Monday, July 4, 2011

1 vs 9!
REY MARFIL

Matindi ang hamon sa mga problemang ipinamana ni da­ting Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ngunit nakahanda si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na tumugon dito at nasa tamang posisyon din ang Pangulo na mapagtagumpayan ang laban dahil sa mga matibay na pundasyong inilatag para maisulong ang mga reporma at pagbabago.

Mabuting pamamahala at pagbabalik sa tiwala ng publiko sa gobyerno sa pamamagitan ng integridad, ka­tapatan, transparency at pananagutan ang panguna­hing mga nagawa ng administrasyon sa loob lamang ng isang taon sa kapangyarihan kaya’t hindi nakakapagtakang marating natin ang rurok ng tagumpay sa ekonomiya dahil sa maigting na pagnanais ni PNoy na ipatupad ang makatotohanang reporma.

Sa nakalipas na mga panahon, nawalan na ng interes ang mga Filipino na aktibong makisangkot sa mga nangyayari sa lipunan dahil sa nabubunyag na mga katiwalian sa nakaraang admi­nistrasyon na malaking rason sa pagkawala ng kanilang pag-asa at tiwala sa gobyerno. Kahit itanong n’yo pa kay Little Mike!

Maraming positibong indikasyong nakita sa gobyerno, katulad ng pag-angat ng credit ratings ng bansa, pagkakaroon ng mahahalagang mga panukala at batas na magrereporma sa ekonomiya at pulitika, paglaki ng halaga ng pamumuhunan mula sa mga lokal na negosyante at paglikha ng trabaho, pinaka-latest ang pagkabawas sa bilang ng mga gutom, patunay ang pagbaba ng 5%, maliban kung mutain ang mga kritiko ni PNoy? Take note: nakaka-isang taon pa lang ‘yan (PNoy) na hindi nagawa sa halos isang dekada!

Pinatunayan ng mga ito ang patuloy na positibong pananaw ng mga Filipino sa kakayahan ni PNoy na isulong ang mga reporma. Naniniwala ang mga kurimaw, na hindi magtatagumpay ang negatibong pananaw ng mga kritiko lalo’t mahusay ang pundasyon na inilatag ng Pangulo para isulong ang magandang kinabukasan ng mga ito. Alin ba ang mas nakakahiyang pag-usapan -- iyung kabarilan o iyung mag-appoint ng manikurista?

Hindi tayo dapat magpaloko sa ingay ng mangilan-ngilang minorya na nagnanais makabalik sa kapangyarihan at tumututol sa repormang inilalatag ng pamahaan para sa magandang kinabukasan ng mga Filipino, as in hindi dapat magkaroon ng pagkaka­bati-bati nang walang kaukulang hustisyang mangyayari para papanagutin ang mga taong dahilan ng paghihirap ng mga Filipino ngayon.

***

Napag-usapan ang 1st year anniversary ni PNoy ng nakaraang Hunyo 30, kasabay ding inaprubahan ang panukalang P1.816-trilyong 2012 pambansang badyet para isulong ang interes at ka­galingan ng mga Filipino sa pamamagitan ng paglalaan sa konsentrasyon ng pondo sa 16-point social contract -- ito’y mas mataas ng 10.12% sa kasalukuyang P1.645 tril­yong budget ngayong taon upang matiyak na maipagkakaloob ang mga pangunahing serbisyo sa mga taong higit na nangangailangan.

Limang (5) panguna­hing aspeto ang tinutukan ni PNoy -- kinabibilangan ng kampanya kontra katiwalian at pagsusulong ng mabu­ting pamamahala, pagsugpo sa kahirapan, pagsulong ng ekonomiya, makataru­ngan at wagas na kapa­yapaan, at pagsunod sa mga batas at pagmamahal sa kalikasan.

Dahil sandamukal ang problema sa sektor ng edukasyon, tatanggap ang Department of Education (DepEd) ng P237 bilyon o mas mataas ng 14.4 porsyento kumpara sa P207.3 bilyon ngayong taon para tugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan, guro at instructional materials, katulad ng mga lib­ro at iba pa.

Tatanggap din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P53.6 bilyon o mas ma­laki ng 56% mula sa kasalukuyang P34.3 bilyon para suportahan ang tatlong (3) mil­yong pamilya mula sa kasalukuyang 2.3 milyon na nakikinabang sa conditional cash transfer (CCT) program.

Tumaas din ng 13.8% ang budget ng DPWH sa 2012 mula P110.6 bil­yon ngayong taon, ito’y na­ging P125.9 bilyon para ipagawa ang pangunahin at sekondaryong mga kalsada at tulay sa buong bansa. Tatanggap naman ang Department of Agriculture ng P52.9 bilyon sa 2012 o mas mataas ng 50.4% mula sa kasalukuyang P35.2 bilyon.

Hindi lang ‘yan, kapuri-puri ang hindi matatawarang trabaho ni PNoy na resolbahin ang kakula­ngan sa mga silid-aralan sa buong bansa. Sa katuna­yan, sinaksihan ni PNoy ang pag­lagda sa memorandum of agreement (MOA) ng Department of Education, Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Gawad Kalinga para sa kons­truksyon ng 1,000 bagong silid-aralan.

Sa ilalim ng MOA, tutulong ang PAGCOR sa pag­lalaan ng pera para sa paggawa ng 1,000 silid-aralan na agarang ipagkakaloob sa DepEd at magbibigay naman ang Gawad Kalinga ng mga tao para tumulong sa paggawa ng mga gusali, as in walang duda, maibibigay ni PNoy ang mga pagbabagong kailangan lalo’t sumusuporta ang publiko sa magagandang plano tungo sa pagbabago.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: