‘Di napapansin!
REY MARFIL
Sa kabila ng ingay na dulot ng banggaan sa pulitika, tahimik at tila walang nakapapansin sa mga positibong balita, katulad ng patuloy na pagdami ng mga may trabaho sa taong 2011.
Sa data ng National Statistical Coordinating Board (NSCB), nasa 6.3% na lamang ang unemployment rate sa bansa -- pinakamababa sa nakalipas na apat na taon, ito’y nangyari sa loob lamang ng wala pang dalawang taon ng administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.
Simula Enero 2011, naitala ang pababang marka ng mga walang trabaho -- mula sa 7.4% nitong Enero, natapyasan ang bilang ng mga walang trabaho o tambay sa kanto, patunay ang pagbaba sa 7.2% nitong Abril, at nabawasan pa ng nakaraang Hulyo, malinaw ang naitalang 7.1%.
Kung tutuusin, ang pagbaba sa bilang ng mga walang trabaho at pagdami ng mga may trabaho -- ito’y nangyari sa panahong ‘nagpuputak’ ang mga kritiko at inaakusahan ang administrasyong Aquino ng maling taktika sa pamamahala sa ekonomiya bunga ng ginawang pagtitipid sa paggastos ng pondo.
Kaya naman isipin na lamang ang resulta kung gumastos nang todo sa mga proyektong pang-imprastraktura ang gobyerno, marahil mas mababa pa sa 6.3% ang naging unemployment rate ng bansa -- ito’y patunay na mali ang mga kritisismo ng oposisyon na puro pulitika at paghahabol sa nakaraang administrasyong Arroyo ang ginagawa ng pamahalaang Aquino at napapabayaan ang ekonomiya ng bansa.
***
Napag-usapan ang pagtitipid sa paggastos ng pondo -- ito’y kinailangang gawin ni PNoy habang inilalatag ang mga mekanismo para matiyak na maayos at walang ‘tongpats’ ang mga proyektong ipatutupad ng gobyerno.
Sa lalim ng ugat ng katiwaliang inaakusang naibaon ng nakaraang gobyerno sa mga ahensiya ng pamahalaan, kailangan lamang na tiyakin ng bagong liderato na magagamit nang tama ang buwis na binabayaran ng mga tao at hindi sa bulsa ng mga tiwaling pinuno mapupunta.
At dahil nakaayos na ang mekanismo, asahan ang pag-usad ng programa ng pamahalaan na inaasahang lilikha ng mga trabaho -- ang Private-Public Partnership Program (PPP).
Katunayan, nai-award sa nanalong bidder ang kontrata sa paggawa at pagmantine sa 4-kilometer Daang Hari-South Luzon Expressway (SLEX) Link Road -- ito’y napanalunan ng Ayala Corporation.
Ang Daang Hari-South Luzon Expressway (SLEX) Link Road, isa lamang sa napakaraming proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan sa ilalim ng PPP na magkakaloob ng napakaraming trabaho, hindi lamang sa kalunsuran kundi maging sa kanayunan.
Kaya naman may basehan ang resulta ng pinakahuling Pulse Asia survey kung saan 88% ng mga tinanong na Pinoy ang nasabing sasalubungin nila ang 2012 na mataas ang pag-asa.
Mismong si PNoy ang nagsabi nang pirmahan ang 2012 budget, na humihina ang ekonomiya ng mundo, kaya naman hindi tayo dapat umasa sa ekonomiya ng ibang bansa, sa halip ay kailangang palakasin at pasiglahin ang ekonomiya natin sa Pilipinas.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Monday, December 19, 2011
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment