Monday, February 17, 2014

Ehemplo




Ehemplo
Rey Marfil


Patuloy na ipinapakita ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang isang lider sa konteksto ng pagiging magandang halimbawa nang personal na mag-renew ng kanyang driver’s license noong naka­lipas na Pebrero 6 o dalawang araw bago ang kanyang ika-54 na kaarawan.

Personal na nagtungo ang Pangulo sa Land Transportation Office (LTO) sa Tayuman, Manila katulad ng ginagawa ng ordinaryong mga tao tuwing kumukuha ng lisensiya.

Kagaya ng ibang mga aplikante, matiyagang pumila si PNoy sa kabila ng kanyang napakahigpit na mga iskedyul para ipakita ang kanyang sense­ridad na isulong ang promosyon ng pagkakapantay-pantay.

Matatandaang ibinasura ni PNoy ang tinatawag na wangwang mentality sapul noong manungkulan sa kapangyarihan noong 2010.

Sa katunayan, maraming aplikante ang natuwa at nasorpresa nang makita ang Pangulo na nakapila habang hinihintay na matawag ang kanyang pa­ngalan kung saan bumati ang mga nakasabay habang nagpakuha naman ng larawan ang iba.

Ito ang katulad na lider na kailangan ng bansa upang lalong maisulong ang promosyon ng mga reporma sa Pilipinas.

***

Panibagong magandang balita ang deklarasyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA) na nakamit nito ang 97-porsiyentong “rice self-sufficiency” o sapat na suplay ng bigas noong nakalipas na taon.

Patunay na hindi tinatalikuran ng pamahalaan ang pag-abandona sa magandang programa na ma­ging sapat na ang produksiyon ng bigas sa bansa para sa pangangailangan ng mga Filipino.

Isa ang bigas sa pangunahing pagkain sa bansa at hindi natin makakamit ang sapat na suplay ng pagkain sa buong Pilipinas kung hindi magiging eksakto para sa mga Filipino ang suplay ng bigas.

Nakatutok din ang DA sa promosyon at produksiyon ng tinatawag na high value crops na mayroong potensiyal sa pandaigdigang merkado katulad ng saging at pinya.

Nasa likod din ang DA sa pagyayaman sa produksiyon ng organikong mga prutas katulad ng dra­gon fruit.

Bahagi naman ang mga ito ng mga reporma sa ilalim ng matuwid na daan na kampanya ni Pangulong Aquino.

 Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, February 14, 2014

Ang kay Juan ay kay Juan!


                                                          
                                                             Ang kay Juan ay kay Juan!
                                                                        Rey Marfil

Magandang inspirasyon ang resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) na nagpapakita na suportado ng mga Pilipino ang legal na pakikipaglaban ng pamahalaan ng Pilipinas kontra sa China kaugnay sa mga teritor­yo sa West Philippine Sea o South China Sea.

Sa naturang survey na kinomisyon ng pamahalaan, lumitaw na 81% ng 1,550 katao na tinanong noong Dis­yembre 11-16, ang nagpahayag ng suporta na ipaglaban sa legal na paraan ang mga teritoryo ng Pilipinas na ina­angkin ng China.

Matatandaan na idinulog ng pamahalaan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa International Arbitration Tribunal sa United Nation ang usapin sa ginagawang pagsakop ng China sa ilang teritoryo ng Pilipinas.
Isang halimbawa nito ang ginawang mapa ng China na 9-dash line na sumakop sa malaking bahagi ng West Philippines Sea na pinaniniwalaang mayaman sa mine­ral gaya ng mga natural gas.

Dahil sa resulta ng survey, tiyak na magbibigay ins­pirasyon ito sa pamahalaang Aquino at sa Department of Foreign Affairs na nangunguna sa hakbangin nang kuwestiyunin ang pambabarakong ginagawa ng China sa pamamagitan ng kanilang puwersang militar.

Matatag ang posisyon ng Pilipinas na ipaglaban ang mga teritoryo ni Juan sa West Philippine Sea dahil suportado tayo ng mga dokumento at ng mga pandaigdigang panuntunan. At ang mga basehang ito ang dahilan kaya ma­lakas ang loob ng gobyerno ni Juan na idulog ang usapin sa UN at inaasahan nating kikilingan ng mundo kung ano ang tama at hindi kung ano ang gusto ng naghahari-harian.

Kung ano kasi ang ingay ng China na ibalandra ang kanilang puwersang militar, tila bahag naman ang buntot nila na dalhin sa UN ang kanilang katibayan na magpapatunay na teritoryo nila ang halos buong West Philippine Sea.

Hindi porke nakilala sa kasaysayan ang bahagi ng karagatan na South China Sea ay nangangahulugan na sa kanila na nga iyon!

Ibig din bang sabihin na lahat ng nakilalang China Town sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay mangangahulugan na pag-aari rin ng China? I don’t think so.

***

Tama lang ang ginawang pagpapaala ni PNoy sa nangyari sa Sudentenland ng Czechoslovakia na pinabayaan ng mundo na masakop ng Nazi Germany noong 1938. Isang mapait na bahagi ng kasaysayan ng mundo na hindi na dapat maulit; na ang isang naghahari-harian na bansa ay basta na lang mang-aangkin ng teritoryo ng may teritoryo.

Sino nga ba ang nakakaalam ng susunod na hakbang ng China kapag pinayagan ng mundo na angkinin ang buong West Philippine Sea? Baka sunod nilang gawin ay ariin na rin nila ang buong Pilipinas at iba pang kalapit na maliit na bansa gaya ng Vietnam.

Kung ipinagmamalaki ng China na kasama silang luma­ban kontra sa Nazi Germany, dapat alam nila ang nangyaring pagbagsak ng dambuhalang emperyo ni Hitler na walang malaki na hindi kayang pabagsakin ng nagkakaisang bansa na tutol sa mga nang-aabuso.

Kung nagawa ng China na kumiling noon sa tama laban sa mapang-abusong Nazi empire, bakit hindi nila gamiting aral ang kasaysayan para makita nila kung ano ang tama at mali sa ginagawa nila ngayon? Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, February 12, 2014

Lumago!




                                                                     Lumago!
                                                                    Rey Marfil

Magandang balita sa pagpasok ng 2014 ang pagkilala sa Pilipinas bilang ikalawang bansa sa Asya na mayroong pinakamabilis na pag-asenso ng ekonomiya sa tulong ng matuwid na daan at malinis na pamamahala ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.

Sa huling quarter ng 2013, nakapagtala ang Pilipinas ng 6.5% paglago ng ekonomiya, dahilan upang uma­bot sa 7.2% ang gross domestic product (GDP) ng bansa sa buong 2013.

Mabuti ito dahil siguradong nakakalikha ng karagdagang mga trabaho sa iba’t ibang sektor ang patuloy na pag­lakas at paglago ng ekonomiya ng bansa.

Inihayag ang magandang balita ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, director general din ng National Economic and Development Authority (NEDA), kung saan sumegunda ang Pilipinas sa China na nakapagtala naman ng 7.7% paglago ng ekonomiya.

Malaki ang naitulong ng malinis na pamamahala ni PNoy dahil napanatiling malakas ang ekonomiya ng bansa at nalampasan ang anim hanggang pitong porsiyentong target na pag-asenso sa pagtatapos ng 2013.

Sino pa nga bang mag-aakalang kakayanin pa rin ang ganitong performance matapos bayuhin ang Pilipinas ng serye ng mga trahedya sa nakalipas na taon.

Matindi kasi ang pinsala ng lindol na tumama sa Bohol at iba pang mga lalawigan, kaguluhan sa Zamboanga City at mga bagyo, partikular ang Yolanda.

Sa taong 2014, nanatili ang posisyon ng pamahalaan, ayon kay Balisacan, na makakamit ang tinatayang 6.5% hanggang 7.5% paglago ng ekonomiya.

Nangangahulugan na patuloy na magbubunga ang matuwid na daang kampanya ni PNoy sa paglago ng ekonomiya ng bansa.

***

Bahagi ng patuloy na reporma ang desisyon ni PNoy na buwagin ang tatlong hindi pinakikinabangang go­vernment-owned and/or controlled corporations (GOCCs) kung saan dalawa sa tatlo ang nasangkot sa P10-bilyong anomalya sa paggamit ng pork barrel funds sa “ghost projects”.

Kinilala ng Governance Commission for GOCCs (GCG) ang tatlo na Philippine Forest Corp. o PFC, ZNAC Rubber Estate o ZREC, at National Agri-Business Corp. o NABCOR.

Natukoy ang PFC at ZREC na GOCCs na nasa likod ng maanomalya umanong paglalaan ng ibinasurang Prio­rity Development Assistance Fund (PDAF).

Napatunayan naman na nalulugi ang NABCOR kaya dapat na itong buwagin.

Umaksiyon ang Pangulo dahil na rin sa mga proyekto ng PFC at ZREC na ipinatupad gamit ang pekeng non-government organizations (NGOs) na konektado sa naka­bilanggong negosyanteng si Janet Lim-Napoles.

Asahan na nating iuutos pa ni PNoy ang pagbuwag sa ilan pang hindi kapaki-pakinabang na GOCCs dahil sa isyu ng pagkalugi at duplikasyon ng trabaho sa ibang mga ahensiya.

Sa ngayon, pinag-aaralan ng GCG ang posibleng pagbuwag o pagsasapribado ng Technology Resource Center and National Livelihood Development Corp.

Sa ilalim ng matuwid na daan na kampanya ni Pa­ngulong Aquino, asahan nating mabubuwag ang non-performing GOCCs para matipid ang pondo ng pamahalaan na magagamit ng mga taong nangangailangan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, February 10, 2014

May tamang lugar!

                                       
                                                                   May tamang lugar!  
                                                                     REY MARFIL


Tama ang pamahalaan sa paninindigang ipatupad ang polisiya nitong “no-build zones” sa baybaying mga komunidad na naapektuhan ng malakas na bagyong “Yolanda”.

Bagama’t nauunawaan natin ang kagustuhan ng ating mga kababayan na makabalik sa kanilang lugar, maikonsidera rin sana nila na proteksiyon ang kanilang mga buhay at mga ari-arian sakaling tumama ang isang panibagong malakas na bagyo, ang iniisip ng pamahalaan.

Hindi maaaring isakripisyo ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga residente, lalung-lalo na ang mga naninirahan sa mga baybaying lugar.

Klaro naman ang dahilan sa polisiya ng pamahalaan, kaligtasan lamang ng mga tao ang pangunahing konsiderasyon na posibleng malagay sa alanganin kung lalabagin ang no-build zone.

Sana naman itigil na ng isang grupo ng Yolanda survivors ang kanilang kahilingan na huwag ipatupad ang no-build zone policy na nais nilang mangyari ngayon o hanggang bago sumapit ang Pebrero 14.

Ipinapatupad ng pamahalaan ang no-build zone sa kahabaan ng tinatawag na “eastern seaboard” ng Eastern Visayas para matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa storm surges o biglang paglaki ng alon.

Noong nakaraang taon, sinalanta ng Yolanda ang Visayas at bahagi ng Katimugang Luzon na nagresulta sa kamatayan ng 6,200 katao -- isang malaking bangungot sa sambayanang Pilipino, maging sa buong mundo.

Ang good news lamang, sa ilalim ng pangangasiwa ni Secretary Panfilo ‘Ping’ Lacson bilang rehabilitation czar, ipinupusta ni Mang Kanor ang buong pagkatao nito na walang pondong tatagas sa konstruksyon at rehabilitasyon. Subok ang pagkatao ni Sec. Ping sa pera at kailanma’y hindi nasilaw sa pork barrel o nakipag-jamming kay Janet Napoles.

Kaya’t mahalagang suportahan natin ang mga polisiya ng pamahalaan dahil ginagawa naman ng administrasyong Aquino ang lahat ng makakaya nito upang maibalik sa normal ang paninirahan ng survivors sa lalong madaling panahon, patunay ang pagtalaga ng mga taong mapagkakatiwalaan sa pera.

***

Asahan nating gagawin lahat ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang lahat ng makakaya nito para matiyak na magiging pamana ng kanyang administrasyon ang matagumpay na usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Siyempre nakahanda rin ang pamahalaan na pakinggan ang mga sentimiyento ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), ang breakaway faction ng MILF.

Pero hindi naman tamang tumigil ang pamahalaan sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan dahil lamang sa inilulunsad na opensiba ng BIFF na nilalabanan ng puwersa ng pamahalaan.

Sa anumang magandang simulain, talagang mayroong indibidwal o grupo na kokontra sa mga adhikain kahit magdudulot ito ng kabutihan sa mas nakakarami.

Sa kabilang banda, mahalagang bilisan ng Bangsa­moro Transition Commission (BTC) ang pagbuo sa draft ng Bangsamoro Basic Law (BBL) para agaran itong matalakay sa Kongreso, maratipikahan at maipatupad kasabay ng 2016 presidential elections.

Mayroon talagang pangangailangan sa BTC na bilisan ang pagbuo sa draft BBL upang matiyak na maipapasa ito at madesisyunan ng mga tao at magkaroon ng sapat na panahon sa “transition”.

Katulad ng iniutos ng Pangulo, asahan nating magiging transparent ang BTC at kukunin ang pulso o kokonsultahin ang lahat ng kinauukulan o grupong apektado.

Maganda ring marinig mismo kay Pangulong Aquino ang paniniyak nito sa BTC ng buong suporta, teknikal man, gabay, payo at pinansiyal na pangangailangan.

Magdasal po tayong lahat sa matagumpay na usapang pangkapayapaan na inaasam ng marami sa ating mga kababayan sa Mindanao.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, February 7, 2014

Seryoso!



                                                                             Seryoso!
                                                                           Rey Marfil


Tama ang administrasyong Aquino na trabahuin sa ganito kaagang panahon ang paniniyak na hindi magkakaroon ng kawalan ng suplay ng kuryente sa panahon ng summer.

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Department of Energy (DOE) sa stakeholders upang tiyaking magiging maayos ang suplay ng kuryente.

Hindi talaga natin dapat payagan na magkaroon ng ma­lawakang kawalan sa suplay ng kuryente dahil makakasama lamang ito sa ekonomiya ng bansa at asahan natin ang DOE na tututukan ang sitwasyon.

Tinatrabaho ng DOE ang pagbalanse sa suplay ng kur­yente at pangangailangan upang mapigilan ang kawalan ng kuryente. Bukas ang pamahalaan sa mga konkretong panukala na maaaring magbigay ng proteksiyon sa mga konsyu­mer kaugnay sa tumataas na singil sa kuryente.

Kabilang dito ang pag-aaral sa 12-taong Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang palitan ang mga mahihinang probisyon at makatulong sa pangangailangan ng mga tao.

***

Magandang marinig ang paniniyak ng gobyerno sa publiko na ginagawa nito ang lahat para matiyak na hindi magiging transshipment point ng ipinagbabawal na gamot ang bansa.

Mismong si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang nag-utos sa kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na magbiga­yan ng impormasyon at magkatuwang na magtrabaho upang maging epektibo ang kampanya ng pamahalaan sa ipinagbabawal na gamot.

Sa katunayan, pinalakas ang kooperasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Bureau of Investigation (NBI), at the Philippine National Police (PNP).

Mahalaga naman talaga ang pinalakas na kooperasyon at bigayan ng impormasyon para protektahan ang bansa laban sa ilegal na droga na maaaring makasira sa kabataan.

Dahil maganda ang ipinapakita ng mga awtoridad sa pagsugpo ng mga laboratoryo ng ipinagbabawal na mga gamot, posibleng naglipatan na rin ang malalaking sindikato sa ibang bansa at maaaring nagiging transshipment point ang Pilipinas.

Pero naging maganda talaga sa pangkalahatan, nagresulta ang bigayan ng impormasyon at pagtutulu­ngan ng mga ahensiya ng pamahalaan para masugpo ang ipinagbaba­wal na gamot, kabilang ang nasakoteng P1.3-bilyong ilegal na droga kamakailan.

At dapat suportahan din ng publiko ang pinatindi pang kampanya ng pamahalaan na labanan ang sinasabing drug cartel sa bansa matapos ang matagumpay na drug bust sa Batangas.

Sinusuring mabuti ng pamahalaan ang partikular na mga impormasyon sa Bureau of Immigration (BI) dahil sa balitang gumagamit ng pasaporte ng US ang ilang mga kasapi ng sindikato.

Sa pamamagitan ng kautusan mula sa Pangulo, nagresulta sa matagumpay na drug busts ang pinatinding koordinasyon ng PDEA, PNP, NBI at iba pang anti-drug groups o ang banyagang drug enforcement agencies.

***

At makatwirang purihin din ang administrasyong Aquino kaugnay sa paninindigan nito na tutukan ang ekonomiya, pagsugpo sa kahirapan at labanan ang katiwalian ngayong 2014.

Konektado ang lahat, partikular sa pagsulong ng turismo na nangangahulugan ng karagdagang trabaho para sa mga Pilipino.Upang makamit ito, kailangang pagbutihing mabuti ng pamahalaan ang pag-aayos at konstruksiyon ng mga imprastraktura na kitang-kitang pinagsusumikapang gawin ng administrasyong Aquino. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, February 5, 2014

May resulta!



                                                                     May resulta! 
                                                                      Rey Marfil


Maganda ang resulta ng pagsusumikap ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino III na maisulong ang usapang pang-kapayapaan, patunay ang pirmahan sa final annex na magbibigay-daan sa komprehensibong usapang pang-kapayapaan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Binabati natin ang magkabilang panig dahil sa magandang balitang ito nang nilagdaan ng kanilang mga kinatawan ang annex sa Kuala Lumpur ng nakaraang linggo.

Dahil matuwid na daan, asahan na natin ang mabilis na aksiyon ng Kongreso sa pagpasa ng panukalang batas sa paglikha ng Bangsamoro Basic Law na isusumite sa isang plebisito.

Nakapaloob sa normalization annex ang pagbaba ng armas ng mga kasapi ng MILF habang babawasan naman ng pamahalaan ang bilang ng puwersa ng militar sa Mindanao at tutulungan ang MILF na puksain ang armadong grupo.

Ipatutupad rin ng pamahalaan ang mga programang sosyal at ekonomikal para sa mga kasapi ng MILF.
Dahil dito, asahan nating bubuti ang pambansang seguridad sa Mindanao at makikinabang ang mas maraming mga tao sa kaunlarang darating sa rehiyon.

***

Inaasahan na nating mataas ang ibibigay na satisfaction rating ng mga nakaligtas sa super typhoon Yolanda kay PNoy base sa resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey dahil ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito para matulungan sila.

Sa ulat ng Fourth Quarter 2013 survey ng SWS, 73 porsiyento ng Yolanda survivors na ikinokonsidera ang kanilang mga sarili na mahirap at naghihirap sa pagkain na nasisiyahan sila sa performance ng Pangulo

habang 19 porsiyento ang hindi para sa resultang “very good” na net satisfaction rating na +54.

Sa kabilang banda, 69 porsiyento naman ng hindi nabiktima ng Yolanda na kasama rin sa survey ang nagsabing nasisiyahan sila sa performance ng Pangulo at 21 porsiyento ang hindi para sa “good” net satisfaction rating na +48.

Nakakatuwa ring isipin na mas nagpapahalaga ang mga taong nabiktima ng trahedya dahil na rin sa pagsusumikap na ginagawa ni PNoy para matulungan ang kanilang hanay at malampasan ang lahat ng pagsubok.

Asahan na natin na ipagpapatuloy ni PNoy ang lahat ng magagandang programa alinsunod sa malinis nitong pamamahala.

Isa pang good news ang resulta ng pag-aaral ng Freedom House, isang US-based non-government organization, na nagsasabing nagbubunga na ang mga repormang isinusulong ng kasalukuyang administrasyon para sa kanilang pangunahing mga karapatan.

Nagningning ang Pilipinas sa hanay ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa usapin ng pagsusulong ng karaparang pulitikal at kalayaang sibil.

Napanatili ng Pilipinas ang bahagyang malayang estado sa ulat ng Freedom House, isang internasyunal na NGO sa Washington D.C. Kabilang ang Pilipinas sa mga bansa sa ASEAN na nakakuha ng puntos na 3 na nasa kategorya ng political rights at civil liberties.

Sa ilalim ng Freedom House’s rating system, higit na malaya ang nakakuha ng isa habang bahagyang malaya rin ang pitong puntos.

Nakakuha naman ang ibang mga bansa sa Asya ng apat na puntos.

Malinaw na nag-ugat ang magandang kalagayan ng bansa sa pananaliksik ng Freedom House sa mga isinulong na reporma ng administrasyong Aquino kung saan labis na pinahahalagahan ang demokrasya at paggalang sa karapatang-pantao.

Kitang-kita ang pagpapahalaga dito ni PNoy dahil batid niyang ito ang pangunahing mga susi para sa isang mas malakas at progresibong bansa.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, February 3, 2014

Wala sa ayos!



                                                                     Wala sa ayos!  
                                                                      REY MARFIL



Kasabay ng muling pagbuhay sa usapin ng pagpapataw ng parusang kamatayan sa mga gumagawa ng karumal-dumal na krimen ay ang pagkakabisto ng isang kakaibang paraan ng pagpapahirap o pag-torture sa mga bilanggo na ginagamitan daw ng “wheel of torture” o “roleta ng kamalasan”.

Pero sa pagkakataong ito, ang may 10 pulis ng BiƱan, Laguna na sinasabing nasa likod ng pag-torture sa mga nahuhuli nilang sangkot sa iligal na droga ang minalas sa pagpapaikot ng roleta dahil sila ngayon ang nasibak sa puwesto at iniimbestigahan.

Batay sa report, nakalagay sa roleta ang mga uri ng parusa na ipapataw sa pahihirapang bilanggo kaya tinawag itong “wheel of torture o “roleta ng kamalasan”. Aba’y kahit ano kasi ang mapili sa parusa sa roleta -- gaya ng ilang minutong sapak sa mukha o itatali nang patiwarik -- talaga namang mamalasin ang pahihirapang bilanggo.

Gayunpaman, itinatanggi ng mga pulis ang alegasyon na tino-torture nila ang mga nahuhuli nila. Pakana lang daw iyon ng mga taong nasasagasaan nila sa kanilang kampanya laban sa bawal na gamot. Kaya lang, ang Human Rights Commission ang nagsiyasat sa alegasyon at batid naman ng kapulisan na wala sa bukabolaryo ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang torture.

Kaya naman inalis na sa kanilang puwesto ang mga inaakusahang pulis at isasailalim sila sa imbestigasyon ng liderato ng PNP. Pero dapat pagbutihan nila ang paliwanag sa kanilang mga opisyal upang malaman ang katotohanan.

Sa ganitong patas na imbestigasyon, makikita ng mga pulis na hindi kailangang pahirapan ang isang tao para magsabi ng totoo. Dapat ding magsilbing aral at paalala sa ibang pulis na hindi kokonsintihin ng kasalukuyang gobyerno ni PNoy ang mga gawaing lalabag sa karapatang pantao ng bawat Pilipino, kahit pa may kinakaharap itong kaso.

***

Bukod sa dignidad ng bawat isa, binibigyang-halaga rin ng pamahalaang Aquino ang buhay ng tao kaya naman malamig ang Pangulo sa mga mungkahi na ibalik ang parusang bitay o kamatayan sa mga taong nasasangkot sa karumal-dumal na krimen.

Pero hindi ito nangangahulugan na nais nang hayaan ni PNoy na mamayagpag ang mga kriminal tulad ng mga rapist ng bata. Nais lang niyang unahin na mapahusay ang sistema ng hustisya sa bansa at matiyak na kung sino man ang tunay na may sala ay siyang mapapatawan ng karampatang parusa.

Bukod diyan, pinapahusay ng pamahalaan ang hanay ng kapulisan upang masawata ang krimen o mahuli kaagad, masampahan ng kaso at malitis nang mabilis ang akusado. Higit kasi sa parusang kamatayan, mas pinakamabisang deterrent o panakot sa mga kriminal ang mabilis na pagpapataw at implementasyon ng hustisya.

Kahit kasi maibalik ang bitay, wala ring hustisya kung ang mabibitay ay inosente at ang tunay na may sala ay patuloy na nakalalaya. Tandaan natin na ang buhay ay isa lang, at hindi ito larong dama na pwedeng ibalik ang piyesa kapag mali ang tira.

Bukod sa mabilis at epektibong paggulong ng hustisya, magiging malaking panlaban din sa krimen ang pagtutulungan ng mga mamamayan na maging mapagmatyag at isumbong sa mga awtoridad para mahuli ang mga kriminal na gagawa pa lamang at mga nakagawa na ng kasalanan.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)