Wednesday, June 19, 2013

Lalo pang gumaganda!



Lalo pang gumaganda!
REY MARFIL


Magandang balita ang imbitasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa banyagang mga negosyante na mamuhunan sa bansa matapos dumalo sa isang pananghalian, kasabay ng katatapos na 22nd World Economic Forum on East Asia na pinangunahan ng Myanmar.
Umabot sa 900 ang lumahok sa forum kung saan 500 sa mga ito ang mga lider sa larangan ng negosyo mula sa 55 mga bansa.
Ika nga ni Mang Gusting tama si PNoy sa maigting nitong panawagan sa mga mamumuhunan lalo’t ipinakita niya ang magagandang nakamit ng kanyang pamahalaan sa tanghaliang inihanda ng Ayala Corporation.
Hinimok ng Pangulo ang mga mamumuhunan na magtungo at maghanap ng oportunidad sa negosyo lalo’t ito ang pinakamagandang panahon para mamuhunan sa bansa.
Bunsod ito ng paninindigan ni PNoy sa mga reporma, alinsunod sa kanyang matuwid na daan kaya naman patuloy na umarangkada ang ekonomiya ng bansa.
Kabilang sa tinukoy ng Pangulo na pangunahing sektor sa negosyo ang turismo, agrikultura at imprastraktura na naging susi sa tagumpay ng bansa.
Binanggit din ni PNoy ang magandang narating ng bansa nang makapagtala ito ng 7.8 porsiyentong paglago sa Gross Domestic Product (GDP) at makakuha ng investment grade rating sa dalawang pangunahing credit rating agencies.
Malinaw na naging susi sa tagumpay ang malinis na pamamahala na naging daan din upang sumipa paitaas ang stock market sa nakalipas na tatlong taon at tawagin ng mga eksperto ang Pilipinas bilang Asia’s Rising Tiger o pinakamaningning na inspirasyon sa Southeast Asia.
Ipinatupad naman talaga ng administrasyong Aquino ang pangunahing mga reporma at polisiya para magkaroon ng magagandang mga resulta sa ekonomiya.
Hirit naman ni Mang Kanor Tama rin ang personal na imbitasyong ibinigay ni PNoy sa mga dumalo sa World Economic Forum (WEF) on East Asia na magtungo sa parehong pagtitipon na gagawin sa susunod na taon sa Manila.
***
Napag-usapan ang good news, isang magandang balita rin ang hatid ng desisyon ng Board of Investments (BOI) na aprubahan ang P313.353 milyong proyekto ng Maharlika Agro-Marine Ventures Corporation (MAVC) bilang bagong export producer ng dressed Peking ducks at tinatawag na by-products nito maging sa China at Hong Kong.
Isang pasilidad ang MAVC na matatagpuan sa Davao at Bukidnon na magsisimula ang komersiyal nitong operasyon sa Hulyo 2013 at makakalikha ng 207 trabaho.
Kasama sa proyekto ang produksiyon at proseso ng Peking ducks at mayroong taunang 2,758 metriko toneladang (MT) kapasidad para sa pasilidad ng dressed ducks.
Plano ng kompanya na mag-angkat ng 75% ng produksiyon nitong dressed Peking ducks sa China at Hong Kong.
Habang mananatili sa bansa ang nalalabing 25% produksiyon na titiyaking mura at maganda sa kalusugan ng mga tao.
Upang matiyak ang suplay, mismong ang MAVC na ang mag-aalaga ng sariling Peking Ducks at matatagpuan ang mga ito sa iba’t ibang mga lugar.
Matatagpuan naman ang hatchery sa Sta. Cruz, Davao del Sur habang sa Mandug, Davao City ang broiler farm, at Impasug-ong, Bukidnon ang dressing component.
Maganda ang programa dahil tinutukoy dito ang mga lugar kung saan labis na kailangan ng mga tao ang trabaho at matiyak na mapapalawak pa ang pamumuhunan.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: