Wednesday, December 14, 2011

Tiwala!
REY MARFIL


Boto ng malaking tiwala sa liderato ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino ang mabilis na ratipikasyon sa P1.816-trilyong General Appropriations Bill (GAB).

Malaking tagumpay ng pamahalaan ang overwhel­ming vote sa agarang pagpasa ng pambansang badyet na nakabase sa pagtulong sa pangangailangan ng mga mahihirap.

Talagang layunin ni PNoy na agarang matulungan ang mga sektor na labis na nangangailangan ng ayuda ng pamahalaan at paglaban sa katiwalian kaya naman naging mabilis ang pagkilos dito ng kanyang gobyerno.

Dahil sa agarang paglusot ng pambansang bad­yet sa susunod na taon, matitiyak natin ang agarang implementas­yon ng pangunahing mga programa at proyekto ng pamahalaan.

***

Sa pagkaka-impeached ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona, sa pamamagitan ng botong 188 sa Lower House, nais kaladkarin pababa ang usapan, as in Constitutional Crisis ang prediksyon at pananakot ng iilan.

Sa mga mulat at masusing nagmamasid sa mga pangyayari ng nakalipas na linggo, hindi tunggalian sa pagitan ng Palasyo at Korte Suprema ang labanan -- ito’y simpleng pagbabalik sa taumbayan ng kanilang karapatang itakda ang uri ng pamumuno sa bansa.

Ibinabalik lamang ni PNoy sa taong bayan ang karapatang matagal nang nabura sa isipan matapos mamayagpag sa pamahalaan ang sistemang nasa kamay ng iilang makapangyarihang nilalang ang resulta ng halalan kung saan ha­yagang nilapastangan ng mga ito ang sagradong karapatan ng mamamayang pumili ng kanilang nais mamuno sa bansa.

Ngunit kung susundan natin ang kanilang argumento, wala rin talaga sa tamang wisyo ang naglikha ng mga ito. SC vs Pangulong Noy ba kamo? Sino ba ang nagtalaga sa Pangulo kundi ang mayorya ng higit 80 milyong Pilipino? Hindi ba’t, bilang isang Kristiyanong bansa, noon pa natin sinusundan ang argumentong vox populi, vox dei?

Sino ba ang nagtalaga sa 12 sa 15 na kapita-pitaganang mahistrado ng Korte Suprema kundi iisang tao -- ang da­ting pangulo? -- ito’y si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na “nagreyna” sa loob ng siyam na tao­n kung saan anim na taong termino ang kuwestyunable dahil sa alegasyong pandaraya noong 2004 election.

Ang nakasampang alegasyong minanipula ni Mrs. Arroyo ang resulta ng halalan noong 2007 senatorial elections upang panalunin ang “12-0” sa Maguindanao ang mga manok nito. Kung papayagang kumaripas palayo si Mrs. Arroyo, sino ang mananagot sa hablang ito?

Kung ito ang kaparaanang pilit nilang paghariin sa Pilipinas, kung trip lang ng iisang tao ang magtatakda sa kinabukasan ng bansa, saan na lang tayo pupulutin nito?

Anyway, si Arroyo ay hindi si Erap. Paglakarin natin ang dalawa, saanmang kalyeng matao at maghintay tayo sa dulo nito. Tingnan natin kung sino ang lalabas na duguan.

Hindi pa nga ganun, tingnan natin kung sino sa da­lawa ang makakalabas nang buhay. Ang isa’y lehiyon ang suporta mula sa masa, ang isa nama’y me­ron akusasyong pera ang ipinantatapat sa masa, ito’y wala pa ring matanggap na suporta!

Bagama’t ginamit nila lahat ng instrumento, paraan, pera at makinarya ng pamahalaan na nasa kanilang kontrol upang mangalap ng simpatiya at suporta, mabilis na dumausdos ang popularidad hanggang sumagad sa negative 60 nang ito’y umalis sa Malacañang. Ma­ging mga kababayan nito sa Pampanga’y hindi makuhang sumuporta. Iyan ang malaking pagkakaiba.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: