Friday, June 7, 2013

Mas mabuting handa!



Mas mabuting handa!
REY MARFIL

Magandang balita na naman ang pahayag ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino na maglalaan ang pamahalaan ng $1.8 bilyon o P75 bilyong pondo para sa modernisasyon ng militar.
Tamang suportahan natin ang hakbang na ito na siguradong makakatulong upang maidepensa ng bansa ang teritoryo laban sa posibleng pangbu-bully ng ilang bansa.
Kahit si Mang Kanor, suportado ang posisyon ni PNoy na maglaan ng kinakailangang pondo upang protektahan ang soberenya ng Pilipinas, as in dapat manatili sa mga Filipino ang Pilipinas at mayroong kakayahan ang bansa na ipagtanggol ang bakuran nito.
Sa pagsapit ng 2017, sinabi ng Pangulo na makukuha ng Pilipinas ang dalawang bagong frigates, dalawang helicopters na may kakayahan sa anti-submarine warfare, tatlong fast vessels para sa pagbabantay ng dalampasigan at walong amphibious assault na mga sasakyan.
Bukod dito, kasama sa plano ng administrasyong Aquino ang pagpapabuti ng komunikasyon at mga sistema sa intelligence at surveillance.
Umaabot na sa P28 bilyon ang nagamit na pondo ng pamahalaan para sa modernisasyon ng militar sa makalipas na tatlong taon, kabilang ang dalawang Hamilton-class cutters na nakuha sa US coast guard.
Tinawag na BRP Gregorio del Pilar ang unang Hamilton-class cutter na pumasok sa Philippine Navy noong 2011 at sumunod naman ang isa pa noong nakalipas na Agosto.
Kasama rin sa plano ng pamahalaan ang pagkuha ng 10 bagong patrol boats mula sa Japan para magamit ng ating coast guards.
***
Hindi lang 'yan, todo kayod ang administrasyong Aquino para matulungan ang mga mangingisdang naapektuhan ang kanilang kabuhayan ng umiigting na guso­t sa West Philippine Sea.
Sa katunayan, nangunguna sa misyon ng pagsaklolo sa mga ito ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resource­s (BFAR) na naglalagay ngayon ng "payao" sa karagatan ng western Luzon.
Nakakatulong ang payao para makahuli ng isda ang mga kababayan nating problemado sa tensiyon sa Scarborough Shoal o Scarborough Reef na kilala rin sa tawag na Panatag Shoals at Bajo de Masinloc.
Sa pamamagitan ng payao, nahuhuli ang malalaking isda nang hindi na kailangan pang magtungo sa Scarbo­rough Reef ang mga mangingisdang Filipino.
Hinikayat na rin ng BFAR ang mga mangingisda na maghanap muna ngayon ng alternatibong lugar kung saan maaari silang mangisda.
Patuloy naman ang paninindigan ng administrasyong Aquino na isulong ang diplomatikong solusyon sa krisis na namamagitan bilang opsiyon na pinakamabuti sa interes at kagalingan ng mga Filipino.
Hindi naman kasi tamang tapatan ng maangas na pahayag o paninidigan ng Pilipinas ang ginagawa ng China dahil siguradong lalo lamang lulubha ang sitwasyon.
Suportahan natin ang Pangulo sa paulit-ulit nitong pahayag na mananatiling atin ang mga lugar na bahagi ng Pilipinas nang hindi tayo pumapasok sa kaguluhan.
Tama ang posisyon ni PNoy na dalhin ang isyu at usapin sa tamang lugar o ang arbitral tribunal upang mapayapang maresolba ang krisis.
Dapat gamitin ng pamahalaan ang tamang mga batas para mapayapang mahanapan ng solusyon ang krisis, kabilang ang panibagong pag-igting ng tensiyon sa Ayungin Shoal.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: