Utak giveaways at raffle!
REY MARFIL
Walang pinagkaiba sa isang punong hitik sa bunga ang kalagayan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na dahil sa pagkadesperado ng mga kritiko, ito’y pilit sinisilipan o hinahanapan ng butas at pagkakamali ang makatotohanang pangyayari.
Isang patunay ang pagdalo ng PNoy sa Christmas party ng Presidential Security Group (PSG), aba’y inaakusahang nagpapasarap gayong tinamaan ng delubyo ang ilang bahagi ng Mindanao partikular ang Cagayan de Oro at Iligan City at Dumaguete.
Isang pagtitipon sa mismong bakuran ng Palasyo ang dinaluhan ni PNoy -- isang napakahalagang araw sa hanay ng mga kawal at kanilang mga pamilyang nagbibigay ng 24-oras na seguridad sa Pangulo. Take note: Malayo sa kanilang mga pamilya ang sundalo at minsan lamang sa isang taon ang pagtitipon.
Ang tanong ng mga kurimaw, isa bang malaking pagkakamali ang tapunan ng kaunting oras ni PNoy ang mga tauhang nagbibigay ng proteksyon at seguridad, maliban kung sadyang ‘utak talangka’ ang mga nagpalaki ng isyu.
Hindi isyu ang pag-tweet ni Valerie Concepcion sa PSG Christmas party dahil isang paghanga kay PNoy ang mensaheng nai-post. Ang masama, ito’y kinasangkapan ng mga kritiko para intrigahin si PNoy dahil walang makitang dumi sa administrasyon at isa ring biktima ng maduming laro sa pulitika ang pag-appreciate ng actress sa pagiging cool ni PNoy, katulad sa sinapit ng Pangulo.
Kesa sayangin ng mga kritiko ang kanilang oras sa maghapong pagtu-tweeter at facebook upang batikusin si PNoy, bakit hindi gawing makabuluhan ang buhay -- ilaan ang panahon sa pagtulong at i-donate sa mga nasalanta ng bagyong Sendong ang pinanggastos sa pagtambay ng coffee shop at ipinambili ng internet card.
Hindi big deal sa pagpapaunlak ni PNoy sa mga PSG na makasama sa kanilang pagtitipon, katulad din ng mga ‘nagmamalinis’ at ilang maiingay na sektor na walang inatupag kundi lumikha ng mga pagbatikos gayong kaliwa’t kanan din ang pagdalo sa mga Christmas party at ibang pang kasiyahang inihanda ngayong Pasko, mapainuman o raffle.
Sa pananaw ng karamihan, pilit pinapalaki ng mga kritiko ni PNoy ang maliit na pagtitipon ng PSG, isang malinaw kung paano ipinapamalas ang desperadong paggalaw upang sirain ang Pangulo lalo pa’t hindi matibag ang mataas na popularidad nito.
***
Napag-usapan ang mga kritiko, aminin o hindi, gigil ang mga kalaban ni PNoy dahil patuloy ang pag-ani ng malaking tiwala ng taumbayan, patunay ang pinakahuling resulta ng Pulse Asia Survey kung saan naitala sa 72% ng mga Pinoy ang saludo sa performance ng Pangulo.
Ang trust rating naman ni PNoy, ito’y pumalo sa 74% kaya’t hindi maitatangging ‘hilahod’ sa pag-iisip ng mga demolition o black propaganda ang mga kritiko, malinaw ang pagpatol sa napakawalang-kuwentang isyu, gamit ang mga tweeter at facebook o social media para ipintang walang ginagawa ang Pangulo.
Ang napakapositibong resulta sa panig ni PNoy, ito’y epekto ng puspusang kampanya ng kanyang liderato na tuldukan na ang korapsyon at ipursige ang pagsulong ng bansa, gayundin ang pagkakaloob ng pangunahing pangangailangan ng publiko na nagbibigay ng inspirasyon para ipatupad nang mabilisan ang inaasam na reporma para sa ating lipunan -- ito ang hindi matanggap ng mga kritiko.
Bakit ang pagkansela ni PNoy sa Christmas party ng mga gabinete’y hindi nababanggit o napag-uusapan man lang gayong ginawa ng Pangulo ang desisyon bago pa man ang Christmas party ng PSG, as in umaga pa lamang ng Linggo. Ang tanong ng mga kurimaw: ito ba’y naisulat sa blog ng mga nagmamarunong o nai-text blast man lamang para mabasa ng mga followers nito?
Bakit ang minu-minutong paghingi ng update ni PNoy sa mga opisyal ng gobyerno na nakababad sa Cagayan de Oro, Dumaguete at Iligan City gayundin ang pagbibigay ng direktiba sa mga ahensya at departamento ng gobyerno kagaya ng pagbibigay ng lahat ng pangangailangan ng mga nabiktima ni Sendong, ito’y hindi napapansin o inilagay sa tweeter at facebook.
Sabagay, walang magagawa si PNoy sa may ganitong klaseng mentalidad, basta ang mahalaga’y kinakaya ng Pangulong tugunan ang pangangailangan ng mga nagluklok sa kanya sa poder.
Teka lang, naitanong ba sa sarili ng mga blogger na nagkomento sa tweet ni Valerie Concepcion kung sila’y nagdasal para sa mga biktima ni Sendong bago naki-party ngayong Pasko? Sa malamang, puro raffle at giveaways ang laman ng utak ng mga ito.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Friday, December 23, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment