Monday, April 30, 2012




      Umangkas!









Lumabas na ang inaasahang pinal na desisyon ng Korte Suprema na pinamumunuan ni Chief Justice Renato Corona na pumapabor sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita, na ipamahagi ang bahagi ng lupaing pag-aari ng mga Cojuangco na sakop ng Comprehensive Agrarian Reform Program.
Sa kabila ng ilang ulit na pag-uugnay ni Corona na ang kaso ng hacienda na pag-aari ng pamilya ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na dahilan kaya siya pinag-iinitan ng huli, hindi pa rin nag-inhibit ang punong ma­histrado sa ginawang botohan.
Ang tanong ni Mang Kanor: bakit nga naman siya mag-i-inhibit sa pagpapalabas ng isang popular na desisyon na maaaring makatulong sa kanya na bumango kahit bahagya ang kanyang imahe? Take note: sa mga nakaraang survey, hindi lang sumayad, kundi nakabaon na sa lupa ang kanyang popularidad at satisfaction ratings.
Lahat ng mga mahistrado na kasama ni Corona -- pati na ang tatlong itinalaga ni PNoy -- ito’y pawang bumoto pabor sa pamamahagi at pagbabayad ng mas mababang kumpensasyon sa mga Cojuangco, isang patunay na hindi nakialam ang Pangulo o nang-impluwensiya sa mga ma­histrado tungkol sa kontrobersiyal na kaso.
Matapos makiangkas sa popular na desisyon, nagpasa­ring pa si Corona kay PNoy na inaasahang gagantihan siya sa naging desisyon ng SC sa hacienda. Pero tanong u­lit ni Mang Kanor: hindi ba collegial o sama-samang boto at hindi lang iisa ang SC? Ang sundot naman ng mga kurimaw: Kung totoo ang hinala ni Corona, dapat lahat ng mahistrado ang gantihan ng Pangulo.
***
Napag-usapan ang desisyon, dapat balikan ng publiko ang mga naunang pahayag ni Corona na siya mismo ang makailang ulit na nagsabi na isang boto lang siya. Kaya naman kahit hindi siya (Corona) bumoto’y makukuha ng mga magsasaka ang pinakahihintay nilang lupa, maliban na lang kung totoo rin ang hinala ng marami na makapangyarihan ang posisyon ni Corona at kaya nitong impluwensiyahan ang desisyon ng mga kapwa mahistrado.
Kaya’t pangatlong tanong ni Mang Kanor: Ganito kaya ang nangyari nang magpalabas ng mabilis na temporary restraining order (TRO) ang SC noong nakaraang taon na kamuntik nang maging dahilan upang makalabas ng bansa si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at mister nitong si Atty. Mike Arroyo?
Ang hirit tuloy ng mga kaanib ng prosecution panel, tila nagpapaawa effect lang si Corona at nais magmukhang martir sa mata ng publiko upang makakuha ng simpatiya sa harap na rin ng muling pagpapatuloy ng kanyang impeachment trial sa Senado sa Mayo 7.
At kahit ilang popular na desisyon pa raw na katulad ng Hacienda Luisita ang sakyan ni Corona, hindi pa rin nito maipapaliwanag ang mga alegasyon sa kanya sa impeachment court, na pinoprotektahan niya sa kaso at binalak na tulungan na makalabas ng bansa si Mrs. Arroyo; hindi nagsumite ng tamang bilang ng mga ari-arian sa Statement of Assets and Liabilities and Networth, at iba pa.
Ang duda ngayon ng mga tambay sa kanto, hindi kaya natutunungan na ni Corona na baka matalo siya sa kaso sa Senado at tuluyang ma-impeach kaya nagpapalutang siya ng mga alegasyon na bubuweltahan siya ni PNoy o nais palabasin nito na kayang impluwensiyahan ng palasyo ang mga senador para bumoto laban sa kanya?
Kung ganito ang hinala ni Corona, ito’y malaking insulto, hindi lang sa mga senador kundi maging sa mga nag-iisip na mamamayang Pilipino. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”.(mgakurimaw.blogspot.com)












Friday, April 27, 2012




Malinaw ang pulso!
Rey Marfil






May panibagong tinik sa korona ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona kaugnay sa isa pang survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS) kung saan lumilitaw na halos mayorya ng mga Pinoy ang pabor na gumamit ng pu
wersa para maalis siya sa puwesto sakaling iabsuwelto ng Se­nate Impeachment Court.
Sa Mayo 7, nakatakdang magpatuloy ang paglilitis ng Senado kay Corona na nais patalsikin sa puwesto ng mga kongresista dahil sa alegasyon na hindi ito naging tapat sa pagsusumite ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SLAN); at pagkampi sa mga kaso laban kay da­ting Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na kamuntikang nakatalilis palabas ng Pilipinas.

Ang naturang mga alegasyon ay mariing pinabulaanan ng punong mahistrado. Gayunman, hanggang ngayon’y wala pa ring malinaw na pahayag ang kampo ng punong ma­histrado kung isasalang ito sa witness stand para personal na sagutin ang mga bintang laban sa kanya.

Sa survey na ginawa ng SWS noong Marso 10 hanggang 13, lumitaw na 46% ng mga tinanong ang pabor na magkaroon ng people power para mapatalsik si Corona; 26% lang ang tutol at 25% ang hindi pa makapagdesisyon.

Pinakamarami sa pabor na magka-people power, ito’y nagmula sa Mindanao (56%), sumunod ang National Capitol Region (48%), balance Luzon (44%) at Visayas (36%). Ibig sabihin, halos buong rehiyon ang kontra sa pananatili ni Corona.

***

Napag-usapan ang survey, maliban sa malaking bilang ang nais na mawala sa puwesto si Corona, umabot din sa 63% ng mga tinanong ang naniniwalang may mga tagong kayamanan ang punong mahistrado. Kabilang sa mga alegasyon sa kanya ng prosekusyon ang pagkakaroon ng mga mamahaling condo unit na hindi isinama sa listahan ng kanyang ari-arian sa SALN.

May mga hinala rin na ipinangalan ni Corona sa kanyang mga anak ang ilang nabiling bahay at lote gaya ng nasa Amerika. Bagay na itinanggi rin ng punong mahistrado, sabay paggiit na may magandang trabaho ang kanyang anak at kayang bumili ng kanilang ari-arian.

Sa naturang survey ng SWS, 77% ng mga nakatira sa NCR ang nagpahayag ng paniniwala na may hidden wealth si Corona; 63% mula naman sa balance Luzon; 55% sa Visayas; at 61% sa Mindanao. Ibig sabihin, kahit rugby boys sa buong Pilipinas, ito’y naniniwalang may itinatagong yaman si Corona at naiintindihan ang itinatakbo ng impeachment trial.

Hindi lang ‘yan, umabot sa 58% ng mga tinanong ang naniniwala na sinadya ni Corona na tulungan ang mag-asawang ex-President Gloria Macapagal-Arroyo at dating First Gentleman Mike Arroyo, na makalabas ng bansa para makaiwas sa mga kasong isasampa ng pamahalaang Aquino, as in mayorya ng mga Pinoy ang naniniwalang may sabwatang naganap.

Naniniwala rin ang 57% ng mga respondents na tumanggap ng “special favor” si Corona gaya ng mga diskuwento para makakuha ng mga mamahaling condo unit at biyahe sa eroplano ito nama’y nababasa at nasusulat sa mga peryodiko bago pa man nagsimula ang trial.

Hindi ito ang unang survey na nagpapakita ng negatibong pagtingin kay Corona. Katunayan, sa magkahiwalay na survey ng SWS at Pulse Asia, lumitaw na hindi lang sumadsad, kundi bumulok na ang pagtitiwala ng publiko sa punong mahistrado.

Paliwanag ng mga kaalyado ng administrasyon, ang resulta ng mga survey ay hindi lamang pagpapakita na ayaw na nila kay Corona, kundi indikasyon din na hangad ng mga tao na magkaroon ng reporma at pagbabago sa pamunuan ng pinakamataas na hukuman sa bansa.

Anuman ang maging desisyon ng Senado sa kaso ni Corona, nawa’y magkaroon ng katuparan ang hangarin ng taong-bayan na tahakin din ng Korte Suprema ang tuwid na daan ng kasalukuyang administrasyong Aquino. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”.
(mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, April 25, 2012




Tamang daan!
REY MARFIL



Hindi makatwirang sisihin si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa krisis ng kuryente sa Mindanao bagkus ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA law).
ake note: isinabatas ang pasaway na EPIRA noong 2001 bilang isa sa pangunahing mga panukalang batas na isinulong ng dating administrasyon -- si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Simple lamang naman ang mga layunin ng batas na may kinalaman sa pagpapababa ng singil sa kuryente at bawasa­n ang pagkakautang ng National Power Corporation (Napocor). Sa ilalim ng batas, ibinenta sa ilalim ng administrasyong Arroyo ang mga ari-arian ng NAPOCOR para nga bawasa­n ang pagkalugi nito at magkaroon ng murang kuryente.
Noong ipasa ang EPIRA noong 2001, walang problema sa Mindanao dahil sobra-sobra ang suplay sa kuryente na ibi­nibigay ng Independent Power Producers (IPPs). Bina­bayaran ng konsyumer, maging ang mga kuryente ng IPPs kahit hindi naman nakokonsumo ng mga tao.
Nakakalungkot lamang na ang batas na ipinasa ng pamahalaan ni Mrs. Arroyo’y nagresulta ngayon para tumaas pa ang singil sa kuryente at magkaroon ng kakapusan sa suplay nito.
Malinaw na hindi nakamit ang mga mithiin ng batas na ipinasa ng dating administrasyong Arroyo na mapababa ang singil sa kuryente dahil nanganak pa ito ngayon ng problema. Ang masakit pa nga ngayon, lalong tumaas ang singil sa kuryente at lumobo ang pagkakautang ng Napocor.
Dapat buong suporta ang ibigay ng publiko sa mga hakbang ng administrasyon ni Mrs. Aquino na resolbahin ang krisis sa kuryente dahil inaani lamang nito ngayon ang mga kapalpakan ng dating administrasyon.
At tama rin si PNoy sa pagsasabing hindi ang bansa ang magsisimula ng digmaan sa China kaugnay sa pinag-aawayang mga isla kung saan nagkaroon ng naval standoff noong nakalipas na linggo.
Dapat hangaan si PNoy sa hindi pag-abandona sa pag­hahabol ng bansa sa Scarborough Shoal sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng mapayapang pakikipag-usap sa China para maresolba ang problema na nag-ugat sa ilegal na pagpasok at pangingisda ng mga mangingisdang Tsinoy sa teri­toryo ng Pilipinas.
Maganda rin ang paniniyak ni PNoy na hindi hakbang ang pagsasanay ng militar ng bansa at Estados Unidos (US) para sa taunang “war games” ng Balikatan Exercises sa lalawigan ng Palawan na malapit sa pinag-aagawang mga isla upang hamunin ang China na pumasok sa isang kaguluhan.
Hindi dapat isipin ng China na inilalagay sila sa isang “ima­ginary line” bilang target ng pagsasanay ng 7,000 pinagsamang mga sundalo ng dalawang bansa.
Maganda ring suportahan ang panukala ni Sen. Joker Arroyo na pakinabangan ng administrasyong Aquino ang lahat ng suportang maaaring makuha nito mula sa US at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) upang ilunsad ang “diplomatic offensive” sa panibagong insidente ng panggigipit ng China.
***
Anyway,  panibagong malaking tagumpay ni PNoy sa kampanya nitong matuwid na daan ang pahayag ni Agriculture Sec. Proceso Alcala na posibleng magluwas ng bigas ang Pilipinas sa ibang mga bansa sa Asya sa unang tatlong buwan ng 2013 kung walang tatamang kalamidad.
Hindi naman talaga imposibleng hindi na mag-angkat ng bigas ang bansa mula sa mga kapitbahay sa Timog Silangang Asya sa pamamagitan ng pagdepende na lamang sa lokal na produksiyon ng palay.
At dahil nga sa mabuting pamamahala at magandang suporta sa mga magsasaka, maaari pang magluwas ng bigas ang pamahalaan bunsod ng inaasahang masaganang pag-aani ng palay sa 2013.
Dahil ito sa mga makabagong teknolohiya sa mga magsasaka, maayos na post-harvest na mga pasilidad, at progresibong sistema ng patubig.
Isa pang good news, nagbunga rin ang daang matuwid ni PNoy, maging sa pagsugpo ng mga magnanakaw ng sasakyan matapos bumaba ng malaking 49.5% ang insi­dente ng carnapping sa buong bansa nitong Marso 2012.
Kapuri-puri ang magandang ipinapakita ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa paglansag sa mga sindikato ng carjacking.
Base sa ulat ni Chief Supt. Leonardo Espina, direktor ng PNP-HPG, nakapagtala lamang ng 53 insidente ng carnapping noong nakalipas na buwan na malayo kumpara sa nangyaring 105 kaso ng pagnanakaw ng sasakyan sa parehong panahon noong nakalipas na taon.
Nag-ugat ang pagbaba sa kaso ng carnapping sa ipinatupad na anti-carnapping na inisyatibo katulad ng paglalatag ng checkpoints sa lahat ng mga kalsada patungong pier, pagpapalakas ng koordinasyon ng anti-carnapping units sa mga distrito sa Metro Manila, at operasyon ng HPG SMS Info Text na sumasailalim ngayon sa eksaminasyon.
Laging tandaan: “Bata n’yo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
 







Monday, April 23, 2012

Pangaral ni Midas! REY MARFIL Sa kabila ng pagiging bakasyon ng Impeachment Court at pahinga ang paglilitis kay Chief Justice Renato Corona, sumundot ng tirada ang tagapagsalita ng Korte Suprema laban sa administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino. Nagpahaging ng paninisi si SC spokesperson Midas Marquez na ang MalacaƱang ang rason kung kaya’t may mga pagkakataon na hindi na sinusunod ang mga kautusan ng korte tulad ng pagpapataw ng temporary restraining order o TRO. Ginawa ni Marquez ang patutsada sa Palasyo habang nasa Baguio ang mga mahistrado ng SC at nagsasagawa ng media forum -- ito’y nangyari ilang araw matapos lumabas ang mga survey na nagpapakita ng subsob na trust rating ni Corona at mababang kumpiyansa ng publiko sa institusyon ng Korte Suprema. Naglatag ng ilang halimbawa si Marquez ng umano’y mga insidente ng pagsuway sa utos ng korte gaya ng patuloy na pagputol ng puno sa Baguio City sa kabila ng TRO; ang ‘di pagkilala ng isang eskuwelahan sa Cebu sa utos ng korte na payagang makasama sa graduation rites ang isang babaeng estudyanteng nasangkot sa “bikini” photo issue; at ilan pa. Sa mga pangaral o pagli-lecture ni Marquez, tila naging masamang halimbawa ang MalacaƱang nang hindi sundin ng Department of Justice ang ilang kautusan ng korte gaya ng TRO sa travel ban na ipinataw kina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at sa pagsusuri sa sasakyan na nasangkot sa ambush ng isang opisyal ng NBI. Ang tila nakalimutang suriin ni Marquez ang mga kontrobersiyang ibinabato sa pinuno ng institusyon na posibleng nagdudulot ng bahid sa kredibilidad ng hudikatura -- ang mismong namumuno sa kanila -- si CJ Corona -- ito’y “Nababasa at Nasusulat” sa reklamong isinampa sa Upper House! *** Napag-usapan ang presscon ni Marquez, hanggang sa kasalukuyan (bagaman nakabakasyon ang impeachment trial) nakabitin pa rin at nanatili ang alegasyon ng prosekusyon sa punong mahistrado na nandaya ito sa isinumiteng listahan ng kanyang mga ari-arian sa Statement of Assets and Liabilities and Networth. Patuloy ang katanungan sa isipan ng marami kung ginamit nga ba ni Corona ang kanyang mga anak na “dummy” sa mga biniling ari-arian gaya ng mamahaling condo? Kung totoo ba na inilagay siya ni Mrs. Arroyo sa kanyang posisyon ngayon bilang pinuno ng SC para protektahan ang dating Pangulo sa mga inaasahang kaso na isasampa ng kasalukuyang administrasyon? Ngunit bago pa man ang impeachment, may mga dapat nang ipaliwanag ang SC sa publiko tungkol sa mga desisyon na ilang ulit na nagpapalit-palit ng desisyon na may kinalaman sa labor dispute ng isang airline. Ang pabagu-bagong desisyon ay natural na magbigay din ng hindi magandang impresyon sa isipan ng publiko kung patas nga ba ang mga mahistrado. Gaya na lamang ng mabilis na desisyon ng SC nang magpalabas ng TRO sa travel ban na ipinataw ng DOJ laban kay Arroyo; na ilang oras lang matapos mailabas ang TRO ay kaagad na nagtungo sa airport ang dating Pangulo, kasama ang mister nitong si dating First Gentleman Mike Arroyo para lumipad palabas ng bansa. Ang tanong: ganito ba kabilis ang SC sa pagpapalabas ng desisyon sa lahat ng petisyon na ipinaparating sa kanila? Gaya na lamang ng pagkuwestiyon sa ipinalabas na kautusan noon ni Mrs. Arroyo na nagdedeklara ng martial law sa Maguindanao noong 2009. Bagaman ang petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng idineklarang martial law ni Mrs. Arroyo ay nangyari noong 2009, nakakatawang isiping nag­labas lamang ng desisyon ang SC nitong Marso 2012 na nagbabasura rin sa petisyon dahil “moot” na ito dahil tumagal lamang ng ilang araw ang naturang batas militar. Sa halip na maghanap ng sisisihin sa mababang kredibilidad ng SC at hindi pagsunod ng ilan sa kautusan ng korte, ang dapat gawin ni Marquez -- linawin sa publiko kung anong hakbang ang gagawin ng hudikatura o mga mahistrado para maibalik ang tiwala ng publiko sa institusyon. Laging tandaan: “Bata n’yo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, April 20, 2012



Halaga ng Philhealth!
REY MARFIL


Pinayagan ng Department of Justice (DOJ) ang admi­nistrasyong Aquino na legal na gamitin ang P8.3 bilyon para sagutin nang buo ang subsidiya ng Philhealth premiums sa mahihirap na mga pasyente.

Kapuri-puri ang hakbang na ito ng DOJ para magamit ang P8.3 bilyon sa todong subsidiya ng Philhealth sa naghihikahos nating mga kababayan. Tutulungan nito ang ang programa para sa kalusugan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquin­o na makamit ang “universal health care” para sa mga Filipino.

Bahagi ang halaga ng P12-bilyong alokasyon ng Nationa­l Health Insurance Program (NHIP) para sa mga mahihirap sa ilalim ng pambansang badyet ng 2012.

Umabot sa kabuuang 3.41 milyon ang kuwalipikadong benepisyunaryong tinukoy base sa pinakabagong database mula sa National Household Targeting System for Poverty Reduction ng Department of Social Welfare and Deve­lopment (DSWD).

Alam naman nating lahat na malaking hamon ang magkaroon ng dekalidad na suporta sa kalusugan para sa mga mahihirap na Filipino lalo’t marami sa kanila ang hindi kayang maipagamot ang kanilang mga sarili.

Siguradong mapapalakas ng pamahalaan ang programa nitong matulungan ang mga mahihirap na mga pasyente na mabigyan sila ng atensiyong medikal sa tulong ng programa at desisyon ng DOJ.

Hindi lang ‘yan, nakakatuwa ring marinig ang paninindigan ng administrasyong Aquino na ibigay sa bansa ang isang ekonomiyang pakikinabangan nang husto ng mga tao, lalung-lalo na ang mga mahihirap.

Talagang tinitiyak ng pamahalaan na magkakaroon ng kontroladong inflation rate o pagtaas ng mga bilihin bilang isa sa mga nangungunang prayoridad ng administrasyon.

Sa ipinalabas na pahayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Abril 4, patuloy na bumaba ang tinatawag na “year-on-year headline inflation” nitong Marso sa 2.6 porsiyento mula sa 2.7 porsiyento nitong Pebrero.

Base sa datos, nananatiling mababa ito sa target inflation rate ng pamahalaan na tatlo hanggang limang porsiyento para sa 2012 at pinakamababa naman sapul noong Setyembre 2009.

Ipinapakita lamang ang sinseridad sa pagiging sensitibo ng pamahalaan sa sentemiyento ng publiko kaugnay sa pagmahal ng mga bilihin at patuloy na tinitiyak na hindi masyadong maaapektuhan ang publiko ng hindi magandang takbo ng ekonomiya sa buong mundo, partikular ang mga mahihirap.

***

Napag-usapan ang aksyon ng gobyerno, tama lamang ang posisyon ng gobyerno na resolbahin kung sino ang legal na may karapatan sa pinag-aagawang mga isla sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng diplomatiko, legal at mapayapang paraan na maaaring magawa ng International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS).

Nangangahulugang nananatili ang paninindigan ng pamahalaan na maayos ang gusot alinsunod sa international laws. Walang duda na ang internasyunal na proseso at mga batas na pinanindigan ng mga bansang kasapi na igagalang ang makakatulong para maayos ang problema.

Hindi tayo dapat pumasok sa isang digmaan sa isyu lalo na at mayroong mga opsiyon na maaaring maresolba ang problema sa mapayapa at legal na pamamaraan. Pinakamaina­m na landas ang pag-usap ng dalawang bansa upang makaha­nap ng solusyon na kapaki-pakinabang.

At malaking tagumpay din sa kampanya laban sa kriminalidad at pagkakaloob ng hustisya ang pagkakahuli sa bansa ng tinaguriang most wanted man sa Australia na si Brett Ronald Maston.

Binabati natin si BI Acting Commissioner Abdullah Ma­ngotara matapos madakip si Maston sa tulong ng pinagsamang operatiba ng ahensiya sa ilalim ng fugitive search unit (FSU) at Southern Police District base sa warrant of deportation na inilabas ni BI Commissioner Ricardo David Jr. Instrumental ang pamahalaan sa hakbang na litisin at papanagutin si Maston sa kanyang naging mga krimen sa Australia.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, April 18, 2012



‘Di bolero!
REY MARFIL

Nakararanas ng tatlo hanggang 10 oras na rotation brownout bawat araw ang ilang lugar sa Mindanao dahil sa kakulangan ng suplay ng enerhiya sa rehiyon. Kaya naman nagpatawag ng Energy Summit ang pamahalaan kamakailan para humanap ng panandalian at pangmatagalang solusyon sa problema.

Sa harap ng pribadong sektor at mga lokal na lider sa rehiyon na dumalo sa summit, inilatag ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino nang walang halong pambobola ang mga kailangang gawin para tuluyang masolusyon ang problema sa kakapusan ng suplay ng enerhiya.

Kilala sa pagiging matapat si PNoy kaya naman ipinaalam at sinabi niya sa harap ng publiko na kailangan ang mga bagong planta ng eherhiya sa ilalim ng pangangasiwa ng pribadong sektor. Pero ang dagdag na enerhiya’y ma­ngangahulugan din ng mas mataas na babayaran ng publiko.

Nakakalungkot lang isipin na kung minsan, ang matapat na katotohana’y sinasabotahe ng kasinungalingan ng mga taong kontra sa mungkahi na hindi nila gusto.

Sa harap ng pahayag ng Pangulo na kailangang magsakripisyo rin ang publiko sa pamamagitan ng dagdag na bayarin sa kuryente, may nagpakalat naman ng maling impormasyon na aabot daw sa P14 per kilowatt hour ang magiging dagdag na singil sa kuryente.

Ang maling impormasyo’y masyadong malayo sa nakalap na impormasyon ni PNoy na mayroon nang ilang koope­ratiba na nagbabayad ng karagdagang 50 hanggang 60 sentimos per kilowatt hour. Kaya naman kung magkakaroon ng mga bagong planta, imposibleng umabot sa P14 per kilo­watt hour aabutin ang dagdag na bayarin.

***

Napag-usapan ang kuryente, ang pagkakaroon ng mas malaking demand ng Mindanao sa enerhiya ay indikasyo­n ng pag-unlad. Dumadami ang kumpanya na nagtatayo ng negosyo sa rehiyon na nangangailangan ng kuryente -- ito’y katumbas ng dagdag na trabaho sa mga tao at dagdag na kabuhayan.

Pero habang tumataas ang demand sa eherhiya, hindi naman nadadagdagan ang mga planta ng magsusuplay ng kuryente.

Kung tutuusin, maging ang mga dati at kasalukuyang pinagkukunan ng enerhiya sa Mindanao na mga hydropowe­r na mahigit 50 taon na ang edad ay nagsisimula na ring mang­hina. Ang suplay sa kuryente sa mga hydropower ay nagmumula sa lakas ng tubig na bumabagsak sa mga talon.

Pero sa paglipas ng panahon at pagbabago ng klima sa mundo, lahat ay nagkakaroon ng katapusan. Kaya naman kailangang maghanap ng ibang paraan na maaaring magsuplay ng kuryente sa Mindanao, at malaki ang magiging papel dito ng pribadong sektor.

Gayunpaman, patuloy pa rin ang paghahanap ni PNoy ng panandiliang solusyon sa problema gaya ng paglalaan ng P2.6 bilyon para sa large-scale rehabilitation ng 59-year-old na Agus 6 hydropower plant, na nakadisenyo lamang na tumagal ng 30 taon. Kung sa usapang-kanto, daig pang matandang hukluban ang Agus 6 hydropower plant dahil nadoble ang edad.

Bukod dito, isinasailalim din sa rehabilitasyon ang Agus 2, at aayusin ang mga daluyan ng tubig para mapalakas ang agos nito papunta sa talon. Totoo ang problema sa kakula­ngan ng enerhiya sa Mindanao, na nangangailangan ng totoong solusyon kaya naman nagbigay si PNoy ng totoong sagot.

Marahil kung ibang lider ang nakaupo ngayon ay takot na ipaalam sa tao ang katotohanan, baka pagkatapos ng ginawang power summit, nanatili sa dilim ang mga dumalo nang walang malinaw na solusyon sa problema.

Sa simpleng arithmetic, hindi nambola at nagsinungaling si PNoy, hinarap ang problema at nagpakatotoo kahit unpopular sa publiko.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Tuesday, April 17, 2012


Nasaan silang maiingay?
REY MARFIL
April 16, 2012

Muling sinusubok ng bansang China ang kakayahan nating mga Filipino na ipagtanggol ang karapatan ng Pilipinas sa inaangkin nating teritorya sa bahagi ng pinag-aagawang Scarborough (Panatag) Shoal.

Matibay ang paninindigan ng pamahalaang Aquino na sakop ng ating bansa ang Panatag Shoal dahil ito ay may layo lamang 124 nautical miles mula sa pinakamalapit na base point sa lalawigan ng Zambales.

Pasok ito sa 200 nautical miles Exclusive Economic Zone ng Pilipinas at Continental Shelf, ayon na rin sa Department of Foreign Affairs.

Nakaraang linggo, tinatayang walong malalaking bangkang pangisda ng China ang nakita ng ating mga Philippine Navy surveillance plane na nakaangkla sa Panatag Shoal. Dahil dito, pinadala sa lugar ang barko ng ating navy na BRP Gregorio del Pilar para magsiyasat.

Tatlong bangka na lamang ng China ang inabutan. Bilang bahagi ng proseso, umakyat sa nabanggit na mga bangka ang mga tauhan ng navy at sinuri ang laman nito. Dito’y nakita ang tone-toneladang giant clam shells o taklobo na nanganganib nang maubos.

Bukod pa riyan, nakita rin sa mga bangka ang iba pang uri ng mga isda gaya ng mga buhay na pating, mga coral at iba pang uri ng yaman-dagat na dapat sana’y iniingatan at hinahayaang mabuhay sa karagatan.

Hindi nga natuloy ang pagkumpiska sa mga yaman-dagat na kinuha ng mga mangingisdang Tsino, at hindi rin naipatupad ang pag-aresto sa kanila dahil sa “pagsaklolo” sa kanila ng dalawang Chinese maritime surveillance ship.

Hinarang ng dalawang barkong ito ang ating BRP Gregorio de Pilar, na siyang dahilan para magkaroon ng stand-off sa Panatag Shoal. Ang latest development, nagbawas ng barko ang China.

***

Napag-usapan ang stand-off, malinaw ang direktiba ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, na resolbahin ang problemang ito sa “payapang” paraan. Bagaman masasabing higit na nakalalamang ang China sa aspetong militar, nakahanda ang ating gobyerno na ipaglaban ang ating karapatan at protektahan ang ating teritoryo bilang malayang bansa.

Ngunit sa giriang ito, hindi lamang isyu ng teritoryo ang nakasalalay. Sa natuklasang malaking bulto ng mga yamang-dagat na nasa bangkang pangisda ng China, kasama na rin dito ang usapin ng pangalalaga sa kalikasan.

Dapat tandaan na walong malalaking bangkang pangisda ang unang nakita sa Panatag Shoal pero tatlo na lamang ang inabutan. Anong malay natin kung ano at gaano karami rin ng mga higanteng taklobo at mga coral at isda ang natangay nila mula sa karagatan na sakop ng ating bansa

Habang tayong mga Pilipino’y nagpapakahirap na paramihin ang mga higanteng taklobo para hindi sila tuluyang mawala sa mundo, nakakalungkot isipin na walang habas na kinukuha ng mga mangingisdang Tsino’y ang laman-dagat sa karagatang hindi naman nila saklaw.

Ngunit ang ipinagtataka ni Mang Romy, bakit walang mga environmentalist group at maging ang mga militanteng mahilig mag-ingay sa kalye ang nagpoprotesta sa kalsada o kahit sa embahada ng Tsina para punahin at batikusin ang hindi lang panghihimasok sa ating teritoryo, kundi maging ang panggagahasa sa ating yaman-dagat?

Ngayo’y hindi na kailangan ng pamahalaang Aquino ang humingi ng suporta sa mga Pilipino na ipaglaban ang ating teritoryo bilang malayang bansa, at ipaglaban ang ating kampanya sa pangangalaga ng kalikasan.

Katulad ni Mang Romy, ang malaking katanungan din ng mga kurimaw: nasaan ang grupong nagpa-planking sa Mendiola at nakikipagpantintero sa mga pulis sa embahada ng Amerika?

Isang malaking kalokohan kung ang isyung ito’y gagamitin ng mga kritiko laban sa ating gobyerno samantalang mananahimik sila sa ginagawa ng mga Tsino.

Hindi masama na paminsan-minsa’y buhayin natin ang pagmamahal sa ating Inang Bayan at Inang Kalikasan, maliban kung kinalimutan ang mga aral ni Gat Jose Rizal at kasing-amoy na ngayon ng lamang-dagat ang karamihan?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)