Wednesday, June 5, 2013

Think positive!



Think positive!
REY MARFIL

Kasabay ng pagbabalik ng mga mag-aaral sa mga paaralan ngayong pasukan ay mga karaniwang problema na iniwan ng mga nagdaang administrasyon na hinahanapan na ngayon ng solusyon ng pamahalaang Aquino ang kakulangan ng classroom.
Dahil mabilis ang paglobo ng ating populasyon, natural lang na mabilis din na dadami ang mga batang magsisiksikan sa mga paaralan pagkaraan lang ng lima o a­nim na taon.
Kaya naman ang mga batang isinilang noong 2010, ang taon na nahalal si Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino, malamang sa 2015 pa madadagdag sa bilang ng mga bagong estudyante sa kindergarten.  At kung papalarin, baka hindi na nila maranasan ang karaniwang problema na kinakaharap ngayon ng mga mag-aaral na kakulangan sa silid-aralan.
Isa kasi sa mga pangunahing problema na minana ni PNoy sa mga nakaraang administrasyon na kanyang pinapahanapan ng lunas ay ang kakulangan ng silid-aralan, libro, upuan at guro.
Sa ngayon, natugunan na ng Department of Education (DepEd) ang ilan sa mga problemang ito tulad ng sapat na libro para sa mga mag-aaral at mga upuan. Patuloy naman ang pag-hire ng mga guro at maging ang mga nagtuturo sa private ay napabalitang lumilipat na sa public school dahil naayos na rin ang usapin sa pasahod nila.
Kaya naman nais din ni PNoy na malutas na rin sa lalong madaling panahon ang problema sa kakulangan ng silid-aralan para maiwasan na ang pagiging "sardinas" ng mga bata na nagsisiksikan sa mainit na silid-aralan.
***
Napag-usapan ang pasukan, hindi naman malayong matapos na ang problemang ito dahil nakakalikom na rin ng sapat na pondo ang pamahalaan na inilalaan sa pagpapahusay ng edukasyon sa bansa.
Ang kagandahan ngayon sa ipinaiiral na "daang matuwid" ng Pangulo, napupunta sa dapat puntahan ang pera ng bayan. Naiiwasan na ang paglulustay at mentalidad ng mga dating opisyal na inuuna ang sariling bulsa, bago ang kaban ng bayan.
Tulad na lamang ng mga government owned and controlled corporations (GOCCs). Kung noon ay mistulang balwarte ito ng mga chief executive na may malalaking sahod, bonus at allowance, at kakapiranggot lang ang naiaambag nila sa kaban ng bayan, hindi na ngayon.
Noong Lunes, iniulat ni PNoy na umabot na sa P77 bil­yon ang ipinasok ng pondo ng GOCCs sa pamahalaan sa loob lamang ng tatlong taon ng kanyang liderato. Ang naturang halaga ay hindi na nalalayo sa kabuuang P96 bil­yon na ipinasok ng ahensiya sa halos 10 taon.
Ngayong taon, umabot sa P28 bilyon ang ipinasok ng GOCCs sa pamahalaan, mas mataas kumpara sa P19 bilyon na naitala nila noong nakaraang taon.  Take note:  siyam at kalahating taong naupo si Mrs.  Arroyo at kapag kinuwenta ang kinita ng GOCCs, nag-average lamang ng P10 bilyon kada taon ang nakaraang administasyon ito'y napakalayo sa P25 bilyon kada taon sa panahon ni PNoy. 
Kaya kung magpapatuloy ang papataas na remittance ng ahensiya sa nalalabing tatlong taon ng liderato ni PNoy, asahan na higit pa sa doble ang papasok sa kaban ng bayan pagsapit ng 2016.
Ngunit bukod sa mataas na koleksiyon ng pamahalaan, nakakadagdag sigla rin sa mga nagaganap na positibong pagbabago sa ating bansa ang patuloy na paglago ng ekonomiya. Hindi na tayo napag-iiwanan, at nagagawa na nga nating higitan ang paglago ng ekonomiya ng iba nating karatig-bansa.
Sa anumang programa at proyekto ng pamahalaan upang mapahusay ang serbisyo sa bayan tulad ng edukasyon, kakailanganin ang pondo.
Ang magandang balita, sa ilalim ng administrasyong Aquino, bukod sa nakakamit natin ang mga kailangang pondo, matitiyak natin na magagamit ito sa tamang paglalaanan at hindi mapupunta sa bulsa ng mga tiwaling opisyal.
Kaya naman hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa, think positive dahil may solusyon ang ating mga problema. 

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: