Walang lusot! | |
Determinado si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na isulong ang reporma sa mga batas sa paggawa para matiyak na mapapangalagaan ang karapatan ng bawat Filipino -- isang magandang indikasyon sa katangian ng isang lider ang pagkakaroon ng malasakit sa kapakanan ng mga manggagawa.
Sa 3rd Regional Conference of the Union Network International (UNI) Asia-Pacific Regional Organization (APRO) ng nakaraang Hulyo 5 -- ito’y ginanap sa Century Park Hotel Grand Ballroom, tiniyak ni PNoy ang pagtataguyod ng gobyerno sa karapatan at interes ng labor sector.
Ang gustong mangyari ni PNoy, magiging isang kagustuhan na lamang at hindi pangangailangan ang paghahanap ng trabaho sa ibang bansa.
Kaya’t makatwirang kilalanin ang magandang mga nagawa ng Pangulo, katulad ang pag-utos sa regional wage boards na ipatupad ang umento sa suweldo, paglikha sa trabaho, pagsusulong ng mga programang pang-kabuhayan sa tulong ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na naglaan ng P700 milyon para sa Training for Work Scholarship Program.
Tanging kritiko ang hindi nakakapansin na bumaba sa 7.2% ang kawalan ng trabaho ngayong 2011 kumpara sa 8% noong Abril 2010, maging credit ratings ng Pilipinas, malaki ang ipinagbago -- ito’y magsisilbing instrumento upang lalong magsumikap ang pamahalaan sa paglikha ng trabaho.
Hindi lang ‘yan, hindi ba’t kahanga-hanga rin ang pagtiyak ni PNoy sa banyagang mga negosyante na tanging parehas at walang “tongpats” na mga proyekto lamang na pakikinabangan ng mga Filipino ang matutuloy -- ito’y sa harap ng pangamba ng European Chamber of Commerce hinggil sa pabagu-bagong polisiya ng gobyerno.
Inutusan ni PNoy si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Albert Del Rosario na tawagan ang banyagang mga negosyante para tiyakin ang parehas na laban sa kanyang administrasyon at tama naman ang Pangulo sa pahayag na hindi dapat magpatuloy ang palpak at lihis na mga proyekto.
Inihalimbawa ni PNoy ang paghuhukay sa Laguna Lake kung saan gugugol ang gobyerno ng P18 bilyon para sa proyekto kahit wala naman itong malaking benepisyo sa mga tao -- ito’y mariing tinutulan ng Pangulo at makatwiran lamang ang ginawa nitong pagkansela sa kontrata na naunang napasakamay ng isang dayuhang kumpanya, sa panahong tigmak sa anomalya at eskandalo ang gobyerno.
***
Napag-usapan ang kapakanan at interes ng nakakarami, isang magandang balita ang paglagda ni PNoy sa apat (4) na batas na naglalayong isulong ang interes at benepisyo ng pangkaraniwang mamamayan sa larangan ng enerhiya, trabaho at serbisyong pang-kalusugan -- ito’y kabahagi sa kanyang social reform agenda.
Isa sa apat na batas ang Republic Act (RA) 10150 -- ito’y magbibigay ng 10-taong ekstensyon sa lifeline rate o electric subsidy sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) para makinabang ang mahihirap na pamilya.
Nilagdaan din ang Joint Resolution No. 1, partikular ang pagkakaloob ng 10-taong ekstensyon ng Joint Congressional Power Commission (JCPC) para magpatuloy ang oversight function nito sa pagtiyak na naipatutupad ng tama ang EPIRA at Renewable Energy Act.
Ang Republic Act No. 10151 -- ito’y magkakaloob ng karagdagang karapatan at benepisyo sa mga babaing nagtatrabaho sa gabi na nagbasura sa articles 130 at 131 ng Presidential Decree (PD) Number 442 o Labor Code of the Philippines. Take note: ang RA No. 10151 na kabilang sa mga panukalang tinalakay sa Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Nilagdaan din ni PNoy ang Republic Act No. 10152 kaya’t awtomatikong libre ang pagbakuna sa napakamahal na anti-Hepatitis B sa mga sanggol, ilang minutong mailuwal ng ina at naamyendahan ang Presidential Decree No. 996 para matiyak ang kalusugan ng mga bata. ‘Ika nga ni PNoy -- “hindi tamang ang may mga pera lamang ang maaaring makapag-bakuna ng Hepatitis B”.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment