Iwas-aksaya! | |
Isa sa mga pangunahing target ng pamahalaang Aquino na makamit ngayong taon ay maging lubos o sapat ang palay o bigas para sa ating mga Pinoy.
Sa ganitong paraan ay maiiwasan na ang pag-angkat ng mga bigas sa ibang bansa na ginawa ng nakaraang rehimen na naging dahilan para mabaon sa bilyun-bilyong utang ang National Food Authority (NFA).
Hindi biro ang gastusin kapag nag-import tayo ng tone-toneladang bigas sa ibang bansa, bukod sa pinaglalaanan ito ng malaking pondo, naaapektuhan din ang kita ng ating mga lokal na magsasaka dahil nakakakumpitensiya nila sa merkado ang imported na bigas.
Sa loob ng tatlong taong pamumuno ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino at pamamahala ni Sec. Proceso Alcala sa Department of Agriculture(DA), unti-unting nakakamit na natin ang layunin na mabigyan ng sapat na pagkain ang bawat hapag-kainan ng pamilyang Pilipino.
Katunayan, nagawa na nga natin na makapag-export ng ilang special variety ng bigas sa ibang bansa na isa ring positibong indikasyon ng patuloy na gumagandang ekonomiya.
Kahit pa sabihin na maliit na volume pa lang ang ating naipaangkat, isang hakbang na ito tungo sa hangarin natin na maging malakihang exporter ng bigas. Ang pagpapalakas ng sektor ng agrikultura ang isa sa mga prayoridad ng pamahalaan mula nang maupo si PNoy noong 2010.
At makalipas lang ng tatlong taon, nakita na natin ang pag-unlad, hindi lang sa hanay ng sakahan kundi maging sa pangisdaan.
***
Sa kabila ng problema sa ilang bahagi ng karagatan ng Pilipinas na inaangkin ng ibang bansa, na naging dahilan para malimitahan ang pangingisda ng ilan nating kababayang nasa Luzon, nagkaroon pa rin ng pag-angat sa huli ng mga isda ng ilang porsiyento ngayong taon.
Ang karagdagang huling isda ay bunga ng ilang programa na ipinatupad ng pamahalaan tulad ng pagbabawal sa limitadong panahon ng ilang uri ng isda upang mabigyan sila ng pagkakataon na makapagparami muli. Sa ganitong paraan ay naiiwasan ang tinatawag na over fishing.
Gayunpaman, ang kasapatan ng pagkain para sa ating mga Pilipino ay hindi dapat maging dahilan para maging maksaya tayo lalo na sa bigas na kapag naluto na ay kanin. Hindi pa rin kasi biro ang dami ng kanin na nasasayang na napupunta lang sa basurahan o kanin-baboy.
Sa pag-aaral noong 2011 ng International Rice Research Institute, umaabot sa 3.3 kilo bawat taon ang nasasayang ng isang Pilipino o mahigit 300,000 tonelada ng bigas bawat taon. Ito’y magiging katumbas umano ng P23 milyon bawat araw, o P8.4 bilyon bawat taon, na talagang nakapanghihinayang.
Kung tutuusin, sabi sa pag-aaral, ang naturang halaga ng nasasayang na pagkain ay sapat na para mapakain ang may 4.3 milyon pa nating kababayan.
At kung natipid lamang natin ito, marahil ang perang kikitain dito kung nagawa nating ma-export ay magagamit natin sa pagpapagawa pa ng mga irigasyon o paaralan.
Pero hindi pa naman huli ang lahat. Ngayong nakakabangon na ang ating sektor ng agrikultura, sakahan at pangisdahaan, sikapin na nating tantiyahin na ang pagkain na ihahanda sa ating lamesa ay lubos na makokonsumo ng bituka at hindi ng mga basurahan.
Maaari nating simulan ito ngayon kalayaan sa pagiging maaksaya. Maituturing makabayang gawain ang pagbawas sa naaksayang pagkain dahil ang bawat butil na matitipid mo ay magbibigay-buhay naman sa iba nating kababayan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”(mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment