Friday, December 9, 2011

May nauna!
REY MARFIL

January 27, 2010 ang petsa at State of the Union Address ang okasyon -- ito ang kauna-unahang pagkakataon na harap-harapang sinalubong ng kritisismo ng isang Pangulo ng bansa ang mga kagalang-galang na mahistrado ng Kataas-taasan­g Hukuman -- si Barack Obama ng Amerika laban sa Chief Justice ng US Supreme Court.

Binira ni Obama ang SC ng America dahil sa desisyon nitong payagang buksan sa dayuhang mamumuhunan ang donasyon sa mga partidong pampulitika sa panahon ng halalan. Isandaang (100) taon ang nakalipas matapos itakda ng batas ng Estados Unidos ang pagbabawal sa mga dayuhang kompanya na impluwensyahan ang resulta ng halalan sa nasa­bing bansa hanggang ito’y baliktarin ng nasabing hukuman.

Nitong Disyembre 5, 2011, sa okasyon ng kauna-una­hang Criminal Justice Summit na binuo upang pag-aralan ang mga hakbang upang mapabuti ang sistema ng kataru­ngan sa bansa, muling sinuong ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang pambihirang pagkakataong ipamukha sa bayan ang kasaliwaan ng mga desisyong ibinababa ng Korte Suprema sa loob ng kanyang panunungkulan.

Mula sa pagbasura ng SC sa probisyon ng Saligang Batas na nagtatakda ng dami ng populasyon bilang rekisito sa pagbuo ng isang Congressional District (Camarines Sur) na naging daan upang umupo bilang kinatawan ang anak ni Mrs. Arroyo (Cong. Dato) hanggang sa pagtalikod ng hukuman sa nauna nitong desisyong itakda ang mga alituntunin ng ibinabang TRO sa watchlist order ng Department of Justice (DOJ) laban sa pagkaripas palayo sa saklaw ng batas ng da­ting Pangulo, patuloy na humahaba ang listahan ng mga desisyong batbat ng katapatan, hindi sa sinumpaang tungkulin o Saligang Batas, kundi sa taong isiniksik sila sa kasalukuyang puwesto sa Korte Suprema -- ito ang reklamo ni PNoy.

Wasak ang relasyon ng kasalukuyang Pangulo at Chief Justice na pinaupong-pilit ni Mrs. Arroyo. Hindi maitatangging maasim pa sa kamias ang turing ni PNoy kay Chief Justice Renato Corona.

Ang sama ng turingang ito’y hindi lamang kapritso ng Pangulo, hindi rin puwedeng sabihing wala itong basehan.

Ang sabi ng mga pantas, hindi kailanman pumapalag ang Pangulo sa mga ibinababang hatol ng Kataas­taasang Hukuman, mula pa noong panahon ni Tita Cory sa panguluhan, kahit na ang mga ito’y sumasalubong sa ninanais ng mga nakaupong liderato.

Totoo marahil ito sa ating bansa. Ngunit sa pangunang imbukada natin, sadyang napatunayang hindi lamang si PNoy ang tahasang pumalag sa mistulang kalabisan sa natatanging karapatang iniatang ng batas, animo’y nagsisimu­lang sumaliwa sa batayan ng tama.

Hindi lamang si PNoy ang unang pumalag sa mga ito ng hayagan at harap-harapan. Hindi pinagbabawalan ng precedence o maging ng Saligang Batas ang Pangulo upang kwestyunin ang kanilang mga ibi­nababang kapasyahan.

Utang na loob ang isyu, sino ang may kinauutangan at kanino?

Ang usapin ay ukol sa delicadeza na siyang isa sa mga katangiang hanggang ngayo’y hinahanap pa rin ng ba­yan sa mga nakaupo sa institusyong dapat ay nangunguna -- ito’y usapin ng batas at katwiran ng pananagutan, ng katotohanan at katapatan sa Saligang Batas.

Ang ehekutibo’y hindi lamang sundalong tagapagpatupad ng mga itinakdang hatol ng hukuman. Hindi ito isang utusang dapat ay sunud-sunuran lamang sa wisyo ng iilang pantas sa hudikatura.

Ang ehekutibong pinangungunahan ng Pangulo’y isang kapantay o kaparehong sangay ng pamahalaan sa mata ng Saligang Batas.

Bagama’t totoong inaasahan ang kooperasyon at pakiki­pagtulungan, hindi kailanman itinakdang maging tagasang-ayon lamang o tagasunod ng hukuman ang nasa katungkulan sa ehekutibong sangay ng pamahalaan.

Hindi rin naka­lupalop sa hukuman ang lubos na kapangyarihang pamunuan o pangunahan ang mga kapantay nitong sangay -- ang ehekutibo man o kahit ang lehislatura.

Ang ginawa ni PNoy sa Manila Hotel noong Lunes sa gitna ng mga kalahok sa kauna-unahang Criminal Justice Summit ay hindi pagmamalabis o paglabag sa takda ng kaugalian maging ng batas, bagkus ito’y pagpapakita ng katapatan o sinseridad na itulak ang adyenda ng mamamayan sa loob ng kanyang katungkulan -- ito rin ay nagsisilbing matibay na patotoo sa kakayahang isulong ang malawakang reporma sa pamahalaan maging sa mga ahensyang dapat ay pangunang halimbawa ng integridad at kalinisan sa panunungkulan.

Maitanong ko lang: Kung ibabaling ninyo ang atensyon sa punong mahistrado, ang kanyang gawi sa publiko ba’y statesmanship, o pawang kamanhiran sa malawakang panawagan sa pagbabago?

Ito ba’y pagiging simbolo ng kalayaan sa impluwensya ninuman o sadyang kakapalang dala ng katapatan, hindi sa Saligang Batas kundi, sa taong napag-utusan lamang ng katungkulang sila’y ihirang?

Maitanong ko rin, sino ba sa tingin ninyo sa mga kasalukuyang institusyon ng pamahalaan ang hanggang sa ngayo’y puno ng mga nalalabing galamay ng panggigipit ng dating pamunuan?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: