Good news sa SONA! | |
Dahil dito, bumaba ang kakulangan sa trabaho ng 0.8% mula 8% noong Abril 2010, naging 7.2% ngayong Abril 2011, as in lumalabas na nagkaroon ng 1.4 milyong bagong trabaho, malinaw ang ebidensyang mula 35.4 milyon, ito’y naging 36.8 milyon. Nalikha ang 302 libong bagong trabaho sa pamahalaan kaya naman kitang-kita ang pagbawi ng merkado.
Hindi lang ‘yan, siguradong malaki ang asensong tatamasahin ng mga manggagawa sa ilalim ng administrasyong Aquino dahil sa isinusulong ni Labor and Employment Sec. Rosalinda Baldoz ang pag-amyenda sa Labor Code. Take note: 36 years old ang kasalukuyang batas at kung nagkataong “tao”, ito’y marami ng anak lalo pa’t ayaw ng kaparian sa Reproductive Health (RH) bill.
Tamang baguhin ang Labor Code para makatugon sa kasalukuyang hamon at pangangailangan ng mga manggagawa at merkado -- isang paraan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino para masolusyunan ang mga seksyon hinggil sa tenure, contracting at subcontracting ng mga serbisyo na kontra, ito’y pabor sa interes ng manggagawa. Sa katunayan, suportado ng tripartite sector ang mga reporma na isinusulong ng departamento.
***
Napag-usapan ang mga “good news” na isa sa magiging laman ng 2nd State of the Nation Address (SONA) ni PNoy ngayong hapon sa joint session ng Dalawang Kapulungan ng Kongreso sa Batasan Complex, nakakatuwang marinig na malaki ang naitutulong ng conditional cash transfer (CCT) program para tumaas ang bilang ng mga estudyanteng pumapasok sa mga eskuwelahan.
Sa ganitong paraan, nakasisiguro tayo sa magandang kinabukasan ng bansa dahil sa pagsusumikap ng pamahalaan na maibalik ang maraming mga estudyante sa sektor ng edukasyon. Mula sa isang (1) milyong estudyante noong 2010, umabot sa tatlong (3) milyon ang benepisyunaryo ng CCT nitong nakalipas na Hunyo 2011.
Talaga namang nakakatulong ang desisyon ni PNoy na palawakin ang benepisyunaryo ng programa matapos aprubahan ng Kongreso ang P21 bilyong badyet para sa CCT ngayong taon. Nabibigyan kasi ng buwanang allowances bilang insentibo ang mga pamilyang mahihirap, kapalit ang pagtiyak na malusog at mananatili sa mga eskuwelahan ang kanilang mga anak.
Tama si PNoy -- kailangang nasa paaralan ang mga bata para magtagumpay ang maigting na kampanya sa paglaban sa kahirapan gamit ang karunungan.
Higit sa lahat, tama ang desisyon ni PNoy na isama sa prayoridad ang pagsasaayos sa financial ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) para tiyaking magpapatuloy ang ayuda sa mga mahihirap sa halip na pag-ukulan ng panahon ang imbestigasyon kaugnay sa kontrobersya ng paggamit sa pondo para sa public relations.
Ang nakakalungkot lamang, hinayaan ng dating administrasyon ang malaking pagkakautang nito sa pampublikong mga ospital na umabot ng P3 bilyon -- ito ang malaking rason kung bakit ayaw nang tanggapin ang guarantee letters ng PCSO sa mga pampublikong ospital.
No comments:
Post a Comment