Reporma sa NFA! | |
Umani ng P1.56 bilyong kita at P1.32 bilyong “savings” ang National Food Authority (NFA) -- ito’y nangyari sa loob ng isang taong panunungkulan ni administrator Lito Banayo, malinaw ang epektibong repormang ipinatutupad sa ahensya, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Sa unang linggo pa lamang nito sa pwesto, sa pagnanais na ilabas ang katotohanan sa likod ng mga anomalyang bumalot sa nakalipas na administrasyon, sinimulan nitong isagawa ang system’s audit kasama ang pribadong sektor at mga sektor sa larangan ng pagsasaka upang malalimang suriin ang napakalaki at irregular na pag-angkat ng bigas kasama na rito ang mga iniwang problema sa industriya ng butil.
Layon din ng naturang inisyatibo sa pamumumuno ni Banayo ang pagsasagawa ng mga agarang aksyon upang lunasan ang lumolobong utang at pagkalugi ng ahensya at palakasin ang suportang dapat ibigay nito sa mga magsasaka maging ang pagtiyak sa supply ng pagkain ng bansa.
Sa tulong ng malawakang system’s audit na isinagawa noong isang taon, agad na nagsagawa ng reporma sa mga polisiya sa pag-aangkat ng bigas. Mula sa halos 2.5 milyong metriko toneladang importasyon, naibaba ang pag-angkat natin ng bigas sa wala pang isang milyong tonelada. At ngayong taon, 200 libong tonelada lamang ang inangkat ng pamahalaan at 600,000 metriko tonelada lamang ang binili sa ibang bansa ng pribadong sektor.
Kung noo’y 92% ng importasyon ang inaangkat ng pamahalaan at 8% sa pribadong mamumuhunan, binaliktad ng NFA ang suma para bigyan ng mas malaking bahagi ng industriya ang mga mamumuhunan, as in 24% na lamang ang inangkat ng pamahalaan sa pamamagitan ng NFA at 77% sa pribadong sektor.
Hindi lingid sa kaalaman ng publiko, ang kasaysayan ng importasyon ng NFA -- ito’y hitik ng overpricing o bukol sa presyo sa karaniwang halagang $630 bawat metriko toneladang bigas samantalang nakukuha ng NFA sa nakalipas na isang taon sa halagang $480 lamang. Kasama na sa halagang nabanggit ang interes, ang halaga ng pagbiyahe nito mula sa ibang bansa. Take note: nakuha pa ng pamunuan (NFA) na palawigin ang termino ng pagbabayad nito sa loob ng 9-buwan.
***
Kung kita naman ang pag-uusapan, tanging P25.00 ang kinikita ng NFA noon sa bawat kaban na inangkat mula sa pribadong sektor. Sa ilalim ng administrasyong Aquino, halos P130.00 ang kita ng NFA. Kung susumahin, malinaw ang P1.5 bilyong kita ng pamahalaan mula sa pag-aangkat ng bigas ng pribadong sektor sa kasalukuyang taon lamang -- ito’y resulta ng reporma sa proseso ng bidding.
Ang lahat ng ito’y kabaligtaran sa umiral na sistema sa importasyon ng bigas sa ilalim ng nakaraang administrasyon kung saan iniakma lamang sa iilang negosyante ang mga proseso kung saan naging isang malaking monopoly o cartel ang industriya ng rice importation sa pamamagitan ng pananamantala sa maliliit na kooperatiba para makaiwas lamang sa pagbabayad ng tamang buwis sa pamahalaan.
Hindi lang ‘yan, sa pamamagitan ng napapanahon, akma at malakas na polisiya sa pagbili ng palay mula sa mga lokal na sakahan, naitaas ng pamahalaan ang “farmgate price” ng palay sa 2.9% sa loob ng maikling panahon na pinasalamatan ng mga magsasaka dahil sa paglobo ng kanilang kita. Sa loob din ng nasabing panahon mula nang maupo si Banayo, pinagsikapang maging kalakaran ang maayos na istratehiya at mga kaparaanan na naging sanhi ng matatag at murang bentahan ng bigas sa mga pamilihan, malayo sa animo’y salawahang presyo ng ibang pangunahing bilihin.
Dahil dito, naging instrumento ang matatag na presyo ng bigas sa merkado upang maiwasan ang mataas at agarang inflation na isang basehan sa antas ng ekonomiya ng bansa -- ito’y hindi nangyari sa nagdaang halos isang dekadang administrasyon. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
1 comment:
Okay lang sana ang tagumpay ng NFA. Yung pinuno labg nyan ang di okay. Ako na lang ang nakakaalam kung bakit. Good morning!
Post a Comment