May tiwala ngayon! | |
Makatwirang bigyan ng kredito si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa nilagdaan sa pagitan ng gobyerno at Cordillera Bodong Administration-Cordillera Peoples Liberation Army (CBA-CPLA) -- isang senyales sa pagtatapos ng dalawang (2) dekadang armadong pakikibaka sa Cordillera.
Kilalanin o hindi ng mga kritiko ang aksyon ni PNoy, hindi maitatanggi ang pagsisikap ng pamahalaan at taga-Cordillera na maisakatuparan ang kapayapaan tungo sa progreso ng rehiyon na naunang isinulong ni dating Pangulong Corazon “Tita Cory” Aquino.
Isang positibong bagay ang pagkakalagda sa Memorandum of Agreement (MOA) ng pamahalaan at CBA-CPLA -- ito’y may titulong Towards the CPLA’s Final Disposition of Arms and Forces and its Transformation into a Potent Socio-Economic Unarmed Force.
Take note: si Tita Cory ang lumagda sa “Mt. Data Peace Accord” ng dalawang (2) partido, halos 25-taon ang nakakalipas at isa sa konkretong nagawa ng kanyang administrasyon.
Hindi ba’t masuwerte ang mga Filipino sa pagkakaroon ng isang lider na nagsusumikap sa pagsusulong ng mapayapang pag-uusap para makamit ang tunay na kapayapaan sa rehiyon, as in hindi kailangan pang dumanak ang dugo. At sa mga taga-Cordillera, mahalagang tugunan ng pakikiisa ang apela ni PNoy na magtulungan sa pagpapanatili ng kapayapaan tungo sa progreso ng rehiyon.
At hindi rin kailangan pang mag-alala ng pamilyang mahihirap dahil tuloy ang pagkakaloob ni PNoy ng ayuda o subsidiya, sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Kapuri-puri ang deklarasyon ni PNoy na ipagpatuloy ang pagkakaloob ng conditional cash transfer (CCT) sa ilalim ng 4Ps para matulungan ang pamilyang mahihirap.
Inihalimbawa ni PNoy ang kaso ng pagtulong kay Sharon Hassan Dabbang -- ito’y meron limang (5) anak at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Bangkal sa Patikul sa Sulu, na iprinisinta ni Social Welfare Sec. Corazon Soliman bilang ika-2 milyong benepisyunaryo ng 4Ps.
Sa taong 2012, nais ni PNoy na madagdagan ng 700 libong benepisyunaryo ang kasalukuyang dalawang (2) milyong nakikinabang sa subsidiya -- ipinapakita lamang ng Pangulo ang kanyang malasakit sa kalagayan ng mga mahihirap at tinitiyak nitong pakikinabangan ng publiko ang pampublikong pondo na nauuwi lamang noon sa katiwalian sa ilalim ng dating administrasyon.
***
Napag-usapan ang “good news”, pinakikinabangan ngayon ang malakas na pundasyon ng prinsipyado at matinong pamahalaan ni PNoy, patunay ang naitalang pinakamataas na stock exchange index, maging ang patuloy na pagtaas ng credit rating ng Pilipinas mula sa iba’t ibang international rating institutions -- ito’y kauna-unahang nangyari sa bansa.
Sa kaalaman ng publiko, umabot ang local stocks sa 3,900 ng nakaraang Huwebes (Hunyo 30) -- ito’y epekto ng magandang pamamahala ni PNoy. Ibig sabihin, malakas ang pagtitiwala ng mga lokal at banyagang mamumuhunan sa liderato ni PNoy dahil sa kanyang magandang polisiya sa ekonomiya, pananalapi at sosyal.
Bagama’t hindi agarang mararamdaman ng mga mahihirap ang positibong epekto ng positibong balita, inaasahang lilikha ng trabaho sa hinaharap at magandang oportunidad sa negosyo.
Kaya’t hindi dapat mainip ang publiko lalo pa’t hindi nakukuha sa isang tulugan ang pagsasaayos ng mga bitak sa gobyerno.
‘Ika nga ng mga kurimaw: kung napagtiyagaan ang halos isang dekadang lugmok sa kontrobersya at eskandalo, bakit hindi makapaghintay ng dalawa (2) hanggang tatlong (3) taon?
Ang malinaw ngayon, natapos na ang “wait and see attitude” ng mga negosyante sa bagong pamahalaan dahil sa seryosong kampanya ni PNoy na ibalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment