May pag-asa! | |
Malinaw pa sa sikat ng araw ang mensaheng dala ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa kanyang talumpati sa mga miyembro ng Makati Business Club (MBC) tungkol sa pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan -- dapat managot ang mga nagkasala sa batas, anuman ang estado sa buhay at posisyong pinanghahawakan, maimpluwensya man o isang tambay sa pundahan.
Sa pagkakataong ito, hindi lamang mga karaniwang empleyado at opisyal sa gobyerno ang nais ni PNoy masampolan. Kung nais nga naman niyang malakas na maihatid sa lahat ang mensahe na seryoso ang kanyang kampanya kontra katiwalian, dapat na malaking isda ang lambatin -- hindi pawang “gurami” lamang na nagiging isang “malaking palabas” sa nagdaang panahon upang ipakitang merong ginagawa ang pamahalaan.
Bukod sa mga malalaking negosyante na hinahabol at kinakasuhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR), ipinakita ng pamahalaan na seryosong papanagutin si dating Pangulong Gloria Arroyo na inaakusahang nagsamantala sa kaban ng bayan sa ilalim ng kanyang siyam na taong pamumuno -- ito’y bukod pa sa kasong pananabotahe sa halalan noong 2007 na isinampa na sa korte.
Sa kabila ng alegasyon ng kampo ni Mrs. Arroyo na paghihiganti at panggigipit ang ginawa ng pamahalaang Aquino, sa marami ito’y pagtupad sa kanyang pangako sa bayan sa nakaraang kampanya na papanagutin ang mga nagkasala at aayusin ang maling sistema ng pamamalakad sa gobyerno na naging institusyon sa mahabang panahon.
***
Napag-uusapan ang naitalang katiwalian sa nagdaang gobyerno, hindi naman nasasayang ang pagsisikap ni PNoy na walisin ito. Sa pinakabagong pahayag ng anti-corruption watch group na Transparency International, lumitaw na tumaas ang puwesto ng Pilipinas sa 2011 Corruption Perception Index (CPI) sa paglaban sa katiwalian.
Sa listahan ng 183 bansa, nasa 129 ang Pilipinas sa 2011 Corruption Perception Index, mas mataas ng limang baitang kumpara sa nakaraang taon. Ang paghabol kay Mrs. Arroyo’y pinapaniwalaang isa sa mga rason kaya’t tumaas ang puwesto ng Pilipinas -- ito’y pagpapakita na seryoso ang pamahalaang Aquino tungkol sa matinong gobyerno.
Nakabuti rin sa pagbuti ng pananaw ng Pilipinas ang mahusay na paghahatid ng serbisyo ng pamahalaang Aquino at pagbawas sa red tape sa pamahalaan.
Bukod sa magandang pananaw ng mga negosyante at mga anti-corruption watch group sa gobyernong Aquino, malaki rin ang pag-asang nadarama ng mga Pilipino sa mas magandang buhay sa 2012 -- na siyang pagpasok ng ikalawang taon pa lamang ng liderato ni PNoy.
Batay na rin sa resulta ng pinakabagong survey ng Social Weather Station (SWS) noong Setyembre, naitalang 39% ng mga tinanong ang naniniwala sa mas magandang buhay sa susunod na taon, kumpara lamang sa 9% na negatibong pananaw para sa +30% na net rating ng gobyerno.
Kasabay nito, 35% naman ng mga tinanong ang naniniwala na patungo sa mas maganda ang pagbabagong magaganap sa ekonomiya sa 2012, kontra sa 14% na negatibong pananaw para sa +22 net positive rating na ibinigay ng mga Pilipino sa gobyernong Aquino. Ibig sabihin, malaki ang tiwala ng publiko at nararamdaman ang pagbabagong ipinapatupad ni PNoy.
Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment