Wag kumagat sa ivory! | |
Kahanga-hanga ang naging desisyon ng pamahalaang Aquino sa ginawang pagdurog sa may limang toneladang elephant tusks, o iyong mistulang pangil ng mga elepante na nagiging mamahaling ivory.
Dahil sa ginawang pagdurog sa mga elephant tusk, kinikilala ngayon ang Pilipinas bilang unang non-African country na nagwasak sa bultu-bultong ivory stock na nakumpiska mula sa mga iligal na pagpupuslit nito sa ating bansa.
Sa pamamagitan ng pagdurog sa mga ivory na pinangunahan ni Environment Secretary Ramon Paje, naiparating ng pamahalaang Aquino sa buong mundo na hindi kukunsintihin at hindi makikiisa ang Pilipinas sa ginagawang pagpatay sa mga elepante na ang tanging pakay ay ang kanilang tusk o ngipin.
Malaking dagok din iyon sa mga tiwaling tauhan ng pamahalaan na nagpupuslit ng mga ivory sa imbakan ng mga nakukumpiskang ivory. ‘Ika nga ni Mang Kanor: ipinuslit na nga sa Pilipinas ang mga ivory at nakumpiska, tapos ipupuslit pa rin ng mga kurimaw na tauhan ng gobyerno.
Hindi kasi biro ang halaga ng ivory kaya may mga tauhan ng pamahalaan na nasisilaw sa pera at itinatakas ang mga nakukumpiskang produkto. Katunayan, ang may sa limang (5) toneladang ivory na dinurog ay tinatayang nagkakahalaga ng P400 milyon.
Ang mga elephant tusk na iyon ay bahagi ng aabot sa 13 toneladang ivory na ipinuslit sa Pilipinas pero nakumpiska magmula 2005 hanggang 2009. Kung nasaan ang may walo (8) pang toneladang ivory, iyon ang naitakas ng mga tiwaling tauhan ng gobyerno sa mahabang panahon na tiyak na yumaman sa ginawa nilang kalokohan.
Pero ang kalokohang iyon ang nagiging dahilan din kaya nagpapatuloy ang pagkatay sa mga elepante sa Africa upang makuha ang kanilang mamahaling ngipin. Sa pagtaya ng isang grupo na nagmamalasakit sa nabanggit na hayop, aabot sa 25,000 elepante ang pinaslang noong 2011 dahil lamang sa kanilang ivory.
***
Napag-usapan ang ivory trade, sa nagdaang mga taon, tinukoy ng isang grupo na ang Pilipinas ang ginagamit na bagsakan ng mga ivory bago maipadala sa mga kalapit nating bansa na malakas ang demand sa ivory gaya ng China at Thailand.
Ang masaklap, ilang buwan pa lang ang lumilipas ay nabanggit sa mga ulat na kabilang din ang Pilipinas sa kumukonsumo o tumatangkilik sa ivory dahil ginagamit ito sa paggawa ng mga imahe ng santo.
Kaya naman hindi kataka-taka na isipin ng ibang animal group na kabilang ang Pilipinas sa mga bansa na walang ginagawang kaukulang hakbang para matigil ang iligal na gawain, na mistulang pagpapabaya na rin sa nagaganap na pagmasaker sa mga elepante.
Pero sa ginawang hakbang ngayon ng pamahalaang Aquino, nagparating ng matinding mensahe ang Pilipinas sa buong mundo na hindi tayo nagsasawalang-kibo sa lumalalang problema ng pagpatay sa mga elepante na nanganganib nang maubos.
Ang naturang mensahe ay nakarating naman sa iba’t ibang organisasyon sa buong mundo na nagpahayag ng paghanga sa ginawa ng pamahalaan na dapat din umanong pamarisan ng ibang bansa na mayroong itinatagong stock ng mga nakumpiskang tusk.
Ngunit bukod pa diyan, ang ginawang pagdurog ng pamahalaan sa mga ivory ay dapat ding magsilbing babala sa mga nagpupuslit ng mga elephant tusk, at sa kanilang mga kasabwat sa gobyerno, na matitikman nila ang “pangil at ngipin” ng batas kapag nabistong patuloy sila sa kanilang iligal na gawain.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment