Tamang paggasta! | |
Makatwirang itigil ng mga kritiko ng administrasyon ang paninira sa Presidential Social Fund (PSF) nang tawaging “presidential pork” para lamang desperadong isabit si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa umano’y P10 bilyong pork barrel “scam”.
Hindi naman pork barrel ito at lubhang napakahigpit at kitang-kita kung saan napupunta ang mahalagang tulong katulad ng pagkakaloob ng suportang medikal at edukasyon, ayuda sa mga sugatang sundalo at naulilang pamilya ng mga namatay sa labanan at maraming iba pa.
Pinopondohan ng PSF ang socio-civic projects ng Office of the President (OP). Hindi nagbabago ang paninindigan ng Pangulo sa usapin ng “transparency at accountability” sa pamahalaan. Talaga namang imposible na isipin kahit man lamang sa panaginip na gugugulin niya sa maling paraan ang PSF at iba pang lump sum funds.
Nag-ugat ang umano’y pork barrel scam sa transaksyon ng grupo na pinangungunahan ni Janet Lim-Napoles, itinurong utak ng dating mga kasamahang sina Benhur Luy at Merlina Suñas sa likod ng umano’y sindikato na naglalagay ng pork barrel sa pekeng non-government organizations (NGOs).
Hindi gumagamit ang Punong Ehekutibo ng foundations, lalung-lalo na ang pekeng NGOs ni Napoles kaya hindi dapat kinakaladkad ang PSF sa iskandalo.
Sa katunayan, ibinalik pa nga ni PNoy ang pamamahala ng PSF at iba pang special funds sa Presidential Management Staff (PMS) upang matiyak ang transparency sa paggugol ng pondo. Patutunayan din ng mataas na approval at trust ratings ng Pangulo na walang iregularidad sa paggugol niya ng PSF at iba pang special funds.
Pero pilit talagang naghahanap ng putik ang kanyang mga kritiko kahit wala namang basehan ang mga ipinupukol ng mga ito katulad ng isyu sa PSF para lamang sirain ang imahe at kredibilidad ng Pangulo.
Ngunit hindi kakagatin ng publiko ang ganitong mababang uri ng gimik dahil talaga namang walang basehan ang mga batikos.
***
Sa ibang isyu, panibagong good news ang naging kautusan ni PNoy sa Department of Budget and Management (DBM) na ilabas ang P2.86 bilyong pondo para sa Department of the Interior and Local Government (DILG) upang maitaas ang antas ng kakayahan ng Philippine National Police (PNP).
Gagamitin ang pondo sa Philippine National Police Operational Transformation Plan ng DILG. Kabilang sa mga popondohan sa ilalim ng upgrade plan ang pagbili ng 1,000 patrol jeeps; 13,597 assault rifles at 4,997 mobile videos.
Magkakaroon din ng P344 milyong pondo para sa bahagyang pagkumpuni at pagpintura ng 810 mga istasyon ng pulisya, pagbili ng M4 magazines at kits para sa PNP Maneuver Units.
Naglaan din ang DBM ng P655 milyon para sa paglikha ng bagong posisyon at pagkuha sa serbisyo ng 7,439 non-uniformed personnel na itatalaga sa mga tanggapan sa rehiyon ng PNP. Itatalaga ang bagong mga kawani para gawin ang mga trabahong administratibo sa PNP.
Naunang binanggit ang “capability upgrade” ng PNP sa State-of-the-Nation Address (SONA) ni PNoy noong Hulyo. Inaasahang malaki ang maitutulong ng bagong kukuning mga empleyado para saklolohan ang pangangailangan ng publiko.
Makikita rin ang sensiridad ni PNoy sa pagtiyak na makukuha ng PNP ang kailangan nitong ayuda upang maging epektibo at mahusay ang kanilang pagresponde at pagsugpo laban sa mga masasamang-loob.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)