Suspense thriller! | |
Kung hihimayin ang bawat eksena, napakasuwerte ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang ibigay ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112 Judge Jesus Mupas ang kautusang ilipat sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City mula St. Luke’s Medical Center sa Taguig City sa halip na dalhin sa pangkaraniwang kulungan kung saan nakakulong ang ordinaryong mga kriminal na akusado sa iba’t ibang krimen.
Kung mga kurimaw ang tatanungin, iuutos ko muna ang masusing pagtaya sa kalusugan ni Mrs. Arroyo para malaman ang kondisyon at masuri kung talagang dapat sa VMMC ikulong matapos maharap sa kasong pananabotahe sa halalan.
Kung ibinase lamang ang desisyon sa testimonya ng personal na doktor ni Mrs. Arroyo na dumaranas ng colitis at diarrhea, dapat bigyan din ng katulad na konsiderasyon ang libu-libong ordinaryong mga bilanggo.
Ngunit hindi lang nagdudumilat ang katotohanan na hindi nakakatikim ng ganitong pribilehiyo ang maraming bilanggo. Nananatili silang nakakulong sa pangkaraniwang bilangguan sa kabila ng kanilang mas malalang kalagayan.
Isang halimbawa ang kaso ng bilanggong pulitikal na si Crisanto Fat na isang ordinaryong magsasaka sa Negros na namatay sa atake sa puso habang nakapiit at hindi man lamang napagbigyan ang kanyang kahilingang makapagpagamot.
Habang ipinapatupad ng korte sa Pasay ang hustisya kung saan talagang mabagsik at malupit ang batas, hindi natin maitatago ang katotohanang iba ang pagtrato kay Mrs. Arroyo.
Sa ganitong klase ng trato, malinaw talagang walang basehan ang alegasyon na nais lamang gantihan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino si Mrs. Arroyo, sampu ng mga inaakusahang kasapakat sa kalokohan noong 2004 at 2007 elections, maging sa napakaraming eskandalong naimbestigahgan ng Senado.
Sa dulo, dapat ipataw ang karampatang parusa, sinuman ang gumawa nito, katulad ang pagbilanggo sa mga piitang minamantine ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Metro Manila kung saan mayroong mga babaing bilanggo.
Hindi rin naniniwala si Mang Kanor na lilikha ng negatibong epekto sa buong mundo ang pagpapakulong kay Mrs. Arroyo. Nakita na natin sa iba’t ibang bansa ang pagpapabilanggo sa mga dating Pangulo at iba pang matataas na mga lider. Ika nga ni PNoy -- kung hindi natin hahabulin ang mga tiwali at abusado, siguradong pagtatawanan tayo ng buong mundo sa kabaligtaran.
Sa ngayon, pinakaimportante’y matiyak ng pamahalaan na iginagalang ang kanyang mga karapatan kahit nabibigyan pa ito ng pabor sa kanyang magiging kulungan.
***
Napag-usapan ang paglilipat kay Mrs. Arroyo, hindi dapat magpaloko ang publiko sa spin doctors kaugnay sa umano’y plano ng administrasyon na ‘Put the Little Girl to Sleep’ o planong likidahin ang dating lider dahil isa itong porma ng panibagong drama para maiwasan ang pagpapakulong sa kanya.
Isang malaking kasinungalingan na walang pinagkaiba sa kanyang petisyon na magpasuri sa mga espesyalista sa ibang bansa kahit mismong ang kanyang mga doktor sa pangunguna ni Dr. Mario. Ver, orthopedic spine surgeon ng dating Pangulo, ang tumestigo sa korte sa Pasay na gumagaling na ito at maaari nang makalabas ng ospital.
Ni sa panaginip, ayokong isipin desperado ang kampo ni Mrs. Arroyo na makakuha ang simpatya ng publiko at pinalalabas lamang nila na masama at mapaghiganti ang mga taong naghahangad managot siya sa batas.
Matapos mabigo ang grupo ni Mrs. Arroyo na mapalabas siyang biktima ng pambihirang sakit sa buto, nais naman nilang ipinta na posibleng maging murder victim ito. Malinaw na inililipat ng mga humahawak ng publicity stunt ni Mrs. Arroyo ang script ng telenovela mula sa isang medical drama, ito’y ginawang suspense thriller.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
1 comment:
Sa nangyayari sa ating Hustisya ay nagpapakita na HINDI na nakapiring ang Justice Symbol natin. Dapat ang supreme court ay baguhin na ang logo nila. Alisin na yong ping at hindi na pareho ang bigat na hawak.
Post a Comment