Kailangang bunutin! | |
Labing-pitong buwan mula nang maluklok sa MalacaƱang, nakabuwelo si Pangulong Noynoy Aquino at nailatag ang mga kinakailangang reporma para umarangkada ang ekonomiya ng bansa simula sa 2012.
Tulad sa pagtatanim ng mga bagong halaman, hindi basta-basta mabubuhay ang ilalagay na mga binhi o punla kung may mga damo na dating nakatanim sa lupa. Kailangang alisin ang damo at bunutin ang ugat nito para mabuhay nang maayos ang bagong halaman na itatanim.
Sa nakalipas na mga buwan, ganito ang ginawa ng administrasyong Aquino, binunot ang masasamang damo na naiwan ng nakaraang administrasyong Arroyo, at nilinis ang sinasabing sistema ng katiwalian hanggang sa pinakailalim para matiyak na matatanggal pati ang nakakapit na ugat.
Ibig sabihin, inilatag muna ang mga kinakailangang reporma sa pamamahala sa iba’t ibang ahensiya, partikular sa mga mahahalagang departamento na nagpapatupad ng mga proyektong makatutulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Take note: sa mga unang buwan ni PNoy sa Palasyo, nadiskubre ang samu’t saring kuwestiyunableng transaksyon na pinasok umano ng Arroyo government na naging dahilan ng paglobo ng budget deficit ng bansa at pagkabaon sa utang.
Isa na rito ang bilyun-bilyong pisong halaga na ginastos sa pag-angkat ng bigas ng Arroyo government kung saan nadiskubre ng bagong pamunuan ng National Food Authority (NFA) sa ilalim ng PNoy government na marami sa mga inangkat na bigas ang nabubulok lamang sa mga warehouse.
***
Napag-usapan ang pagbubunot ng damo, malaking pera ang nasayang sa pag-angkat ng mga bigas, napabayaan o sadyang pinabayaan ng nagdaang pamahalaan ang mga lokal na magsasaka kaya naging dependent sa imported rice ang bansa, maliban kung nagka-amnesia ang publiko sa isyu ng “fertilizer fund scam” na nangyari rin sa ilalim ng Arroyo government?
Ang usapin ng rice importation ay isa lamang sa mga problemang iniwan ng dating administrasyon na kinailangang hanapan ng solusyon ng kasalukuyang gobyerno. Kailangang takpan ang butas na ginawa ng dating liderato na nagpatagas sa malaking gastusin upang makakilos muli nang maayos ang mga kinauukulang ahensiya na nakatoka rito gaya ng NFA at Department of Agriculture (DA).
At pagkaraan nga ng 17-buwan, inaasahan ng PNoy government na babalik sa normal ang lokal na produksiyon ng palay at kakayanin na ng mga magsasakang Pinoy na pakainin ang kanyang mga kababayan sa pinakamaagang pagsapit ng 2012 o kaya’y pagsapit ng 2013.
Ang resulta nito, hindi na natin kakailanganin na gumastos muli ng bilyun-bilyong halaga sa pag-import ng bigas at hindi na rin mapapabayaan ang ating mga kababayang magsasaka. Kung magpapatuloy ang mahusay na produksiyon ng palay, at maging self sufficient ang Pilipinas, at matitiyak na ang food security ng bansa, malay natin, mangyari sa ilalim ng PNoy government na muli tayong magbebenta ng bigas sa ibang bansa.
Pero maliban sa usapin ng seguridad ng pagkain, inaasahang sisigla ang ekonomiya sa 2012 dahil maipatutupad ang iba’t ibang infra project ng gobyerno sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) program na makalilikha ng napakaraming trabaho. Kinailangan ding rendahan ang pagpapatupad ng programa para mailatag ang mga mekanismo na titiyak na magiging patas at maayos ang paggamit ng pondo na naaayos sa kampanya ng pamahalaang Aquino para sa “tuwid na daan”.
Madaling mambatikos at mag-akusa ang mga kaalyado ng nakaraang administrasyon na naging mabagal ang paglago ng ekonomiya ng bansa, pero kung makikita naman sa mga susunod na taon ang magandang bunga ng mga inilatag na reporma ng kasalukuyang gobyerno, tiyak na nasa likod pa rin ni PNoy ang suporta at tiwala ng mamamayang Pilipino, patunay ang napakataas na approval at trust rating ng Pangulo, alinsunod sa huling Pulse Asia survey.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment