Friday, October 19, 2012

Paghahanda!



Paghahanda!
REY MARFIL





Magandang balita ang pahayag ng European Union na nangunguna ang Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Aquino sa kanugnog na mga bansa sa Timog Silangang Asya sa usapin ng paghahanda at pagharap sa mga sakuna para makapagligtas ng mga buhay.
Nasaksihan ni Ambassador Guy Ledoux ng Delegation of the European Union ang progreso ng Pilipinas kaugnay sa mga progma na may kinalaman sa disaster risk reduction.
Sa katunayan, pinuri niya ang pagkakaisa ng mga lokal na pamahalaan, non-government organizations at mga komunidad para makapagsalba ng mga buhay at mabawasan ang pagkasira ng mga ari-arian dulot ng mga sakuna.
Sa selebrasyon ng National Conference for Effective Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation Practices kung saan naging tagapagsalita si Ledoux, binigyang-diin nitong kahanga-hanga ang mga paghahanda ng bansa sa disaster risk reduction at climate change.
Sa pahayag ng United Nations Office for Disaster Risk Reduction, pinakamatinding naaapektuhan ng mga sakuna ang kontinente ng Asya at matatagpuan din sa Asya ang siyam sa 10 nangungunang mga bansa sa mundo na mayroong pinakamalaking bilang ng mga nasasawi dahil sa mga sakuna.
Dinaluhan ang komperensiya ng mahigit sa 100 disaster risk reduction practitioners mula sa tinatawag na high-risk communities sa Regions II, V, XII, CAR at Caraga na kasama sa programa ng EU sa disaster preparedness program.
***
Napag-usapan ang good news, ginagawa ng administras­yong Aquino ang lahat ng makakaya nito upang mapabuti ang ekonomiya ng bansa at makabangon sa kahirapan ang Pilipinas na minsang tinawag na "sick man of Asia".
Ayon kay Philippine Ambassador to Washington Jose Cuisia Jr., matagumpay na iprinisinta ni Finance Secretary Cesar Purisima sa isang komperensiya sa Estados Unidos ang positibong macroeconomic developments ng bansa na resulta ng matuwid na daan at matinong pamamahala ng administrasyong Aquino. Mabuting nakamtan ito ng administrasyon na nag-iiwan ng magandang kinabuksan para sa ekonomiya ng Pilipinas.
Pinakamainam pang nangyari rito ang pagsang-ayon ng mga opisyal ng US, kinatawan ng mga grupong nagsasagawa ng pananaliksik, executives ng malalaking mga negosyo, mga kasapi ng media at academe, mga Filipino at Amerikano sa pahayag ni Purisima na umaahon ang Pilipinas.
Ipinagmalaki ni Purisima sa komperensiyang pinamunua­n ng Center for Strategic and International Studies at US-Philippines Society at the Capitol Hilton na lalong bumango si Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino para itaguyod ang mga reporma at pagbabago matapos makakuha ng mataas na approval at trust ratings na 78%.
Pinalakas naman kasi ng administrasyong Aquino ang kampanya nito sa matalinong paggugol ng pampublikong pondo, pagmintina ng malakas na macro-economic, tumataas na klima ng pamumuhunan dahil sa malaking tiwala ng mga negosyante sa pamahalaan at pagbawas sa gastusin upang magtayo ng negosyo para tanghalin ang Pilipinas bilang susunod na "tiger economy" ng Asya sa susunod na mga taon at ika-16 na pinakamalaking ekonomiya sa buong mundo sa pagpasok ng 2050.
Kitang-kita naman ang pag-ahon ng bansa base sa malaking positibong pagbabago sa kalagayan ng Pilipinas sa larangan ng pamamahala at kakayahang sumulong base sa nakuhang ranking sa World Economic Forum at credit rating agencies.
Ipinakita lamang dito ni PNoy na susi sa pagsulong ng magandang ekonomiya ang malinis na pamamahala. Dapat patuloy nating suportahan ang matuwid na daan ng administrasyong Aquino na umaani ngayon ng tagumpay at benepisyo para sa mga Pilipino.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)


Wednesday, October 17, 2012

Pagkakataon!



Pagkakataon!
REY MARFIL


Isang makasaysayang tagpo ang naganap sa MalacaƱang nitong Lunes nang lagdaan sa harapan nina Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino at Chairman Murad Ebrahim Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang framework agreement na inaasahang magbibigay ng ganap na kapayapaan sa Mindanao.
Maraming kapatid nating Muslim ang naging emosyunal nang lagdaan ang kasunduan na magiging simula sa pagbalangkas ng mga sistema at istruktura sa pagbuo ng Bangsamoro Entity na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Hindi naman talaga natin maaalis sa ating mga kapatid na Muslim na maging emosyunal at mapaluha lalo na dun sa mga nakatira sa lugar sa Mindanao na laging nagiging sentro ng bakbakan at naiipit sa palitan ng putok ng mga sundalo at MILF fighter.
Idagdag pa natin ang naulilang mga pamilya ng mga mandirigmang MILF at sundalo ng gobyerno na nagbuwis ng kanilang buhay dahil ipinaglaban nila ang kanilang prinsipyo. Kung noon pa sana ito nagawa ng mga nakaraang lider, sana'y maraming buhay at ari-arian ang nailigtas.
Kaya naman ang pagsisikap na ito ni PNoy na hanapan ng kapayapaan ang Mindanao ay umani ng papuri mula sa marami nating kababayan - Muslim man o Kristiyano, maging sa international community.
***
Napag-usapan ang suporta, maging si Malaysian Prime Minister Najib Razak na kasamang sumaksi sa paglagda sa kasunduan, ito'y nagpahayag ng pagbati sa pamahalaan at MILF.
Kung tutuusin, makikinabang din ang Malaysia sa kapayapaan sa Mindanao dahil marami rin naman sa mga kababayan na tumatakas sa giyera ng mga sundalo at MILF, ito'y nagpuntahan sa Malaysia gaya sa Sabah.
Batid naman nina PNoy at Murad na ang pinirma­hang framework agreement ay panimula pa lamang sa sabay na paglalakbay ng pamahalaan at MILF tungo sa hinahangad nilang kapayapaan sa Mindanao.
minado sila na kailangan pa rin ang lubos na pagkakaisa at kooperasyon sa magiging laman ng sistema at istruktura sa pagbuo ng Bangsamoro entity.
Isa na rito ay ang pagpapanatili sa mga miyembro ng MILF sa loob ng kasunduan at hindi maulit ang nangyari noon sa pakikipagnegosasyon ng pamahalaan sa Moro National Liberation Front (MNLF). 
Matapos maisara ang kasunduan sa MNLF na naging daan ng pagkakatatag ng ARMM, marami sa miyembro ng MNLF na hindi sang-ayon sa kasunduan ang tumiwalag at sumama sa MILF.
Aminin man o hindi, masasabing hindi lubos ang na­ging tagumpay sa pakikipagkasundo sa MNLF dahil sa kabila ng pagkakabuo ng ARMM, ito'y nanatiling armadong pakikibaka ng maraming Muslim laban sa pamahalaan sa pangunguna nga ng MILF.
At ngayon nakaapak sa unang baytang ng kapayapaan ang pamahalaan, kasama ang MILF, umaasa ang ating mga kababayan na hindi magiging sagabal dito ang MNLF kahit pa baguhin ang ARMM at palitan ng Bangsamoro entity.
Kung tunay na kapayapaan at pagsusulong sa karapatan ng mga kapatid nating Muslim sa Mindanao ang hangad ng mga armadong grupo, walang dahilan para hindi nila samahan si PNoy sa paglalakbay tungo sa hinahangad na katahimikan sa rehiyon.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, October 15, 2012

Sin tax!



Sin tax!
REY MARFIL


Simple lang naman ang layunin ng administrasyon sa isinusulong nitong programa na taasan ng buwis ang sin products lumaki ang buwis na makukuha sa sigarilyo at alak, at mabawasan ang mga tumatangkilik sa bisyong ito na pinagmumulan ng iba’t ibang sakit.
Kung masusunod ang hinahangad na bersiyon ng pamahalaan para sa dagdag na buwis, tinatayang P60 bil­yon ang dagdag na kikitain ng gobyerno. Dagdag na kita na mapupunta sa pondong ginagamit sa pagpapagamot ng mga nagkakasakit na Pilipino, kasama na ang mga nagkasakit dahil sa labis na paninigarilyo at pag-inom ng alak.
Ngunit ang layunin na ito ng pamahalaan ay nalubak ng dalawang ulit habang tinatalakay sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang Senado at Kamara de Representantes.
Sa bersiyon na ipinasa ng Kamara, ang inaasahang kita ng pamahalaan na P60 bilyon ay nabawasan sa P30 bilyon. Subalit mas maliit ang bersiyon na ipinasa sa committee on ways and means ng Senado na umabot lang sa P20 bilyon.
Mula kasi sa komite, pagdedebatihan na ang panukalang batas sa plenaryo kung saan maaari pang mabago ito at maitaas ang numero sa kokolektahing buwis.
Maliban kasi sa madadagdagan ang pondo na ilalaan sa kalusugan, intensiyon ng pamahalaan na mapataas talaga ang presyo ng sigarilyo at alak para mailayo na sa bisyo ang mga tao lalo na ang mga kabataan.
Kung magiging mahal na ang presyo ng sigarilyo at alak, tiyak na mababawasan ang kumukonsumo nito. Mababawasan din ang mga taong nagkakasakit lalo na ang mga mahihirap na walang pambayad sa ospital na kailangang tulungan ng gobyerno sa kanilang pampaospital.
Asahan din na may kapalit ang magandang layunin na ito ng pamahalaan, walang iba kundi ang posibleng paghina ng negosyo ng tabako at alak na tatama sa malalaking kumpanya na matagal nang kumita sa mga taong nalulong sa kanilang produktong nagdudulot ng masamang epekto sa kalusugan.
***
Napag-usapan ang aksyon ng gobyerno, ang malinis na intensiyon ni PNoy ang nasa likod ng paniniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kanilang ginagawa ang lahat ng mga paraan upang hindi magamit ng mga politiko ang ipinapatupad na conditional cash transfer (CCT) program.
Inihayag ni DSWD-Cordillera regional director Leonardo Reynoso na isinasa-pinal nila ang memorandum para ipaalala sa lahat ng mga benepisyunaryo na maaari silang dumalo sa mga pagtitipon bukod sa ipinatawag ng departamento bilang aktibong mga botante at hindi benepisyunaryo ng CCT.
Kinakatigan ko ang kahalagahan na hindi dapat dumalo ang mga benepisyunaryo sa mga politikal na pagtitipon suot ang CCT t-shirts. Alam naman natin na madaling abusuhin ang CCT ng ilang ganid na mga politiko para sa kanilang pansariling interes.
Umaabot sa 3.1 milyon ang benepisyunaryo ng CCT sa buong bansa at 54,000 pamilya ang nakikinabang sa tinatawag na bridge program sa mga malalayong mga rehiyon.
Dapat maunawaan ng lahat, partikular ang mga politiko, na sineserbisyuhan ng DSWD ang lahat ng walang anomang pulitikal na konsiderasyon. Kaya naman masigasig ang mga opisyal ni PNoy sa pagtiyak na hindi ito magagamit sa pulitika, kahit ng kanyang mga kakampi sa darating na halalan.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, October 12, 2012

‘Wag matakot!




‘Wag matakot! 
Rey Marfil


Matuwid at malinis na pamamahala ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang nasa likod ng pagtiyak nitong hindi maaapektuhan ng darating na kampanya at halalan ang serbisyo ng gobyerno na nananatiling pangunahing prayoridad ng kanyang liderato.

Hindi naman ito nakakapagtaka kay Pangulong Aquino na patuloy ang pagsusumikap na maitaas ang kalaga­yan ng publiko, may halalan man o wala.

Kabilang sa mga pangunahing nakamit ng administras­yong Aquino ang panunumbalik ng tiwala ng publiko sa gobyerno at maging ang kumpiyansa ng mga negos­yante na maglagak ng kapital.

Inaasahan din nating makakatulong ang paggugol ng salapi ng publiko sa darating na Kapaskuhan at hala­lan para malampasan ang target na paglago ng ekonomiya ng bansa.

Mula Enero hanggang Hunyo ng taon, lumago ang ekonomiya ng bansa ng 6.1% dahil sa mataas na tamang paggugol ng pamahalaan at maayos na takbo ng pamumuhunan ng sektor ng negosyo at serbisyo.

***

Napag-usapan ang matinong pamamahala, tama ang paniniyak ni Justice Sec. Leila de Lima na protektado at hindi gigipitin ang mga karapatan ng publiko sa ilalim ng Kons­titusyon sa ipinapatupad na Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act. Ibig sabihin, walang dapat ikatakot sa pamamahala ni PNoy lalo pa’t kabaliktaran sa nakaraang administrasyon.

Siguradong gagamitin ng Department of Justice (DOJ) sa tama ang anumang kapangyarihan at awtoridad na ipinagkakatiwala ng umiiral na mga batas na umaayon sa pamantayan ng karapatang-pantao.

Dapat matuto ang publiko sa pamosong pahayag ni “Uncle Ben” na “with great power comes great responsibility” sa kuwento ng Spiderman sa pagharap sa probis­yon ng libelo ng Cybercrime law.

Si Uncle Ben ang Benjamin ‘Ben’ Parker sa mga kuwento ng Spiderman na tiyuhin at humaliling ama ni Peter Parke­r, ang alter ego o gumanap sa papel ni Spiderman.

Dapat tingnan ang probisyon sa libelo kontra sa ordinar­yong usapan sa Facebook at Twitter sa ilalim ng batas na pagpapakita lamang ng responsibilidad ng bawat isa sa kanilang pagpapahayag at hindi paninikil sa karapatan ng publiko na gumamit ng social media.

Hindi ko nakikitang mali ang pagkakasama ng probis­yon sa libelo sa batas dahil lahat naman tayo ay responsable at may pananagutan laban sa anumang pahayag, lalung-lalo na kung mapanira ito sa mga tao.

Kung anuman ang mensaheng ating ilalagay sa Facebook at Twitter, sinisiguro nating hindi ito makakasira sa reputasyon ng sinuman, lalung-lalo na kung wala naman tayong ebidensiya.

Kapuri-puri rin naman ang panukala ng administrasyong Aquino na magkaroon ng dayalogo ang lahat ng sektor na apektado ng batas kasama ang DOJ para maresolba ang ilang mga agam-agam sa proseso ng pagbuo ng Implemen­ting Rules and Regulations (IRR) ng Cybercrime.

Ipinasa ng Kongreso ang Cybercrime Prevention Act upang sugpuin ang mga kawalanghiyaan at kalaswaan sa Internet kung saan ipinasok ang probisyon sa libelo laban sa mga mapanirang posting sa Facebook at Twitter na baha­gi ng responsibilidad ng bawat Filipino.

Dapat magsama-sama ang lahat para labanan ang tinatawag na online vandalism at bullying dahil ito ang mapanira sa maraming mga tao. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”.

(mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, October 10, 2012

Diretso sa kapayapaan!




Diretso sa kapayapaan!
REY MARFIL



Isang magandang balita ang inihatid ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino tungkol sa nabuong “Framework of Agreement” ng pamahalaan at rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na maaaring maging daan tungo sa kapayapaan sa Mindanao.
Ang balangkas ng kasunduan ay panimula para sa pagbuo ng Bangsamoro Region na papalit sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). At kung magtutuluy-tuloy ang paghimay sa usaping ito, maaaring ganap na maisakatuparan ang kasunduan bago matapos ang termino ni PNoy sa 2016.
Hindi biro ang pinsala na idinudulot ng bakbakan ng pamahalaan at MILF sa buhay ng mga tao at ari-arian. Sa halos apat na dekadang labanan, tinatayang 150,000 buhay na ang nasawi mula sa magkabilang panig.
Bukod sa mga nasawing buhay, libu-libong pamilya rin ang naaapektuhan ng bakbakan ng mga sundalo at rebelde dahil napipilitan silang lumikas upang hindi madamay.
Idagdag pa riyan ang gastusin na inilalaan ng gobyerno sa pagbili ng mga sandata, bala at iba pang gastusin para tustusan ang pangangailangan ng mga sundalo para tugisin ang mga rebelde mga rebelde na nakikipaglaban para sa kanilang prinsipyo.
Isipin na lamang natin kung magkano ang bilyun-bilyong pondo na naitapon ng mga nagdaang gobyerno sa pakikipaglaban sa mga debeldeng MILF pondong nagamit sana sa pagpapatayo ng maraming paaralan, tulay, irigasyon at iba pang proyekto na makakapagpahusay sa kabuhayan ng mga tao at hindi perwisyo.
Ngayon pa lang, mayroon nang ilan ang nagpaha­yag ng agam-agam sa bubuuing bagong political entity sa Mindanao mga pangamba na natural lang naman pero huwag naman sanang mauwi sa pagharang sa inaasahan na kapayapaan.
***
Napag-usapan ang mga agam-agam sa peace talks, bigyan sana natin ng pagkakataon na makita ang magiging resulta ng isinasagawang negosasyon na maging ang liderato ng MILF ay nagpahayag ng buong pag-asa.
Kapuri-puri rin ang dedikasyon ni PNoy na tuparin ang kanyang pangako na hanapan ng lunas ang matagal nang digmaan sa Mindanao. Isama na rin natin sa papu­ri ang mga taong namahala sa negosasyon sa MILF sa pangunguna nina Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Quintos-Deles at government lead negotiators na Marvic Leonen.
Hindi katulad ng kontrobersiyal na pakikipagnegosasyon na isinagawa ng gobyerno ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa MILF na binatikos na kulang sa negosasyon, ang kasalukuyang negosasyon na isinagawa ng pamahalaang Aquino ay nakalantad at maaaring mabasa sa website ng MalacaƱang (http://www.gov.ph).
Matatandaan na ang nilutang kasunduan ng administrasyong Arroyo ay ibinasura ng Korte Suprema na ginamit na katwiran ng ilang miyembro ng MILF para magwala at maghasik ng labanan sa ilang lugar sa Mindanao na nagresulta sa pagkamatay ng maraming tao.
Kaya naman dapat suportahan ang bagong pag-asa ng kapayapaan sa Mindanao na isinusulong ni Aquino na makabubuti hindi lang sa mga Muslim kundi pati na rin sa mga Kristiyano sa rehiyon.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, October 8, 2012

Walang personalan!




Walang personalan!
REY MARFIL


Tama ang paghamon ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino sa mga Pilipino na manatili sa paninindigang makamit ang mas mataas na antas ng demokrasya upang hindi na maulit ang pasakit na dulot ng batas militar.
Sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng auto­biography ni Senate President Juan Ponce Enrile na "Juan Ponce Enrile: A Memoir" na isinagawa sa The Peninsula sa Makati City, sinabi ng Punong Ehekutibo na bibigyan ng libro ng kapangyarihan ang dara­ting na mga henerasyon na maiwasan ang mga pagkakamali ng nakalipas.
Pinasalamatan ni PNoy ang 88-anyos na si Enrile na dating Defense Minister sa panahon ng diktadurya sa pagbabahagi ng kanyang kaalaman, karanasan, ideya at pananaw na siguradong makakatulong sa pagpapayaman ng isipan ng mga Pilipino.
Nasaksihan natin ang umiging demokrasya sa bansa na nagresulta sa pagbabago at nagsisilbi ngayon sa interes ng mga tao.
Maganda rin ang direktang pag-amin ni PNoy na maraming bagay na magiging magkasalungat sila ni Enrile, ngunit ipinagpapalagay naman niyang maaari rin silang magtrabahong dalawa para sa interes at kagalingan ng bansa.
Bagama't nabiktima ang kanyang pamilya ng Batas Militar na nagresulta sa pamamaslang sa kanyang amang si dating Sen. Benigno 'Ninoy' Aquino Jr., ipinakita ni PNoy sa pagdalo sa paglulunsad ng libro ni Enrile ang isa sa pinakamataas na porma ng isang matured at kahanga-hangang lider ng bansa na patunay rin ng buhay na buhay na demokrasya.
***
Napag-usapan ang good news, pinatunayan lamang ng pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagsasabing komonti na lamang ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na ikinokonsidera ang kanilang mga sarili bilang mahirap na talagang tumutugon sa pangangailangan ng publiko ang mga programa ng pamahalaan.
Base sa resulta ng Third Quarter 2012 SWS Survey, lumabas na 47% na lamang ng mga tinanong ang ikinokonsidera ang kanilang pamilya na mahirap.
Kinakatawan ng 47% ang tinatayang 9.5 milyong pamilya o mas mababa ng apat na porsiyento kumpara sa naitalang 51% noong nakalipas na survey nitong Mayo 2012.
Pinakahuling bumaba sa 50% ang self-rated poverty noong nakalipas na Disyembre kung saan uma­bot na lamang sa 45%.
Malinaw na tumutugon at epektibo ang mga programa ng pamahalaang Aquino sa paghahanap ng solusyon sa kahirapan sa bansa.
Asahan na natin na magtutuluy-tuloy ang magandang resulta sa ipatutupad pang makatao at ma­tinong programa ng administrasyong Aquino na pakikinabangan ng mga Pilipino sa hinaharap.

Laging tandaan: "Bata n'yo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, October 5, 2012

'Wag masamain!




'Wag masamain!
REY MARFIL



Sa halip na ikasama ng loob, dapat tingnan sa positibong aspeto ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at iba pang kapwa akusado niya ang plunder case na kinakaharap nila dahil sa umano'y paglustay sa pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Matapos pagtibayin ng Office of the Ombudsman ang nauna nilang desisyon na kasuhan ng plunder sina Mrs. Arroyo at ilan nitong dating opisyal, asahan ang gagawing paglilitis sa kanila ng Sandiganbayan.
Ika ni Mang Gusting: hindi biro ang P366 milyon na pondo mula sa intelligence fund ng PCSO mula 2008 hanggang 2010 na umano'y ginamit sa "personal gain" ng mga akusado. At dahil walang piyansa sa mga kinakasuhan ng plunder kung mabigat ang ebidensiya, posibleng maibalik sa "kulungan" o hospital arrest ang da­ting pangulo.
Sa ngayon, pansamantalang nakalabas ng kanyang hospital arrest sa Veteran's Memorial Medical Center si Arroyo dahil pinayagan siya ng mababang korte na makapagpiyansa sa kasong electoral sabotage.
Ang iba pang kinakaharap na kaso tulad ng plunder na ito ang iniisip ng ilang tagamasid na kaya nagpupursige ang mga kaalyado ni Mrs. Arroyo na makapagpagamot ito sa ibang bansa.
Hinala pa ni Mang Gusting, baka gamiting dahilan ni Mrs. Arroyo ang pagpapagamot sa ibang bansa para matakasan ang kanyang mga kaso. At sa pangyayaring ito sa desisyon ng Ombudsman, hindi maaalis at asahan na aalma naman ang kampo ni Arroyo sa kasong ito ng plunder. 
***
Napag-usapan ang kaso, hindi rin inaalis ng mga kurimaw ang senaryong akusahan nila ang administrasyong Aquino ng panggigipit o kaya nama'y paghihiganti, ka­tulad ng favorite line ng mga inarkilang "media barker", sampu ng "tropapits" .
Pero sa halip na masamain ang desisyon ng Ombudsman, dapat isipin ng kampo ni Mrs. Arroyo na ito ang pagkakataon na malinis ang kanilang pangalan, at patunayan na walang katotohanan ang ibinibintang sa kanila.
Nauna na kasing hiniling ng kampo ni Mrs. Arroyo na ibasura ang reklamo tungkol sa paggamit ng PCSO fund dahil wala raw itong basehan, as in wala raw magpapatunay na pinakinabangan nila ang naturang milyun-milyong pondo.
Kung totoo at naniniwala pa rin sila sa depensa na walang kasalanan si Mrs. Arroyo at ilan pang inaakusahang nagkamal ng pondo ito ang pagkakataon para linisin nila ang pangalan sa tamang lugar -- ang Sandiganbayan.
Ang pagkakalaya ni Mrs. Arroyo sa kasong electora­l sabotage ay patunay na hindi iniimpluwensiyahan ni Pa­ngulong Noynoy 'PNoy' Aquino ang korte pagdating sa paggulong ng hustisya kaya't malaking kasinungalingan ang mga naunang ibinibintang.
Kung walang kasalanan, dapat harapin ng grupo ni Mrs. Arroyo ang kaso at tanggapin ng magkabilang kampo, anumang magiging desisyon ng korte, makalaboso man o maabsuwelto.

Laging tandaan: "Bata mo 'ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)