Wednesday, June 12, 2013

Tamang koordinasyon!



Tamang koordinasyon!
REY MARFIL

sa pa sa magandang bagay na nangyayari ngayon ang pahiwatig ng Moody’s Investors Service, isa sa tatlong pangunahing credit rating agencies, na posibleng itaas ang credit rating upgrade ng Pilipinas matapos makapagtala ng 7.8% paglago ang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa sa first quarter.
Nanindigan ang Moody’s Investors Service na positibo sa pangungutang ang naitala ng bansa na pinakamataas na budget surplus at magandang paglago ng GDP.
Sa kasalukuyan, inilagay ng Moody’s rates ang Pilipinas sa tinatawag na “Ba1” o isang hakbang na lamang para makamit ang estadong investment grade kung saan nagtataglay ang rating ng “stable outlook”.
Magugunitang iniakyat ng Fitch Ratings at Standard and Poor’s ang bansa sa investment grade status habang itinaas ng Japan Credit Rating Agency ang Pilipinas sa dalawang estado mula sa tinatawag na “junk status”.
Nabatid kay Moody’s senior analyst Christian de Guzman na malaki ang ibinuti ng koleksiyon sa buwis na naging daan upang magkaroon ang pamahalaan ng sobrang P36.8-bilyong badyet noong Abril, patunay na maganda ang resulta ng pagsusumikap ng pamahalaan sa usapin ng koleksiyon sa buwis.
Pangunahing susi sa tagumpay ng bansa sa pag-akyat ng credit profile nito ang malakas at tamang pangongolekta ng buwis ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.
Bukod sa tamang koleksiyon sa buwis, nakatulong din ang matalinong paggastos ng pamahalaan bago naganap ang halalan sa Mayo upang makaipon ng budget surplus o sobrang pondo.
Maganda rin ang sinabi ni De Guzman na nakatutok ang pamahalaan sa paggastos para sa mga programang mayroong positibong pangmatagalan epekto sa ekonomiya sa halip na panandalian dahil lamang sa isyu ng pulitika.
Mabuti ito dahil patuloy na humahataw ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng nararanasang krisis pinansiyal sa buong mundo. Tinalo nga ng bansa ang 7.7% paglago ng ekonomiya ng China na may rating na Aa3 stable at 6% ng Indonesia na mayroong rating na Baa3 stable.
Malinaw naman na nag-ugat ang lahat ng magagandang mga balita sa malinis na pamamahala at tuwid na daan ni Pangulong Aquino.
***
Tama si PNoy sa panawagan nito sa Kongreso at kanyang mga opisyal sa Gabinete na paigtingin ang koordinasyon sa isa’t isa matapos ang serye ng presidential vetoes o pagbasura sa ilang pangunahing mga panukalang batas.
Matapos nitong pulungin ang mga kaalyadong kongresista sa Liberal Party sa Malacañang, ipinaliwanag niya ang mga dahilan kung bakit kailangang hindi maging batas ang mga ito.
Higit kailangan ng Pangulo ang mas mabuting koordinasyon sa papasok na 16th Congress sa Hulyo upang lalong maisulong at magpatuloy ang mga reporma sa susunod na tatlong taon, lalung-lalo na sa paglaban sa katiwalian.
Bagama’t maganda ang intensiyon ng mga panukala, tama ang paninindigan ni PNoy na huwag gawing batas ang mga ito dahil sa ilang kamalian na maaaring magdulot ng negatibong epekto sa ibang sektor.
Mayroon naman talagang puwang at pagkakataon para mapabuti pa ang mga panukalang batas na ito.
Kasama sa kautusan ng Pangulo ang pagtutok ng kanyang mga opisyal sa pagdinig ng Kamara de Representantes at Senado sa mahahalagang mga panukalang batas para maibigay ang posisyon ng Ehekutibo at maiwasang maibasura ang mga ito pagdating ng panahong maaprubahan muli ng Kongreso.
Kamakailan, ibinasura ng Punong Ehekutibo ang apat na panukalang batas na mayroong nasyunal na aplikasyon na kinabibilangan ng Magna Carta for the Poor, Centenarian Act, Rights of Internally Displaced Persons Act, at panukalang nag-aalis sa height limits sa kapulisan, mga bumbero at jail guards.

Kailangan na lamang na ihain muli sa papasok na 16th Congress ang mga panukalang batas na ito para maayos ang mga problema at maging batas na rin kinalaunan. 
Maganda naman ang naging katugunan ni Speaker Feliciano ‘Sonny’ Belmonte Jr. sa panawagan ni PNoy para magkaroon ng mas malalim na koordinasyon para sa kapaki­nabangan ng lahat.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: