Anak
 ng buko! May peligrong nagbabanta sa industriya ng niyugan sa bansa 
dahil sa pagsalakay ng mga peste na “coconut scale insects” na mas 
kilala sa tawag na cocolisap. 
           
            Dahil sa peste, nagpalabas na si Pangulong Noynoy 
‘PNoy’ Aquino ng isang executive order (EO) na nagdedeklara ng state of
 emergency sa mga lugar na matinding tinamaan ng napakaliit na peste. 
Ito ay ang mga lugar sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon at 
Basilan. 
           
            Hindi biro ang bantang dala ng cocolisap dahil nakalilipat 
sila sa ibang lugar kapag natangay ng hangin. Sa ngayon, tinatayang 
umaabot na sa isa hanggang dalawang milyong puno ng niyog ang pinapak ng
 mga peste. 
           
            Kahit napakaliliit ng mga pesteng ito, lintek naman ang pinsalang ibinibigay nila sa puno ng niyog o buko. 
           
           Mula sa dahon, katawan, hanggang sa bunga ng puno, 
inaatake ng mga ito. Kaya naman malaking perwisyo ito sa ating mga 
magsasaka ng niyog at iba pang mamamayan na nakikinabang sa biyayang 
hatid ng puno. 
           
            Ang bunga kasi ng niyog na “buko”, sikat na pamatid uhaw na 
ngayon na “buko juice”. Ang laman ng buko ay ginagawang virgin oil at 
kopya, at puwedeng gawing panggatong ang bao nito. Ang mga dahon naman 
ng niyog ay nagagawang bag o bayong at ang tangkay nito ay ginagawang 
walis tingting. Idagdag pa ang “coco lumber” na gamit sa pagtatayo ng 
bahay na mula siyempre sa katawan mismo ng puno. 
           
            Biruin niyo ang masasayang na biyaya sa puno ng niyog sa mga
 tao kung hindi magagapi ang pamemerwisyong ginagawa ng cocolisap. 
           
            *** 
           
            Magiging malaking hamon kay Presidential Assistant for Food 
Security and Agricultural Modernization Sec. Kiko Pangilinan ang 
pagsugpo sa problemang dulot ng cocolisap. Pero para magtagumpay siya, 
tiyak na kakailanganin niya ang tulong ng lokal na pamahalaan, mga 
magsasaka, mga may-ari ng lupa at lahat ng stakeholders ika nga sa 
industriya. 
           
            Aba’y milyun-milyong ektaryang lupain ng niyugan ang 
kailangang puntahan at bombahin ng kung ano mang kemikal na magagamit 
para mapuksa ang mga peste. Pero dapat tiyakin na walang masamang epekto
 sa lupa, puno at maging sa tao kung ano man ang kemikal na gagamitin na
 panlaban sa cocolisap. 
           
            Marahil ay maganda rin sigurong tumulong ang Department of 
Science and Technology at maging ang ating mga matatalinong kababayan na
 imbentor na makakatuklas ng eco-friendly na kemikal na garantisadong 
tepok ang cocolisap. 
           
            Hindi naman siguro magiging problema ang pondo na gagamitin 
na pandigma sa peste dahil naglaan na ang Department of Budget ng P400 
milyon para sugpuin ang cocolisap. Ang kailangan na lamang siguro ay 
epektibong estratehiya at tamang sandata at pagkakaisa ng lahat para 
matapos na ang problemang dulot ng mga peste. 
           
            Hindi biro ang dahilan para protektahan natin ang ating 
industriya ng niyugan dahil noong 2011 ay umabot sa halos $2 bilyon ang 
perang ipinasok nito sa ating bansa.  
          Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)           
           
           | 
         
        | 
           | 
       
 
 | 
    
  | 
    
  
No comments:
Post a Comment