Nasa hudikatura | |
REY MARFIL Kapuri-puri ang personal na partisipasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na labanan ang climate change, aba’y sa kabila ng kanyang abalang iskedyul, personal niyang pinangunahan ang inagurasyon ng Climate Change Academy ng Albay nakaraang Biyernes bilang bahagi ng kampanya kontra climate change at masamang epekto nito sa ekonomiya ng bansa. Layunin ng Climate Change Academy na itinayo sa loob ng campus ng Bicol University sa Legazpi City, na makatulong sa hakbang ng national government na makasabay sa nagbabagong klima, lalung-lalo na ang lokal na pamahalaan. May kapangyarihan ang akademya na sanayin ang mga lokal na pamahalaan sa disaster risk management, pagtaya ng climate risk hazards at adaptive capabilities, planning, at programming. Tayo’y umaasa na maraming local government units (LGUs) ang susunod kay PNoy na nanguna para gawing institusyon ang paglaban sa nagbabagong klima sa pamamagitan ng public awareness, katuwang ang media. *** Napag-usapan ang aksyon ng gobyerno, hindi matatawarang adhikain ng administrasyong Aquino na maibigay ang hustisya sa pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre na ginunita ang ikalawang taong kaganapan nitong Nobyembre 23. Desidido si PNoy na maibigay ang hustisya para sa mga biktima ng isang araw na pinakamadugong patayan sa kasaysayan ng halalan sa bansa bilang bahagi ng reporma ng administrasyon sa sistema ng kriminal na hustisya. Sa katunayan, todo-kayod ang pamahalaan upang pag-isahin ang halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa eleksiyon sa 2013 upang matigil na ang kultura ng karahasan at political dynasty sa rehiyon. Bilang proteksyon sa mga residente, patuloy na ipinapatupad ng pamahalaan ang state of emergency sa Maguindanao para matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan. Alam ni PNoy ang mga hinaing ng mga kapamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre at nananatili ito sa kanyang paninindigan na pagkalooban ng proteksiyon ang mga saksi at kamag-anakan ng mga nasawi. Katulad ng pamahalaan, magpareho ang agam-agam ng inyong lingkod na talagang tumatagal ang pagdinig sa Maguindanao massacre at umaasa tayong titingnan mabuti ito ng hudikatura para mapabilis ang pagkakaloob ng hustisya sa mga biktima. Sa kabuuan, kailangan nating maunawaan na nasa eksklusibong kamay ng hudikatura ang pagpapabilis sa paglilitis ng kaso at hindi sa sangay ng ehekutibo o palasyo, katulad ng ipinagsisigawan ng ilang kritiko. Sa halip na batikusin si PNoy, dapat manatili tayong matatag sa pagsuporta sa pamahalaan na mapalakas ang sistema ng hustisya sa bansa at saluduhan ang nasawing mga mamamahayag at iba pang biktima ng Maguindanao massacre. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com) |
Friday, December 2, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment