Bawal muna ang pork! | |
Parang telenobelang inaabangan ng publiko ang mga bagong balita tungkol sa iskandalo ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel funds. At tulad ng mga soap opera, may mga bagong twist sa istorya na dapat laging inaabangan.
Magmula sa umano’y kidnap o illegal detention case kay Benhur Luy laban kay Janet Lim-Napoles, naungkat ang sinasabing P10 bilyong anomalya sa PDAF at mga bogus na non-governmental organization (NGOs) na pinaglaanan daw ng pondo ng mga mambabatas.
Sa mga naglabasang balita, itinanggi na ni Napoles na idinetine nila si Luy, maging ang alegasyon na sangkot siya sa sinasabing pork barrel scam at mga pekeng NGO. At mula nga rito, marami pang mga bagong pahayag ang naglalabasan mula sa ating mga opisyal.
At gaya ng telenobela, natural na mayroon ding kanya-kanyang pananaw ang mga tagasubaybay sa usapin ng PDAF. May ilan na nagsusulong na itigil na ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang pagpapalabas ng pondo sa mga mambabatas.
Gayunpaman, nagsalita na ang Pangulo na mas nanaisin niya na repasuhin at pagbutihin ang pagpapalabas at paggamit ng PDAF, at ang pagsala sa mga NGO na napagkakalooban ng alokasyon ng mga mambabatas.
Base kasi sa ipinalabas na ulat ng Commission on Audit (COA), may mga insidente na kung hindi man peke ang NGO, lumilitaw na konektado sa mambabatas ang NGO o foundation na pinopondohan ng ilang mambabatas.
Pero hindi naman nangangahulugan na may katiwalian na kaagad sakaling ilaan ng isang mambabatas ang kanyang pork barrel sa napiling NGO na may koneksyon sa kanyang pamilya, kamag-anak o kaibigan.
***
Napag-usapan ang pork barrel, simple lang naman ang paliwanag ni PNoy kung bakit hindi siya pabor na tuluyang ibasura ang PDAF at ipaubaya na lamang sa pambansang pamahalaan ang pamamahala sa mga proyekto o programa na pang-distrito.
Bilang isang dating kongresista at senador na mayroon ding alokasyon noon ng PDAF, batid ni PNoy ang benepisyo at kabutihang dulot ng pondo sa nasasakupan ng isang mambabatas. Dahil sila ang mas malapit sa kanilang mga kababayan, higit nilang alam kung ano ang pangangailangan ng mga tao sa kanilang lugar.
Kung mayroon mang iilan na mambabatas na inaakusahan ng maling paggamit ng PDAF, marami rin naman ang mga mambabatas na wasto, tama, at tunay na may malasakit sa kanilang mga nasasakupan na pinaglalaanan nila ng tamang programa at proyekto mula sa pork barrel funds.
Hindi ba’t mas makabubuti nga naman na tapalan ang mga butas na ginamit na daanan ng mga mambabatas para makapagpalusot ng kanilang alokasyon, kaysa tuluyang alisin ang pondo at isamang magdusa ang mga mambabatas at kanilang mga kababayan na tunay at naaayon sa batas ang paggamit ng kanilang PDAF.
Sa ngayon, sinabi ni PNoy na pansamantalang itinigil na muna ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng alokasyon ng PDAF hangga’t hindi pa natatapos ang imbestigasyon tungkol sa kontrobersya, pati na rin ang mga ginagawang reporma sa sistema at patakaran sa paggamit ng pondo.
Bukod pa diyan ang inihahandang kaso ng Department of Justice sa mga mambabatas at indibidwal na mapapatunayang nagkasala sa pagwawaldas ng pondo ng bayan sa PDAF.
Tingnan na natin ang positibong bahagi sa paglabas ng iskandalo ng PDAF, kung maaayos na ang mga butas at magagamit na ng tama ang pondo, hindi ba’t malaking pakinabang ang hatid nito sa mga tao?
Mas mabilis na serbisyo na hatid ng mga mambabatas kaysa hintayin pa ang aksiyon ng pambansang gobyerno.
Bukod pa diyan, baka wala ring maganap na pagbabago sa PDAF kung nangyari ang pagkakabisto ng iskandalo nito sa panahon ng ibang administrasyon.
Pero dahil nahalungkat ang mga sinasabing butas sa PDAF sa ilalim ng administrasyon ng daang matuwid ni PNoy, tiyak na magkakaroon ito ng tunay na reporma, at tiyak na susuportahan ng kanyang mga “Boss”, ang mamamayan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment