Wednesday, July 27, 2011

‘Kuwentas-claras’
REY MARFIL


Kung tutuusin, dapat magpasalamat ang mga kritiko sa matalinong paggugol ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa kaban ng bayan, aba’y nakapagtipid ang gobyerno ng P12 bilyon na nagamit para pondohan ang iba pang mga proyektong hindi kasama sa nabigyan ng alokasyon sa ilalim ng pambansang badyet ngayong taon.

Tinukoy at ibinasura ng administrasyong Aquino ang mga programang hindi na pakikinabangan at inilaan na lamang ang pondo sa mga proyektong higit na kailangan ng mga Filipino ka­tulad ng ayuda sa sektor ng edukasyon at kalusugan.

Ibig sabihin, malayo sa nakagawian ng mga dating nakaupo sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na “na­ngalumata” sa kaka-kape.

Malinaw ang ebidensya, napunta ang P12 bilyong natipid sa mga sumusunod:

•P2 bilyon sa National Power Corporation (NAPOCOR) para sa pangangailangan sa gasolina ng Small Power Utilities Group upang maiwasan ang kakapusan sa gasolina sa mga isla sa buong bansa;

•P450 milyon para sa fuel subsidy ng public utility jeepneys at tricycles upang bawasan ang epekto ng mataas na presyo ng mga produktong petrolyo;

•P850 milyon para sa suweldo ng 10,000 rehistradong nur­ses na nagsisilbi sa mga malalayong lugar sa bansa;

•P4.2 bilyon para sa paggawa ng 20,000 mga bahay ng mga sundalo at pulis;

•P727 milyon para sa transportasyon ng 86 rail carriages na ibinigay ng pamahalaang Japan sa Philippine National Railways (PNR) Corporation at rehabilitasyon ng PNR line mula Maynila hanggang Naga City;

•P423 milyon para sa pagbili ng US Hamilton class cutter na magpapalakas sa depensa ng bansa sa Malampaya area;

•P2.8 bilyon para sa implementasyon ng third tranche ng Sa­lary Standardization III (SSL 3) ng mga kawani ng pamahalaan.

•P99.92 milyon bilang bayad sa suweldo ng mga huwes bilang resulta ng SSL 3;

•P568 milyon para sa implementasyon ng PAMANA prog­ram na pakikinabangan ng mga lugar na mayroong kaguluhan.

Ipinapakita lamang ng administrasyong Aquino ang ma­tinong pamamahala na pakikinabangan ng mga Filipino. Ang tanong ng mga kurimaw: ito ba’y nangyari sa halos isang dekadang administrasyon o kaya’y naging “kuwentas-claras” ang mga dating nakaupo sa trono?

***

Napag-usapan ang “good news”, hindi ba nakikita ng mga kritiko ang matinding determinasyon ni PNoy na makamit ang rice self-sufficiency, maliban kung sadyang “mutain” at hindi nakikita ang pag-ukol ng panahon ng administrasyong Aquino sa Food Staples Self-Sufficiency Roadmap (FSSR) para sa mga taong 2011 hanggang 2016 -- ito’y magsisilbing pangunahing programa para sa seguridad ng bansa.

Hindi ba kabilib-bilib ang ulat ng Department of Agriculture (DA) kaugnay sa umasensong ani ng sektor ng agrikultura na dahilan kaya hindi na masyadong umangkat ang bansa ng bigas sa ibang mga nasyon?

Take note: umangat ng 4.2% ang sektor ng agrikultura mula sa first quarter ng 2011.

Naitala naman ang negative growth na 1.08% sa first quarter ng 2010.

Sa report ng Bureau of Agricultural Statistics (BAS), ang 4.04 milyong metric ton (MT) ng produksyon ng palay nitong Enero hanggang Marso 2011, mas mataas sa 3.49 milyong MT na naani noong nakalipas na taon, katumbas ang 15.6% increase -- ito’y nag-ugat sa malawakang programa sa irigasyon at maigting na implementasyon ng DA ng kanilang Rapid Seed Supply Financing Project na nagkakaloob ng magandang klase ng buto sa mga kuwalipikadong mga magsasaka ng palay.

Hindi lang ‘yan, bumaba ng 80% ang importasyon ng bigas, as in mula 2.02 milyong MT mula Hulyo 2009 hanggang Hunyo 2010, ito’y naging 386,243 MT mula Hulyo 2010 hanggang 2011.

Noong 2010, umabot lamang sa 2.38 milyong MT ang inangkat na bigas. Sa taong 2012, inaasahang lalo pang bababa ang pag-angkat ng bigas, puntirya ang 500,000 MT.

Laging tandan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)


No comments: