Wednesday, July 20, 2011

Katuwang ang Simbahan!
REY MARFIL



Walang dapat ipangamba ang publiko, sa anumang kaguluhang ipinipinta ng ilang sulsol, malinaw ang deklarasyon ng MalacaƱang kung paano reresolbahin ang problema sa pinagtatalunang isla o teritoryo sa West Philippine Sea -- ito’y dadaanin sa mapayapang pamamaraan.

Dapat ikatuwa ang pagkakaroon ng gobyernong nagtatrabaho nang husto sa pamamagitan ng Department of Fo­reign Affairs (DFA) sa pagtiyak ng maayos na resolusyon ng gusot sa tulong ng “diplomatic channels” alang-alang sa pinakamainam na interes ng maraming partido.

Sa katunayan, makatwirang bigyan ng kredito ang admi­nistrasyong Aquino dahil sa kasalukuyang posisyon nito sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (Asean) sa pagsuporta sa posisyon ng Pilipinas na isulong ang paghahabol sa Spratly Group of Islands, gamit ang multi-lateral na diskusyon at diplomatikong pamamaraan.

Ang suhestyon ni Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario, gamitin ang tinatawag na “rules-based regime” sa usapin ng paghahabol ng mga teritoryo sa West Philippine Sea at maaaring talakayin ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang isyu sakaling matuloy ang pagbiyahe sa China -- ito’y inaasahan sa katapusan ng Agosto o kaya’y unang linggo ng Setyembre.

Magandang balita ang pagkakasundo ng Pilipinas at China na panatilihin ang malawak na relasyon, sa pamamagitan ng pagtiyak na hindi ito maaapektuhan ng gusot na nangyayari sa West Philippine Sea.

Nagkasundo rin sina Del Rosario at Chinese counterpart/Foreign Minister Yang Jiechi na mag-usap sa lahat ng pagkakataon, alang-alang sa katatagan ng katubigan na namamagitan sa dalawang (2) bansa.

***

Napag-usapan ang kredito, malinaw ang pagkakaroon ng “political will” ni PNoy kaya’t nangyayari ang reporma sa gobyerno sa kabila ng matinding pagtutol ng mga nasasagasaang kritiko.

Walang kuwestiyon, desidido si PNoy na tulungan ang pinaka-mahihirap na mga tao, paunlarin ang ekonomiya at ipatupad ang maayos na pamahalaan sa pagtatapos ng kanyang termino sa 2016.

Isa sa konkretong reporma ni PNoy ang halos dalawang (2) milyong pamilyang nakinabang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Conditional Cash Transfer (CCT) na ipinapatupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), simula noong Hunyo.

Bilang patunay kung gaano kadeterminado ang “Simpleng Pangulo” -- palawakin ang programa at pataasin ang mga rehistradong benepisyunaryo hanggang 2.7 milyong pamilya sa unang tatlong (3) buwan ng 2012.

Kaya’t hindi nakakapagtakang batuhin ng walang basehang kritisismo ang mga kalaban na naaapektuhan ng reporma lalo pa’t allergic sa transparency policy ng pamahalaan.

Nakaraang Hulyo 12, muling ipinamalas ni PNoy ang malasakit sa mga mahihirap nang manguna sa distribusyon ng pa­ngunahing serbisyo sa nangangailangang residente ng Kalibo, Aklan.

Tama ang Pangulo sa pagsasabing dapat mabigyan ng parehas na oportunidad sa pagpapabuti ng kanilang buhay ang lahat ng Filipino at walang sinuman ang dapat na maiwanan.

Kabilang sa ipinamahaging social services ni PNoy ang supplementary feeding program checks, PhilHealth cards, at sertipikasyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, social pension para sa indigent senior citizens checks, sertipikasyon ng land ownership awards (CLOAs) at ayuda para sa sektor ng agrikultura.

Nasa tamang direksyon ang Pangulo sa pagsasampa ng malakas na kasong katiwalian laban sa mga tiwaling opis­yal ng nakalipas na administrasyon, base sa mga ebidensya. Dapat magkaroon ng hustisya para sa inagrabyadong Filipino.

***

Magandang senyales ang positibong pagtingin ng MalacaƱang na makakatuwang ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa ilalim ng liderato ng bagong presidente na si Cebu Archbishop Jose Palma.

Tama ang paninindigan at posisyong kasangga ng pamahalaan ang Simbahang Katoliko sa pagsusulong ng kagali­ngan at interes ng mga Filipino.

Ibig sabihin, hindi dapat maapektuhan ng walang basehang intriga na ikinakalat ng mga kritiko upang sirain ang magandang relasyon ng pamahalaan at Simbahang Katoliko, partikular ang mabubuting layunin at adhikain na matulungan ang mga mahihirap, as in tamang manatili ang pagkakaibi­gan ng pamahalaan at Simbahan alang-alang sa interes ng mga Filipino at transparency sa gobyerno.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)


No comments: