Mahirap espilengin! | |
Isa raw sa mga masamang ugali nating mga Pinoy ang tinatawag na, “sala sa init, sala sa lamig”. Ang ibig sabihin nito, may gawin ka o wala, pupunahin ka.
Ganito ang mentalidad ng ibang tao sa ginagawang hakbang ngayon ng pamahalaan sa mga mahihirap nating kababayan na nakatira sa gilid ng mga estero.
Hindi biro ang problema ng bansa ngayon sa baha. Bukod kasi sa mas malalakas na ang ulan dulot ng pagbabago ng panahon o climate change, nababarahan na ng mga basura at bumabaw na ang mga daluyan ng tubig patungo sa karagatan.
Isa sa mga nakikitang dahilan ng pagsikip ng mga daluyan ng tubig-baha ay ang mga nakatirang pamilya sa mga estero sa Metro Manila na tinatayang nasa 20,000. Kaya naman naisip ng pamahalaang Aquino na gumawa ng programa na ilipat ang mga pamilyang ito sa mas ligtas na lugar.
Bukod sa nakakadagdag sila sa problema sa pagtatapon ng basura sa mga ilog, delikado rin ang buhay nila kapag malakas ang ulan at tumaas ang baha. Isama pa ang peligro sa kanilang kalusugan dahil sa napakarumi ng tubig sa ilog na pinamamahayan ng mga daga, lamok at iba pang insektong pinagmumulan ng sakit.
Dahil kailangan ang mabilis na pagkilos para malinis ang mga estero upang mabawasan ang pagbaha, kailangang alisin na ang mga nakatira sa gilid nito. At dahil hindi naman magiging madali para sa kanila ang ilipat sa mga resettlement area sa labas ng Metro Manila, isa sa mga naisip na tulong sa kanila ng pamahalaan ay bigyan sila ng pinansiyal na tulong na pambayad nila ng renta sa uupahan nilang bahay sa pag-alis nila sa estero.
Karaniwang problema ng mga informal settler na dinadala sa resettlement areas sa labas ng Metro Manila ay ang pagkawala ng kanilang kabuhayan. Kaya naman naisip ng pamahalaang Aquino na bigyan ng P18,000 subsidiya ang mga pamilyang aalisin sa estero na pambayad nila ng renta sa loob ng isang taon.
Pero ang subsidiya sa renta ay isa lamang sa mga ayuda ng gobyerno na nakapaloob sa package ng programa sa mga informal settler. Nandiyan pa rin naman ang option kung nais nilang lumipat sa resettlement area kung saan may sarili silang bahay na huhulugan nila sa maliit na halaga; may inihahanda ring “in-city” resettlement program, at ang “balik-probinsiya” program.
***
Napag-usapan ang informal settlers, buhay at ari-arian ang nakataya ngayon sa mga naninirahan sa Metro Manila sa banta ng matinding pagbaha na laging nakaamba. Nangyari na ito noong nanalasa ang bagyong “Ondoy”, at ang nangyaring hagupit ng Habagat na nagpalubog sa malaking bahagi ng Metro Manila.
Sa kabila ng seryosong banta na itong pagbaha, mayroon pa rin tayong ilang kababayan na baliktad ang tingin sa programa ng pamahalaan na alisin sa mga estero ang mga mahihirap nating kababayan.
May nagsasabing madaliang solusyon daw sa pagtataboy ng mga nasa estero ang pagbibigay ng P18,000.
May mga malisyoso pang baka raw pagkakitaan lang at ibulsa ng mga tiwali ang perang ibibigay sa mga aalisin sa estero. Nandiyan din ang malabnaw na puna na ngayon aalisin ang mga nasa estero dahil tapos na silang pakinabangan sa eleksiyon.
Ngunit ang hindi nila alam, hindi biro at napakahirap ang mamuhay sa estero. Batid ng pamahalaang Aquino ang kalagayan ng mga pamilyang ito kaya naman kahit papaano ay gumagawa ng paraan ang gobyerno na maibsan ang kanilang pag-aalala kapag inalis sa kanilang peligrosong “tirahan”.
Kung hindi kikilos ang pamahalaan na alisin ang mga taong ito sa gilid ng estero at nadisgrasya sila kapag bumuhos ang baha ang sisisihin ay gobyerno; kapag lumubog muli sa baha ang Metro Manila dahil walang madaluyan ang tubig patungo sa Manila Bay ang sisisihin ay gobyerno; kapag inalis sa estero ang mga pamilya at wala silang pinaglipatan gobyerno pa rin ang sisihin. Ang iba talaga nating kababayan, mahirap espilengin.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment