Monday, June 16, 2014

Mga tagapagmana ng kalayaan



                                                          Mga tagapagmana ng kalayaan  
                                                                         REY MARFIL

May nabubuhay pa kayang Pinoy na ang edad ay higit sa 116? Kung wala na, tayo na talaga ang henerasyon ng mga Pilipino na tagapagmana ng kalayaan na ipinaglaban at ipinagbuwis ng buhay ng ating mga dakilang bayani, mga kawal at mga makabayang kababayan.

Sa internet, lumilitaw na 111-anyos ang edad ng nabuhay na pinakamatandang beterano ng ikalawang pandaigdigang digmaan. Ang iba naman ay may edad na 106 at 104 na kapwa rin WWII veterans, panahon ng pakikidigma ng Pilipinas sa Japan.

Pero wala na yatang nabubuhay na beterano na nakidigma sa mga Kastila o Amerikano, o kahit man lang isinilang nang mga panahon na iyon para maikuwento ang mga naalaala niya sa kabanata ng ating bayan na hindi pa malaya sa kamay ng dayuhan. Panahon na de-numero ang galaw ng mga Pilipino at walang pagkakakilanlan bilang isang nasyon.

Ngunit ang lahat ng iyon ay 116-taon na ang nakararaan. Salamat sa ating mga ninuno na hindi nawalan ng pag-asa at patuloy na ipinaglaban ang kalayaan ng Pilipinas -- sa marahas man o mapayapang paraan. Ngayon, tayo’y bansang malaya na, at kilala sa buong mundo bilang mga Pilipino.

Kung wala na ang mga ninuno natin na nakipaglaban noon sa mga Kastila at Amerikano, nandiyan pa ang mga beterano nating nakatatanda at mga sibilyan na nakipaglaban sa mga Hapon noong WWII.
Pero tiyak na iilan na lamang sila. At habang sila’y nabubuhay pa, dapat ipakita natin ang pasasalamat sa kanilang kabayanihan.

Mahalaga rin na maitala ang kanilang mga kuwento sa mga pangyayari upang mabigyan tayong mga tagapagmana ng kalayaan ng sapat na kaalaman sa kanilang kasaysa­yan; tungkol sa mga hirap na kanilang pinagdaanan sa panahon ng digmaan, mga karahasan na nasaksihan, at pati ­siyempre ang kanilang tagumpay.

Paglingon ito sa nakaraan at magagamit ng ating mga lider ang mga kuwento nila bilang gabay ng kanilang mga desisyon sa hinaharap.

***

Tayong mga nabubuhay ngayon at masasabing tagapagmana ng kalayaan, obligasyon naman natin na hindi lang pangalagaan ang ating kasarinlan, kundi pagyabungin din ito. Ito’y sa paraan ng pagiging mabuting mamamayan, at tagapagbantay laban sa mga opisyal na gumagawa ng katiwalian at nagsasamantala sa tinatamasa nating kalayaan.

Hindi naman porke’t malaya na tayo ay malaya na ring makakapagbulsa ng pondo ng bayan ang ilang tiwaling namumuno sa ating bayan. Sabi nga ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa kanyang talumpati sa Independence Day celebration sa Naga City, “Mulat po ang lahat: Hindi nangyari sa isang tulugan lang ang katuparan ng mithiin ng ating mga bayani.

“Bunga ito ng pagbangon mula sa kabiguan at pagsubok, at ng sakripisyo at pag-aambagan ng napakaraming tao, na pinagbuklod ng nag-iisang layunin: Ang mabuhay nang marangal at malaya sa pang-aapi.”

Kaya naman ang pagbabantay sa ating kalayaan ay hindi lang dapat tingnan sa aspeto ng mga dayuhang nahahalina sa ating bayan; dapat ding maging mapagmatyag sa mga kapwa nating Pilipino na magiging banta sa ating demokrasya. Kung walang demokrasya, walang kalayaan.

Sa panahong ito ng kalayaan, ang tinig natin at kapangyarihang maghalal ng mga lider ang sandata natin laban sa mga magiging banta sa demokrasya at kaunlaran ng ating bayan. Tungkulin at obligasyon natin iyan sa ating mga ninuno bilang mga tagapagmana ng ipinaglaban nilang kalayaan.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, June 13, 2014

Makabuluhang paggamit


                                                               Makabuluhang paggamit  
                                                                        Rey Marfil


Isang lalaki ang nadakip kamakailan ng mga awtoridad sa Maynila dahil sa reklamong pamboboso sa mga babae. Ang taktika ng lalaki, kukunan ng larawan o video ang kanyang biktima sa ilalim ng palda gamit ang cellphone camera at ia-upload pa niya sa internet. Isa itong klasikong halimbawa ng walang kwentang paggamit ng modernong teknolohiya.

Nakakalungkot na ang teknolohiyang magagamit sa mabuting paraan ay kinasangkapan sa kasamaan ng ilang indibidwal na baliko ang pag-iisip. Batay sa lumabas na mga ulat tungkol sa lalaki, nakursunadahan lang daw niya ang paninilip gamit ang cellphone dala na rin ng pagiging mahilig niya sa pornograpiya.

Aba’y mabuti na lamang at nasakote kaagad ang lalaking ito at baka mas malala pa ang gawin sa susunod lalo pa’t nasa edad 20’s pa lamang siya. Kaya naman dapat lang na nagkaroon na tayo ng batas na Anti-Voyeurism Law kung saan puwedeng mapanagot sa batas ang mga katulad ng lalaking ito na ginagamit ang modernong teknolohiya sa kabalbalan.

Pero kung may mga taong nakakaisip ng kalokohan gamit ang modernong teknolohiya, marami rin naman ang matitinong tao na nagpapagod at nagsusunog ng kilay at pilik-mata para makalikha ng kapaki-pakinabang na bagay gamit ang mga modernong teknolohiya.

Gaya na lang ng Project: Moses o Monitoring and Operating System for Emergency Services ng Department of Science and Technology (DOST), na nagla­layong magamit ng lokal na pamahalaan ang computer tablet, software at internet bilang panlaban sa banta ng kalamidad tulad ng panahon ng tag-ulan.

Bilang pagtugon na rin sa direktiba ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na lumikha ng mga programa at proyekto na makapagliligtas sa buhay at ari-arian ng mga mamamayan, nag-isip at lumikha ang masisipag at matatalinong tauhan ng DOST ng software application na makatutulong sa mga lokal na opisyal na mabigyan sila ng babala at paunang kaalaman sa posibleng nakaambang kalamidad katulad ng maaaring idulot ng malakas na ulan.

Batid ng administrasyon Aquino na lantad ang Pilipinas sa mga kalamidad tulad ng lindol at pagbaha kaya naman iniutos niya ang paggawa ng mga programa at proyekto na makatutulong na magsasalba ng buhay.

***

At bago ang paglabas ng MOSES, nauna nang na­gawa ng DOST ang Project: NOAH o Nationwide Ope­rational Assessment of Hazards, na may kaugnayan naman sa paggamit din ng modernong teknolohiya upang matukoy ang mga lugar na peligroso sa mga kalamidad tulad ng pagguho ng lupa o flashflood.

Sa pamamagitan ng NOAH, natutukoy na ang mga lugar na hindi dapat tayuan ng mga bahay o istruktura, o mga lugar na mayroon nang nakatira at kailangang ilikas para mailayo sa kapahamakan. Kung dati ay puro lamang plano ang kanilang proyekto, ngayon ay nagkaroon na ito ng katuparan sa ilalim ng pamahalaang Aquino.

At kamakailan nga lang ay napili ng DOST ang lungsod ng Marikina na maging pilot testing area ng MOSES. Maganda ang pagkakapili sa Marikina dahil isa ito sa mga lugar sa Metro Manila na madalas malubog sa baha kapag may malakas na ulan.

Ipinamahagi ng DOST ang tinatawag na mga MOSES tablet sa ilang lider ng barangay para masuri ang bisa ng proyekto ngayong papalapit na ang panahon ng tag-ulan.

Hangad natin ang tagumpay ng ganitong mga hakba­ngin gamit ang modernong teknolohiya para maka­sagip ng mga buhay, at hindi iyong mga taong walang ma­gawa sa buhay at mamiminsala ng buhay ng iba. La­ging tanda­an: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mga­kurimaw.blogspot.com)

Wednesday, June 11, 2014

Protesta, mas maingay sa bomba


                                                        Protesta, mas maingay sa bomba                                                                     REY MARFIL


Ngayong linggo na ang selebrasyon ng Araw ng Kasarinlan o Independence Day ng Pilipinas. Kaya naman buhay na buhay ang pagiging makabayan ng ating mga kababayan lalo na ngayong mainit ang usapin sa ginagawang pambabarako ng China sa West Philippine Sea.

Dahil sa mga ulat na tila lalong nagiging agresibo ang China sa pag-angkin sa malaking bahagi ng WPS na tinatawag nilang South China Sea -- lalo na ang pag­lalagay ng oil rig sa bahaging inaangkin ng Vietnam -- marami sa mga kababayan natin ang gustong makakita ng pag-aksyon ng pamahalaang Aquino para kontrahin ang ginagawa ng China.

Pero ang aksiyon na tila nais na makita ng ilan na­ting kababayan ay direktang komprontasyon na tiyak na lalong magpapaypay ng apoy sa umiinit na tensyon sa rehiyong Asya. Bukod kasi sa Pilipinas at Vietnam, tumitindi na rin ang girian ng China at Japan dahil sa Senkaku islands sa East China Sea.

Kung tutuusin, matagal nang kumilos ang pamahalaang Aquino sa usaping ito ng pambabarako ng China. Hindi nga lang sa paraan na magdudulot ng pisikal na komprontasyon kundi sa paraang legal, makatwiran, at nararapat bilang isang bansa na kasapi ng nagkakaisang nasyon o United Nations (UN), kung saan kabilang din ang China.

Ngayon ay umuusad na ang isinampang reklamo ng Pilipinas laban sa ginagawa ng China sa Permanent Court of Arbitration na kinikilala mismo ng UN. Inatasan ng international court ang China na sagutin ang ating reklamo hanggang Disyembre 15.

Bagaman nagpahayag ang China na matigas ang kanilang posisyon na iisnabin ang petisyon natin sa UN, at nais nilang mag-one-on-one ang pag-uusap ng China at Pilipinas; ang tanong, sino ang magmumukhang wala sa lugar sa paningin ng mundo dahil sa kanilang desisyon?

***

Kamakailan lang ay nagpalabas na ng pahayag ang maimpluwensyang grupo ng pitong industrialized nations na tinatawag na G-7, kaugnay sa nangyayaring tensyon sa East at South China Sea.

Inihayag din ng mga lider ng G-7 na tutol sila sa anumang paggamit ng puwersa, panggigipit at dahas sa pag-angkin sa mga pinag-aagawang teritoryo. Nais nilang maresolba ang sigalot sa mapayapang paraan at naayon sa pandaigdigang batas.

Maging ang bansang Amerika at Australia ay nagbabala sa China sa ginagawang aksyon sa pinag-aaga­wang mga teritoryo na nagdudulot ng tensyon sa rehiyon.

Kahit pa may mga panibagong impormasyon tungkol sa pagkilos ng China sa pinag-aagawang teritoryo sa karagatan, asahan na may ginagawang hakbang sa mapayapang paraan ang gobyerno ng Pilipinas para ipahayag at ipakita ang pagkontra nating mga Pilipino.

Ang mapayapang protesta na ginagawa ng Pilipinas laban sa pambabarako ng China ay higit pa ang epekto sa maingay na putok ng bomba dahil naipararating natin sa buong mundo kung anong uri ng liderato mayroon ang China.

Kung hindi man iniintindi at dinededma lang ng China ang ating mga diplomatikong protesta, problema na nila iyon. Darating ang panahon na kailangan nilang ipaliwanag sa mundo at marahil sa kanilang mga kababayan ang kanilang mga ginagawa ngayon.

May kasabihan na puwede namang malutas sa mabuting usapan ang mga hindi pagkakaunawaan. Kung mayroon mang gagamit ng puwersa at dahas sa pinagtatalunang mga teritoryo, hayaan nating hindi ito manggaling sa atin.

Pero tiyak na hindi magbubulag-bulagan ang pamahalaan ng Pilipinas at maging ang mundo kapag may dugong humalo sa dagat dahil lamang sa pansariling interes ng isang bansa.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, June 9, 2014

Malalaking imprastraktura


                                                              Malalaking imprastraktura  
                                                                   REY MARFIL

Asahan na natin ang karagdagang trabaho para sa mga Filipino matapos aprubahan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang siyam na malalaking mga proyektong imprastraktura, transportasyon, suplay ng tubig, at pangangalaga sa kalusugan na nagkakahalaga ng P62.3 bilyon.

Inaprubahan ang mga proyekto ng National Economic Development Authority (NEDA) Board na pinamumunuan ni PNoy. At asahan nating magdudulot ng kaginhawahan ang mga proyekto na magkakaloob ng serbisyo sa maraming mga tao.

Kabilang sa inaprubahan ang P18.7 bilyong Kaliwa Dam project at P5.8 bilyong Angat Dam water transmission project na titiyak sa sapat na suplay ng tubig sa Metro Manila.

Sa ilalim ng Kaliwa Dam project, itatayo ang isang dam na lilikha ng arawang 600 milyong litrong tubig kung saan may kakayahan ang water conveyance tunnel na saluhin ang dadaloy na arawang 2,400 milyong litro ng tubig bilang paghahanda sa konstruksiyon ng Laiban Dam.

Sasakupin ng proyekto ang bahagi ng mga munisipalidad ng Tanay, Antipolo, at Teresa sa lalawigan ng Rizal at mga bayan ng General Nakar at Infanta sa Quezon.

Ipatutupad ang proyekto sa pamamagitan ng public-private partnership (PPP) at sa ilalim ng build-lease-and-transfer (BLT) scheme.

Sa Angat Dam water transmission project naman na gagastusan ng $60 milyon mula sa hihiraming salapi sa Asian Development Bank (ADB), layunin nitong pagbutihin ang kakayahan at seguridad ng Angat raw water transmission system sa pamamagitan ng rehabilitasyon ng mga koneksiyon mula Ipo Dam patungong La Mesa treatment plant.

Binigyan na rin ng basbas ng NEDA Board ang pag­linang ng local water districts sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga proyekto ng Local Water Utilities Administration (LWUA).

Inaasahang bubuti ang pasilidad at serbisyo ng 60 lokal na water districts sa buong bansa sa pamamagitan ng mga proyektong ito. Kabilang sa makikinabang ang Koronadal City, San Fernando City, Pampanga at 15 water districts sa Bulacan.

Inaprubahan rin ang National Irrigation Administration (NIA) Malinao Dam improvement project sa Bohol na nagkakahalaga ng P653 milyon upang dumoble ang naiipong tubig sa dam para sa pangangailangan sa irigasyon ng Bohol Integrated Irrigation System.

Inayunan rin ng Pangulo ang implementasyon ng P10.6-bilyong Cebu bus rapid transit project na matatapos sa 2017 upang mabigyan ng solusyon ang mga problema sa transportasyon sa Cebu.

Ipatutupad ang programa sa tulong ng hihiraming pera sa Agence Francaise de Development (AFD) at International Bank for Reconstruction and Development-World Bank.

Maglalaan rin ang administrasyong Aquino ng P4.1 bilyon upang mapabuti ang runway at maging moderno ang pasilidad sa paliparan ng Busuanga sa Palawan. Asahan nating lalong bubuti ang turismo sa Palawan sa programang ito lalo’t 47 porsiyento ang average na taunang inilalaki ng mga bumibiyahe sa Busuanga at Coron.

Kabilang rin sa inaprubahan ang implementasyon ng LRT 2 operations and maintenance project na nagkakahalaga ng P16.5 bilyon upang mapalaki ang bilang ng mga mananakay at mapabuti ang serbisyo.

Kasama rin sa ipatutupad ang P1.2 bilyong Laoag airport road link project na magkakaloob ng mas mabilis na biyahe patungong Laoag International Airport at Currimao port sa Ilocos Norte upang lalong bumuti ang negosyo at turismo doon.

Popondohan ang programa sa pamamagitan ng taunang badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Papalawakin rin at gagawing moderno ang Jose Fabella Memorial Hospital, pinakamalaking maternity care at birthing facility sa bansa, upang mapalaki ang kapa­sidad mula sa 447 kama patungong 800 na gagastusan ng P2 bilyon sa tulong ng pondo ng Department of Health (DOH).

***

Hindi dapat mainip ang kinauukulan sa pagsusumite ng MalacaƱang ng Bangsa­moro Basic Law (BBL) sa Kongreso. Nais lamang tiyakin ni PNoy na tumutugon ito sa mga probisyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).

Sinisiguro rin ni Pangulong Aquino na makakapasa ang panukalang batas sa Konstitusyon upang masiguro ang wagas na kapayapaan sa Mindanao.

Inaasahan kasi talaga ng pamahalaan na mayroong ilang grupong ku­kuwestyon sa legalidad ng panukalang batas sa Supreme Court (SC) kahit sabihin nating hindi naman sila kumokontra sa usapang-pangkapayapaan sa pangkalahatan.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, June 6, 2014

Kalma lang tayo







                                                                   Kalma lang tayo  
                                                                   REY MARFIL

Sumiklab na ang kaguluhan sa ilang bahagi ng Vietnam nitong mga nagdaang araw na sinasabing “protesta” laban sa China kaugnay ng paglalagay nito ng deep-sea oil rig sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine o South China Sea.

Kung sa umpisa ay bombahan lang ng tubig at banggaan ng mga barko ang komprontasyon ng China at Vietnam, kamakailan ay iniulat na na may mga nasawi at nasaktan sa naganap na mga protest riot sa lalawigan ng Ha Tinh sa Vietnam na sinasabing mga Chinese na nandoon ang target.

Dahil sa nangyayaring karahasan laban sa mga Chinese na pinaniniwalaang nag-ugat sa paglalagay ng oil rig ng China sa karagatang inaangkin ng Vietnam, at insidente ng sadyang pagbangga ng Chinese boat sa mga Vietnamese vessel -- maraming Tsino na ang umalis ng Vietnam para makaiwas sa galit ng mga tao doon.

Sa mga lumabas na ulat, sinabing may mga karahasan ding naitala sa industrial zone sa lalawigan ng Bohn Duong at Dong Nai sa Vietnam. Mahigit 400 kompanya raw sa lugar ang napinsala sa nangyaring kaguluhan.

Ang nakakalungkot dito, kung tutuusin ay wala namang kinalaman ang mga Chinese na nasa Vietnam sa ginagawang pambabarako ng kanilang gobyerno sa West Philippine o South China Sea.

Malamang na nandoon sila sa Vietnam para maghanapbuhay. Pero ngayon ay mapipilitan silang iwan ang kanilang pinagkakakitaan at malalagay na sa peligro ang kanilang kinabukasan.

Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng komprontasyon ang dalawang nabanggit na bansa. Noong 1979 ay nagbakbakan na sila dahil sa usapin ng agawan sa hangganan ng teritoryo sa kalupaan o boarder issue.

Muli silang nagbakbakan noong 1988 sa pag-angkin sa John South reef (na tinatawag nating Mabini reef) na bahagi ng West Philippine o South China Sea. Nasa 64 sundalo ng Vietnam ang nasawi sa komprontasyon nila sa China dahil sa pagpapatrolya sa nasabing reef noon.

Kasama ang ating bansang Pilipinas sa mga umaangkin sa John South reef o Mabini reef dahil pasok ito sa 200 nautical mile exclusive economic zone ng ating teritoryo. Ang kaso, kung naglalagay ang China ng oil rig sa bahaging pinapalagay ng Vietnam, pinakialaman at nagsasagawa naman ng reclamation o pinapalaki naman ng China ang Mabini reef.

***

Batay sa mga kuha ng larawan na nakuha ng Department of Foreign Affairs (DFA), tila naglalagay pa ngayon ng airstrip o lapagan at liparan ng eroplano sa Mabini reef. In short, talagang inangkin na ng China ang nabanggit na lugar at binalewala na ang nilagdaan nilang Declaration of Code of Conduct Of Parties in the South China Sea (DOC).

Ano ba ang DOC? Kasunduan ito ng mga bansang may inaangking bahagi sa West Philippine o South China Sea na pinirmahan noong 2002. Kasama sa mga pumirma ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Brunei at China. Layunin ng kasunduan na walang sinoman sa mga bansang ito ang gagawa ng hakbang sa pinag-aagawang bahagi ng karagatan para maiwasan na magkaroon ng tensiyon sa rehiyon.

Pero sa nangyayari ngayon, sino ang lumabag sa kasunduan at nagpapainit ng tensiyon sa rehiyon?

Sa harap ng nangyayaring protesta ng mga Vietnamese laban sa China, nagpahayag naman ang pamahalaang Aquino na itutuloy ang posisyon nito na resolbahin sa mapayapang paraan ang usapin nito sa China sa pamamagitan ng idinulog na protesta ng Pilipinas sa United Nations.

Tiyak na marami sa ating mga kababayang Pinoy ang gigil na sa ginagawa ng China at humahanga sa ginagawang protesta ng Vietnam. Pero manatili lamang tayong kalmado at hintayin nating pairalin ng mundo sa pamamagitan ng UN ang iginagalang nating “rule of law”.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, June 4, 2014

Positibong pananaw sa silid-aralan



                                                        Positibong pananaw sa silid-aralan  
                                                                       Rey Marfil

Pasukan na naman. At gaya ng mga nagdaang taon, kaliwa’t kanang mga problema ang nagsusulputan, gaya na lamang ng mga kakulangan sa mga silid-aralan. Pero problema lang ba talaga ang dulot nito o may positibong epekto na hindi lang masyadong napapansin?

Bago manalasa noong Nobyembre 2013 ang super-­typhoon na si ‘Yolanda’, naibalita na ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino at ng Department of Education na na­tugunan na ng pamahalaan ang malaking kakulangan sa mga silid-­aralan na ipinamana ng pinalitan niyang administrasyon.

Dahil sa maayos na paggastos sa pondo ng bayan bu­nga ng platapormang “daang matuwid”, nakapaglaan ng sapat na pondo ang pamahalaang Aquino para mabura ang 66,800 classroom backlog na iniwan umano ng nakaraang administrasyon.

Pero ngayong pasukan, muling bumandera ang balita sa kakulangan ng mga classroom sa mga pampublikong pa­aralan sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Pero kung tutuusin, hindi kapabayaan ng pamahalaang Aquino ang dahilan ng problema sa kakulangan ng mga silid-aralan nga­yong pasukan.

Maliban kasi sa mga paaralan sa elementarya, may ka­kulangan din ng silid-aralan sa mga sekondarya o high school, pati na sa mga kolehiyo partikular sa mga state universities. Ang dahilan ng problemang ito, epekto ng pinsala ni Yolanda sa mga winasiwas sa mga lalawigan, giniba ng lindol sa Cebu at Bohol, at doon sa mga hindi tinamaan ng kalamidad, ang patuloy na paglobo ng populasyon.

Ang isyu ng pagdami ng mga ipinapanganak ang isa sa mga dahilan kaya sinuportahan ng pamahalaan ang Re­productive Health Law -- para sa responsableng pagpa­pamilya.

Ngunit maliban sa isyu ng paglobo ng populasyon, ang isa marahil sa mga dahilan ng kakulangan ng silid-aralan ay ang pagdami ng mga kabataan na nais mag-aral at ma­tuto sa paaralan sa halip na maging laman ng kalye. Hindi ba ma­gandang pananaw ito?

***

Wala pang sapat na pag-aaralan pero magandang ma­laman sana kung patuloy na dumadami ang ating mga ka­bataan na nais mag-aral, o kaya naman ay mas marami ang mga magulang na nais na nasa eskwelahan ang kanilang mga anak.

Hindi gaya noon na napipilitan ang mga magulang pa­tigilin sa pag-aaral ang kanilang mga anak dahil sa ka­hirapan o kaya naman naoobliga ang mga anak na tumigil sa pag-aaral para makatulong sa paghahanapbuhay.

Maganda rin sigurong magkaroon ng pag-aaral at ma­laman kung ang pagdami ng mga kabataan na nais na mag-aral at manatili sa mga paaralan ay epekto, o dulot ng progra­mang pantawid pamilya program ng pamahalaan.

Umpisa pa lang naman kasi ng pamamahala ni PNoy, naging malinaw na ang hangarin niya na maglaan ng puhunan sa edukasyon at karunungan ng mga bata. Pangunahin at nananatiling may pinakamalaking bahagi ng taunang budget ng pamahalaang Aquino ang edukasyon, at mana­natili ito -- hindi lang dahil sa itinatakda ito ng batas kundi sadyang nais ni PNoy na maingat ang kalidad ng edukasyon ng bansa at makapag-aral ang lahat ng kabataang Pinoy.

Isang patunay dito ang pagpapalabas ng karagdagang P7.3 bilyon sa Department of Public Works and Highways para sa pagpapagawa ng karagdagan pang mga silid-­aralan sa e­lementarya at high school sa buong bansa. Ang pondo ay bahagi ng Department of Education para sa pagta­taya ng 7,136 classrooms (5,916 silid-­aralan para sa elementary schools at 1,220 sa high school) sa 4,007 iba’t ibang lugar sa bansa.

Bukod pa diyan, iniutos din ni PNoy ang pagpapalabas ng karagdagang P1 bilyon para naman sa pagpapagawa at pagkumpuni ng state universities and colleges (SUCs) na umaabot sa 35 na napinsala rin ng mga kalamidad.

Patunay ito na sa kabila ng mga ingay sa pulitika at iba’t ibang usapin na kinakaharap ng pamahalaan ay hindi naka­kalimutan at napapabayaan ng administrasyong Aquino ang kahalagahan ng edukasyon para sa mga kabataan na pag-asa ng bayan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, June 2, 2014

Dama ka pa rin ‘Yolanda’


                                                             Dama ka pa rin ‘Yolanda 
                                                                         Rey Marfil


Nakalulungkot ang trahedyang sinapit ng isang pamilyang naninirahan sa tolda o “tent city” sa Tacloban City na nasawi ang pitong miyembro ng pamilya dahil sa sunog. Pero sa halip na maghanap ng masisisi, mas makabubuting humanap ng paraan upang mapabilis ang pagtatayo ng mga permanenteng bahay para sa mga nakaligtas sa delubyong hatid ni ‘Yolanda’.

Lumilitaw sa mga naglabasang ulat na na­paba­yaang gasera na may sindi ang pinagmulan ng sunog sa tent city na kumitil sa buhay ng isang ina at anim niyang anak. Masaklap na pangyayari ito dahil nakaligtas sila sa tubig na dala ni ‘Yolanda’ noong Nobyembre pero hindi sa apoy pagkalipas ng may pitong buwan.

Pero magiging dagdag na trahedya sa mga biktima ni ‘Yolanda’ kung gagamitin pa ang nangyaring insidente sa pamumulitika para maghanap lang ng masisisi o masisiraan. Hindi kaya maiwasan ng ilang malikhaing mag-isip na manggatong at palabasin na may nanadya o nanabotahe sa nangyari?

Ang iba naman, agad na nakaturo ang sisi sa gobyerno sa katwirang hindi raw sana naganap ang trahedya kung nakapagpatayo na ng mga sapat na bunkhouse na paglilipatan ng mga evacuee sa Leyte. Pero sabi nga natin, hindi maganda na maghanap pa ng masisisi sa nangyaring sunog.

Dahil kung maghahahanap talaga tayo ng masisisi, ang dapat sisihin ay si ‘Yolanda’, na puminsala sa mga bahay at kabuhayan ng napakarami nating kababayan. Pero hindi nga dapat ganu’n, kailangan nating mag-move on, magtuloy ang buhay.

Naipaliwanag na dati ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na nakatalagang tumutok sa rehabilitasyon ng mga lugar na napinsala ng bagyo ang mga dahilan kung bakit may mga lugar na kulang pa ang mga itinayong pansamantalang tirahan ng mga evacuees.

Isang pangunahing dahilan dito ay ang paghahanap ng maayos at ligtas na lugar na matitirhan ng mga tao para makapagsimulang muli ng kanilang buhay. Sa dami ng mga naging biktima, malaking lupain ang kakailanganin.

Bukod diyan, hindi pa kumpleto ang master plan sa rehabilitasyon kung saan kasama rin ang iba pang aspeto ng suporta sa mga evacuee tulad ng kanilang magiging kabuhayan.

***

Kung tutuusin, hindi lang sa mga apektadong lugar ramdam pa rin ang epekto ni ‘Yolanda’. Maging sa ating ekonomiya ay dama pa rin ang epekto ng bagyo na naging dahilan kung bakit nasa 5.6 percent lang -- hindi gaya ng inaasahang 6.4 percent -- ang naitalang paglago ng ating ekonomiya sa unang bahagi ng 2014.

Pero kahit mas mababa ang iniangat ng ating gross domestic product kaysa sa inaasahan, kabilang pa rin naman ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na may masiglang ekonomiya. Pangatlo ang Pilipinas na may pinakamasigla kasunod ng China at Malaysia.

Isipin na lang natin kung hindi dumaan sa buhay natin si ‘Yolanda’, hindi ba’t sana’y hayahay ang buhay at ekonomiya ng bansa. Pero halos nasa kalagitnaan pa lang naman tayo ng taon at inaasahan na makakabawi pa rin ang ating ekonomiya para maabot ang full-year growth na 6.5 hanggang 7.5 percent.

Sana lang ay walang bagong ‘Yolanda’ o malakas na lindol o ano pa mang matinding kalamidad na mananalasa sa ating bansa ngayong taon para naman matutukan ng husto ng pamahalaan ang mga proyekto at programa na nakaplano upang maibangon ang ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong.

Pero habang hindi pa lubos na naipatutupad ang mga proyekto para sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ni ‘Yolanda’, kailangang ipatupad ang iba­yong pag-iingat at pag-alalay ng mga lokal na opisyal sa ating mga kababayan na wala pang permanenteng matitirhan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)