-Matuto sa leksyon ng digmaan
REY MARFIL/Spy on the Job
Napapanahon
at naging mabunga ang pagpunta ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa Japan kung
saan nakipagpulong siya kay Japanese Prime Minister Shinzo Abe.
Bukod kasi sa usapin ng agawan sa teritoryo sa West Philippine o South China Sea, tinalakay din ng dalawang lider ang mga aspetong makatutulong sa kalakalan at komersiyo ng ating bansa.
Maganda ang ibinalita ni Pangulong Aquino tungkol sa plano ng mga Japanese car companies na maglagay pa ng mga planta sa Pilipinas dahil magdudulot ito ng mga trabaho sa ating mga kababayan.
Malaking tulong din ang gagawing pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA) sa posibilidad na maglagay ng subway system sa Metro Manila na tiyak na makakabawas sa problema natin sa mabigat na trapiko.
Kasabay nito, nagpahayag din ng suportado si PNoy sa hangarin ni Abe na amyendahan ang Saligang Batas ng Japan para mapalawak ang partisipasyon ng kanilang bansa para mapanatili ang kapayapaan sa rehiyon ng Asya.
Sa ilalim ng kasalukuyang konstitusyon ng Japan, hindi sila maaaring basta sumaklolo sa isang bansa na inaagrabyado ng isa pang bansa. Hindi naman lingid sa kaalaman na kabilang ang Japan sa iilang bansa sa Asya na may malakas na sandatahang lakas, kasama ang China.
Sinabi ni PNoy sa isang pahayag na, “We believe that nations of goodwill can benefit only if the Japanese government is empowered to assist others and is allowed to come to the aid of those in need, especially in the area of collective self-defense.”
At sa harap ng pagpapalakas ng China at pagiging agresibo nito na angkinin ang mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine o South China Sea, hindi natin alam kung saan ito hahantong. Pero nananatili ang posisyon ng Pilipinas na lutasin sa mapayapang paraan ang usapin sa West Philippine Sea.
Kaya lang, habang hinihintay natin ang magiging resulta ng kasong inihain natin sa United Nations (UN), ang China naman, walang tigil sa kanilang propaganda at pagtatayo ng instruktura sa mga pinag-aagawang teritoryo. Aba’y naglabas pa ng panibago nilang mapa na pinalilitaw na kanila na halos ang kabuuan ng pinagtatalunang karagatan.
Maging ang Japan ay may problema rin sa China dahil sa agawan nila sa isang isla sa bahagi naman ng East China Sea. Kaya naman sa tanong na sino ba ang puwedeng bumangga sa malaki? Hindi ba mas maganda kung malaki rin?
***
Ang nakakatawa nito, ang China pa ang may ganang mag-akusa sa Pilipinas na gumagawa ng hakbang na nakalilikha raw ng tensyon sa rehiyon. Ganito rin ang ginagawa ng China sa Vietnam na kabanggaan din nila sa teritoryo sa karagatan.
Ilang beses na inakusahan ng China ang Vietnam na nagsisimula ng tensyon sa itinatayo nilang oil rig sa teritoryong inaangkin ng Vietnam. Pero lumabas sa video footage na ang mga barko ng China ang nambabangga sa mas maliit na barko ng Vietnam.
Sa pagbisita ni PNoy sa Japan, ginunita nito ang nangyaring pagbagsak ng Amerika ng bomba nuklear sa Nagasaki at Hiroshima noong panahon ng digmaan na ikinamatay ng napakaraming Japanese. Ang naturang kabanata sa Japan ay nag-iwan ng marka sa mundo tungkol sa kalupitan ng digmaan.
Kung noon ay naging agresibo ang Japan, marahil ay natuto na sila sa nangyaring karanasan sa digmaan. Maging ang Pilipinas ay naranasan din ang matinding kalupitan ng digmaan dahil halos mabura ang Maynila sa tindi ng mga bombahan.
Sa nangyaring karahasan at dami ng buhay na nasayang noong World War II, tiyak na walang lider ng anumang bansa ang magnanais na maulit ang digmaan. At sana lang, kasama rito ang China.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)