Dito lang masusumpungan! | |
Dati-rati’y pangarap lamang ng ordinaryong kasapi at kagawad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang magkaroon ng mura at disenteng tahanan subalit ngayo’y isang katotohanan -- ito’y nangyari lamang sa administrasyong Aquino.
Nakaraang Hulyo 15 (Biyernes), pinangunahan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang distribusyon ng housing units sa mga kapulisan at kasundaluhan. Naglaan ng P4.2 bilyon ang gobyerno para sa konstruksyon ng 21,000 housing units sa pamamagitan ng National Housing Authority (NHA) -- ito’y sumasakop sa 12 lokasyon ngayong taon -- malinaw ang hindi matatawarang malasakit ni PNoy sa kalagayan ng mga pulis at sundalo.
Bilang simbolo at pagsimula ng proyekto, ipinamahagi ni PNoy ang Certificate of Entitlement to Lot Allocations (CELAs) para sa AFP-PNP personnel sa Bocaue Hills, Barangay Batia, Bocaue, Bulacan kung saan ipinagkaloob ang susi ng housing unit sa 20 benepisyunaryo. Take note: babayaran lamang ng P200.00 kada buwan, aba’y kahit 50-taon ka pang maglakad, ‘di masusumpungan ang ganitong kapalaran.
Sa video footage, nakakaiyak ang kuwento ng ilang sundalo at hindi maiwasang maluha ng mga ito habang kinukunan ng sound bite at tinatanong sa programang pabahay ni PNoy.
Mantakin n’yo nga naman, ngayon lamang nagkaroon ng disenteng bahay sa halagang P200.00 gayong multi-bilyon ang nababalitaang ninanakaw ng mga dating opisyal ng gobyerno.
Namahagi rin ng CELAs si PNoy sa mga kuwalipikadong benepisyunaryo ng housing units sa Lake Breeze Residences sa Calamba, Laguna kung saan 30 susi ang ipinagkaloob, patunay kung gaano kaseryoso ang Pangulo na iangat ang kalidad ng pamumuhay ng kapulisan at kasundaluhan -- ito’y paraan upang mabawasan ang katiwalian at pagtupad sa pangakong “walang maiiwan” sa ibaba.
Hindi lang ‘yan, makatwiran ding batiin si PNoy sa paghahain ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng 298 kaso laban sa illegal loggers -- ito’y kinasasangkutan ng mga local officials sa iba’t ibang korte sa bansa.
Makikita ang determinasyon ni PNoy na protektahan ang kalikasan para sa magandang kinabukasan ng mga Filipino matapos magdeklara ng giyera laban sa illegal loggers.
Dapat ding kilalanin ang magandang trabaho ni Environment and Natural Resources Sec. Ramon Paje sa pagsugpo ng illegal logging activities sa bansa. Hindi ba’t nakakabilib ang seryosong pagsunod ng DENR sa kautusan ni PNoy na kanselahin ang lahat ng logging concessions sa mga kagubatan at ito ba’y hindi nangyari sa nagdaang ilang dekada?
***
Pag-usapan ang “good news”, gumaganda ang ekonomiya dahil sa mga repormang inilalatag ni PNoy laban sa katiwalian, patunay ang inagurasyon ng nakaraang Hulyo 11 ng Nokia Siemens Network’s (NSN) sa Quezon City -- ito’y kauna-unahan at bagong research development facility sa Timog Silangang Asya, sa larangan ng telecommunications firm.
Pambihirang tiwala ang ibinigay ng kumpanya matapos mapili ang Pilipinas para sa kanilang negosyo gayong 37 bansa ang pinagpilian para pagtayuan ng kanilang research and development facility sa Timog Silangang Asya.
Malaking karangalan sa Pilipinas ang pasilidad na binuksan kung saan pagpapakita rin ito ng tiwala sa kakayahan ng mga manggagawang Filipino.
Mismong si PNoy ang nanguna sa inagurasyon ng NSN’s NetworkLabs sa UP-Ayala Land, Incorporated Technohub na panibagong “milestone” sa pagtungo sa kaunlaran, maliban kung sadyang mutain at sandamakmak ang tutuli ng mga kritiko ng “Simpleng Pangulo” kaya’t hindi makita at marinig ang dalang good news ng Nokia management sa mga Filipino?
***
Anyway, ginagawang lahat ng Bureau of Animal Industry (BAI), lokal na pamahalaan ng Maynila at ibang ahensya ang kinauukulang hakbang para mapabuti at maitaas ang pamantayan ng mga pasilidad sa Manila Zoo.
Sa kabatiran ng nakakarami, matatagpuan ang Manila Zoological and Botanical Garden sa 5.5 ektaryang lupain sa Lungsod ng Maynila -- ito’y binuksan sa publiko noong Hulyo 25, 1959.
Kaya’t suportahan natin ang pagsali ng pamahalaan sa kampanya ng publiko na maghanap ng donasyon para sa zoo kung saan maaaring tumawag ang donors sa mga numerong 468-9498 at 383-6862.
Take note: ang Manila Zoo ang kauna-unahan, pinaka-popular at pinaka-matandang zoo sa bansa.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment