Ramdam! | |
Inaasahan at hindi nakakapagtaka sa ilalim ng matuwid na daan at malinis na pamamahala ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang impresibong paglago ng ekonomiya ng Pilipinas na tumaas ng 7.8% ang Gross Domestic Product (GDP) sa unang tatlong (3) buwan ng 2013.
Nalampasan ng Pilipinas sa karera ang China matapos kilalanin ang ating bansa na mayroong pinakamabilis na paglago ng ekonomiya sa pangunahing mga nasyon sa Silangan at Timog Silangang Asya.
Kumbinasyon ang napakahusay na pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas ng malinis na pamamahala ni PNoy, malakas na lokal na konsumo at malaking paggugol ng pamahalaan sa mga proyekto.
Siguradong mananatili ang pagtutok ng administrasyong Aquino sa lalo pang pagpapabuti ng ating ekonomiya at pagtiyak na mararamdaman maging ng pinakamahirap na sektor, lalung-lalo na sa usapin ng pagkakaloob ng pangunahing serbisyo.
Pinakamataas ang iniulat na 7.8% na paglago ng GDP ng National Statistics Coordination Board (NSCB) sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Nakakatuwang nalampasan ng Pilipinas ang iba pang mga bansa sa Asya kung saan naitala ng China ang 7.7% paglago sa kanilang ekonomiya, 6% sa Indonesia at 4.1% sa Malaysia.
Maganda ring malaman dito na nahigitan ang target na inaasahang mga paglago sa lahat ng sektor, kabilang dito ang local manufacturing na lumaki ng 9.7%.
Dahil sa tuwid na daan ni PNoy, lalong lumakas ang kumpiyansa sa negosyo at positibong pananaw ng mga konsyumer na nagresulta sa mataas na paglaki ng GDP.
Walang duda, nanatiling malakas at mataas ang tiwala ng mga mamumuhunan at konsumer dahil sa patuloy na pagtaas ng mga aktibidad sa ekonomiya sa kabila ng nararanasang pandaigdigang krisis.
Sapul nang maupo sa kapangyarihan ang administrasyong Aquino, walang patid ang pagsusumikap ng pamahalaan na matulungan ang mga mahihirap na sektor sa bansa.
Asahan na nating lalong magsusumikap ang administrasyong Aquino na isulong ang promosyon ng lahat ng mga sektor kung saan walang maiiwan sa magagandang mga programa.
***
Napag-usapan ang good news, makatwirang batiin si PNoy matapos makakuha ang kanyang pamahalaan ng halos P28 bilyong dibidendo mula sa 38 government-owned and controlled corporations (GOCCs), malaking-malaki ito kumpara sa P19 bilyong kinita noong 2012.
Bahagi lamang ang P28 bilyon ng P77 bilyong dibidendo mula sa GOCCs sa unang tatlong taon ng administrasyong Aquino, malapit nang malampasan ang P96 bilyong kinita sa kabuan ng dating administrasyong Arroyo sa loob ng siyam na taon.
Walong (8) GOCCs ang nakapasok sa tinaguriang Billionaire’s Club matapos makapagbigay sa pamahalaan ng P1 bilyon kung saan nanguna ang Land Bank of the Philippines sa naibigay na P6.24 bilyon.
Kabilang pa sa Billionaire’s Club ang mga sumusunod at halaga ng kanilang kinita: Philippine Reclamation Authority, P1 bilyon; Philippine Ports Authority, P1.03 bilyon; Manila International Airport Authority, P1.54 bilyon; Philippine Amusement and Gaming Corp., P1.4 bilyon; Power Sector Assets and Liabilities Management Corp., P1 bilyon; Bases Conversion Development Authority, P2.3 bilyon; at Development Bank of the Philippines, P3.16 bilyon.
Sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 7656, obligado ang GOCCs na mag-remit ng kalahati ng kanilang kabuuang kinita sa pamahalaan. Nag-ugat ang magandang balitang ito sa matuwid na daan na polisiya ng Punong Ehekutibo kung saan patuloy na lumalaki ang bilang ng GOCCs na nakakapagbigay ng kita sa pamahalaan mula 22 noong 2012 tungong 38 GOCCs ngayong taon.
Naging espesyal ang pagtatangi ni PNoy sa Philippine Reclamation Authority dahil ngayon lamang sa loob ng 33 taong kasaysayan nito umabot ng bilyong piso ang kinita matapos makapagbigay sa pamahalaan ng P2 bilyon.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment