Monday, June 17, 2013

Tama lang!


Tama lang!
REY MARFIL


Napansin maging ng mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa Myanmar ang mga reporma at magagandang bagay na nakamit ng administrasyong Aquino.
Ang mainam dito, hangad nilang paigtingin pa lalo ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang magagandang mga polisiya at repormang nasimulan sapul noong manungkulan sa kapangyarihan taong 2010 sa tulong ng tuwid na daan at malinis na pamamahala.
Nakakatuwa rin ang pahayag ni Philippine Ambassador to Myanmar Alex Chua na 500 Pilipino ang nagtatrabaho sa Myanmar, nasa Yangon o ang komersiyal na kapital ng Myanmar ang karamihan sa kanila.
Ipagmalaki natin ang ating mga kababayan doon na naghahanap-buhay bilang mga guro, engineers, architects, journalists, technical experts, business professionals at iba pa.
Ibig sabihin, mataas ang respeto sa ating mga kababayan doon dahil sa laki ng kanilang kontribusyon sa pagsulong ng Myanmar.
Sa katunayan, sobrang popular rin ni PNoy sa Myanmar at nanguna sa presidential election sa pamamagitan ng Overseas Absentee Voting noong 2010.
***
Anyway, magandang punto ang pagdidiin ng administrasyong Aquino na mananatili itong nakatutok sa pagtiyak na magkakaroon ng depensa ang bansa bilang proteksyon sa panlabas at panloob na mga banta sa seguridad.
Sa katunayan, marami nang nagawang magandang mga bagay ang administrasyong Aquino sa larangan ng modernisasyon ng pulisya at militar.
Nanawagan din ang mga kongresista na itaas ang badyet sa 2014 ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para makatugon sa mga problema.
Kahit naman walang ganitong panawagan, siguradong magtutuluy-tuloy ang plano ng pamahalaan na maging moderno ang pulisya at militar ng Pilipinas.
Sa loob nga lamang ng tatlong (3) taon, malaking halaga na ng salapi ang naibigay upang maging moderno ang mga ahensyang nangangalaga sa ating seguridad.
Sa ilalim ng AFP Modernization Law, nakabili na ang administrasyong Aquino ng Hamilton class cutter mula sa US-BRP Gregorio del Pilar. Anumang araw, darating ang bagong barko mula sa US, bagama’t luma, ito’y malaking tulong sa pangangalaga ng teritoryo.
Nakakuha rin ang militar ng ilang combat helicopters mula sa Poland kung saan apat sa mga naunang nadala sa bansa ang ginagamit na ngayon ng Air Force.
Mayroong hinihintay na paparating na choppers at maging jet fighters na posibleng manggaling sa South Korea. Kung magdadagdag ng badyet ang Kongreso para sa militar at pulisya, malaking tulong ito.
Talaga namang tama si PNoy na gawing prayoridad ang modernisasyon ng sandatahang lakas ng bansa lalo’t patuloy na tumataas ang tensiyon sa West Philippine Sea, dahil sa agawan sa teritoryo.
Kabilang sa pangunahing problema ng bansa na hina­hanapan ng solusyon ang agresibong pagpatrulya ng China malapit sa mga islang nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Kailangang suportahan natin nang husto ang mga hakbang na ito.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: