Friday, December 16, 2011

Now na!
REY MARFIL


Ipinasa ng Kongreso ang impeachment complaint laban kay Supreme Court Justice Renato Corona, sa bisa ng 188 lagda o 2/3 -- ito’y ‘di hamak na malayung-malayo sa 1/3 lang na kakailanganing numero para ma-impeach ang isang opisyal ng gobyerno.

Nasa Upper House ang bola bilang impeachment court at magbababa ng hatol kay Corona. Ganito rin ang pangyayari kay dating Pangulong Joseph Estrada, ang kaibahan lamang, maagang umaapaw ang numero mula sa Kamara.

Dapat maunawaan ng publiko, sampu ng mga nakaupo rito -- sila ang kinatawan na nagsisilbing boses ng kanilang mga constituents o nirerepresentang sektor. Ang pag-apaw ng suporta sa Kamara para mailarga ang impeachment complaint laban kay CJ Corona -- ito’y patotoo sa suporta ng publiko sa pamahalaang Aquino na masidhi ang kagustuhang lipulin ang mga tiwali sa gobyerno at makamit na ang hustisya laban sa mga nagsamantala sa tiwalang ibinigay ng sambayanan.

Ang suhestyon ni Mang Gusting, kung meron delicadeza, mas makakabuting magbitiw ngayon si Corona kesa hintaying gumulong ang impeach sa Upper House upang maisal­ba ang imahe ng Korte Suprema at buong hudikatura na tuluyan nang sinira ang integridad at kredibilidad.

Aminin o hindi ni Corona, namamayani ang impresyong hindi nakakamit ng taumbayan ang hinahanap na patas na proseso ng hustisya laban kay Mrs. Arroyo hangga’t nasa poder si CJ Corona lalo pa’t nagsilbing chief of staff at napakahaba ng kanilang pagsasama bilang mag-amo. Take note: iniluklok ni Mrs. Arroyo si Corona sa panahong nalalapit ang pag-upo ng bagong Pangulo.

Ika nga ng mga kurimaw, kung may natitira pang pagmamahal sa bayan si CJ Corona at maginoo, katulad ng kanyang ipinangalandakan sa harap ng mga court employees na nagmartsa sa harapan ng Supreme Court, gawin mo ang nararapat na hakbang na magpapabalik sa tiwala ng publiko sa SC -- ito’y sa pamamagitan ng pagbibitiw sa tungkulin.

Mawawalan lamang ng saysay ang pakikipaglaban sa independensya ng hudikatura kung kumakalas ang pagtitiwala ng sambayanan o mayorya na siyang dinaranas ngayon ng SC mula sa publiko.

Sana’y tuldukan ni Corona ang tensyong ito upang tuluy-tuloy nating maramdaman ang pagbabagong inasam natin, mula nang iluklok si PNoy na naging matapang sa pagpuna sa hindi patas na sistemang ipinaiiral ng SC dahil sa pananatili sa posisyon ng mga kadikit ni Mrs. Arroyo.

***

Napag-usapan si Corona, hindi dapat maging balat-sibuyas ang mga kasapi ng Supreme Court (SC) sa pagpuna at batikos lalo pa’t hindi naman inihalal ng bayan kundi itinalaga lamang sa posisyon.

Dapat manatili ang pananagutan ng mga pampublikong opisyal sa kanilang mga aksiyon sa lahat ng pagkakataon at hindi itratong “sacred cows” ang mga miyembro ng SC bilang bahagi ng “check and balance” sa gobyerno alinsunod sa kampanya kontra katiwalian ni PNoy.

Ipinahahayag lamang ni PNoy ang kanyang opinyon bilang bahagi ng pribilehiyo ng Ehekutibo at imposibleng walang basehan ang pagkuwestiyon ng Pangulo sa hindi pagiging parehas ni Corona sa mga desisyon sa mga kasong kinasasangkutan ni Mrs. Arroyo.

Kahit pagbabaliktarin ni Corona ang angulo, ito’y “midnight appointee” sa tingin ng nakakarami at nakakaduda ang kanilang malapit na relasyon ni Mrs. Arroyo lalo’t minsang naging spokesman ng dating pangulo. Bahagi ng karapatan ng Pangulo ang batikusin nang todo-todo ang Chief Justice lalo’t nakikita ang basehan.

Hindi naman sinasagasaan ng pagbatikos ang co-equal branch ng pamahalaan. Ika nga sa English “give and take” ang kailangan para maging buhay at kapaki-pakinabang ang demokrasya.

Wala dapat pinoprotektahan o sacred cows. Ba­hagi ng lehitimong katanungan ng publiko ang inihirit ni PNoy.

Itinatanong din ng ordinaryong tao at maging ng aking sarili ang mga ibinato ni Pangulong Aquino. Sa tingin mo ba hindi? Importanteng manatili ang pagiging independence ng SC.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: