturang batas, ngayon lang napirmahan ang implemen­ting rules and regulation o IRR nito. Ang IRR ang maging ‘user’s manual’ o kodigo ng mga awtoridad, ahensiya ng gobyerno at maging ng mga magre­reklamong netizen, kaugnay sa mga krimen na nakapaloob sa anti-cybercrime law.

Bakit nga ba dapat at mas mahalagang malaman ng netizens ang laman ng IRR kaysa love story nina Alden at Yaya Dub; dahil ang IRR at krimen na nangyayari sa internet o cyberspace ay totoo, at lahat ng netizens ay maaaring maging biktima. Habang ang Aldub love story sa TV at internet lang.

Sa ulat ng Department of Justice (DOJ) mula sa datos ng Philippine National Police (PNP), tinatayang 33.6 milyong Pinoy na ang gumagamit ng internet. At noong nakaraang taon, nasa 614 cybercrime incidents ang naitala, higit na mataas sa 288 kaso noong 2013.

Pero iyan ay datos ng mga nagreklamo at hindi kasama ang mga taong piniling manahimik na lang at hindi na nagsumbong sa mga awtoridad.

*** 

At dahil dumadami ang investment scam at mga mapang-engganyong post sa social media na nang-aakit ng madali at malaking kita, dapat malaman ng netizens na 22 porsiyento ng mga naitalang cybercrime noong 2014 ay may kaugnayan sa scam o panloloko. Uso rin ang mga sex scandal kaya siguro 11 porsiyento ng kaso ay voyeurism at pitong porsiyento naman ay sextortion.

May mga kaso ng libelo o paninira, panggigipit, identity theft at iba pa.

Sa pamamagitan ng IRR, maaaring malaman ng netizens kung ano ang mga kaso na maaari nilang idulog sa awtoridad at saang ahensiya sila maaaring lumapit. Kasama kasing niresolba sa IRR ang posibleng ‘sapawan’ o overlapping ng mga ahensiya ng gobyerno na hahawak o dapat kumilos sa kaso ng cybercrime.

Pero dahil limitado pa sa ngayon ang laang pondo ng binuong Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC, pakiusap ng DOJ sa mga magre­reklamo, tiyakin na mahalaga ang kanilang idudulog na problema. Aba’y huwag na nga namang isumbong o paabutin pa sa demandahan ang away ng mga mag-syota o magkakamag-anak dahil sa tsismis na post sa social media.

May mga kaso na sadyang dapat mabigyan ng mabilis at lubos na pag-aksyon ng gobyerno tulad ng identity thief, hacking, mga scam at cybersex na karaniwang ang mga biktima ay mga kabataan.

Sa mabilis na paggulong ng modernong teknolohiya ng internet, hindi nagpapahuli ang mga kriminal sa pagsabay sa uso para maghanap ng kanilang pagkakakitaan at mabibiktima. Kaya mabuti rin na hindi nagpadala si Aquino sa mga protesta noon laban sa pagkakaroon ng anti-cybercrime law para maprotekthan ng gobyerno ang netizens na abala sa kakikayan sa internet tulad ng Aldub fever. 
“Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/aug1415/edit_spy.htm#.Vc85zPlViko

No comments: