Wednesday, October 3, 2012

Sobra pa!



Sobra pa!
REY MARFIL


Hindi nakakagulat kung makakuha ng pasadong marka ang administrasyong Aquino sa paghahanda sa mga sakuna mula sa pananaw ng mga taong tinanong sa pina­kabagong survey ng Pulse Asia.
Lumabas sa resulta ng survey na isinagawa mul­a Agosto 31 hanggang Setyembre 7 na nakakuha ang pamahalaan ng average na gradong 80. Ibinase ang grado sa sukatang 0 hanggang 100 kung saan 75 ang pasadong marka.
Nakakuha ng median grade na 85 o very good ang mga paghahandang isinagawa ng administrasyon at 80 naman sa mabilis at epektibong pagtugon sa sitwasyon.
Isinagawa ang survey matapos ang malawakang pagbaha sa Metro Manila at kanugnog na mga lalawigan dulot ng hanging habagat sa kaagahan ng Agosto.
Kabilang din sa pangunahing mga isyu noong panahon na iyun ang kamatayan ni Interior Sec. Jesse Robredo, 7.9 na lakas ng lindol sa Eastern Samar, at napabalitang pagtakas ni dating Palawan Gov. Joel Reyes.
Siguradong itutuluy-tuloy ng pamahalaan ang lalong pinalakas na mga programa ang pagpapababa sa banta sa buhay ng publiko na dulot ng kalamidad.
Inaasahan natin ang mas magandang resulta sa hinaharap sa ilalim ng matuwid na pamamahala ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino alang-alang sa kaligtasan ng mas nakakaraming mga Pilipino.
***
Walang itinatago ang Pilipinas at ginagawa nito ang konkretong mga hakbang sa paghahanap ng mga solus­yon kaugnay sa problema ng paglabag sa karapatang-pantao.
Tama ang paniniyak ni Justice Secretary Leila de Lima sa US-based human rights groups na inimbitahang dumalo sa isang dayalogo sa embahada ng Pilipinas sa Washington na hindi nagpapabaya ang Pilipinas.
Kabilang sa mga dumalo ang kinatawan ng Human Rights Watch, Amnesty International, Committee to Protect Journalists, Ecumenical Advisory Network, International Justice Mission at Filipino Migrant Heritage Commission.
Walang basehan ang paratang na hindi pinapatawan ng parusa ng administrasyong Aquino ang anumang polisiya ng paggamit ng karahasan, panggigipit at banta para labagin ang iba't ibang kalayaan na tinatamasa ng mga tao.
Hindi rin tamang isipin na hindi bumuti ang sitwasyon ng paggalang sa karapatang-pantao sa Pilipinas o nabigo ang pamahalaang Aquino na tuparin ang pangakong itigil ang kultura ng karahasan sa bansa.
Malinaw naman na kitang-kita ang pagsusumikap ng pamahalaan na isulong ang prosekusyon ng mga taong inakusahan at responsable sa tinatawag na extrajudicial killings.
Sa katunayan, itinatag pa nga ang tanggapan ng human rights affairs sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) upang bigyang edukasyon ang uniformed personnel sa kahalagahan na obserbahan at igalang ang karapatang-pantao. Pinagbubuti rin ng Department of Justice (DOJ) ang Witness Protection Program ng pamahalaan.
Tulungan natin ang pamahalaan na maisulong ang mas mataas na conviction rate sa kaso ng mga lumalabag sa karapatang-pantao dahil lagi naman mayroong espasyo para mapabuti ito.

Laging tandaan: "Bata n'yo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, October 1, 2012

Kauna-unahan!



Kauna-unahan!
REY MARFIL




May katwiran si Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino na matuwa at purihin si Public Works Secretary Rogelio Singson sa nakaraang inauguration o pagpapasinaya sa bagong gawang underpass sa Araneta-Quezon Avenue na tiyak na magpapaluwag sa daloy ng trapiko sa lugar.
Matapos nga ang mahigit isang taon na pagsasakripisyo ng mga motorista na dumadaan sa panulukan ng Araneta Ave. at Quezon Avenue, ngayo'y mararanasan na nila ang ginhawa sa pagtawid sa panulukan na ito dahil magagamit na ang underpass na may habang 400 metro.
Pero hindi lang sa pagkakatapos ng underpass dapat matuwa ang buong mamamayan, at hindi lang ang mga motorista na makikinabang dito. Kasi naman, isiniwalat ni PNoy na dahil mas maagang natapos ang proyekto at redesign nito, mahigit P200 milyon ang natipid ng gobyerno.
Sa orihinal na kwentada, inaasahan na matatapos ang proyekto sa loob ng 18 buwan na may kabuuang pondo na P694.15 milyon. Pero, natapos ito sa loob lamang ng 15 buwan at ang gastos ay umabot lamang sa P430 milyon ito'y malayo sa sistemang nakagisnan ng publiko at lalong milya-milya ang pagkakaiba sa nakaraang 9-taon.
Kaya tatlong (3) buwan ang nabawas sa pagdurusa ng mga motorista, malaking katipiran sa nagagastos na gasolina o diesel kapag nababad sa matagal na trapik sa lugar. Makikita sa hitsura ng mga motoristang na-interview ang sobrang kagalakan dahil sa guminhawa ang paglalakbay ng mga ito.
Tamang-tama ito ngayong panahon ng kapaskuhan dahil tiyak na mas marami ang dadaan dito para mamili sa mga mall sa Quezon City o kaya nama'y sa Divisoria sa Maynila.
***
Napag-usapan ang proyekto, kung tutuusin, hindi ito ang unang pagkakataon na nagawang mapabilis at makatipid ang pamahalaan sa mga proyekto. Sa nakaraang S­ONA ni PNoy, pinuri rin niya ang Energy Department dahil sa ma­laking katipiran na nagawa rin sa proyektong barangay electrification program.
Ang ganitong mga magandang balita ay pagpapakita ng malaking kaibahan sa nagdaang administrasyon na ina­akusahan ng katiwalian dahil sa mga umano'y overpricing sa mga proyekto.
Ang mahirap pa nito, baka nga overpriced na ang proyekto ay hindi pa natapos o kaya naman ay substandard. Tulad na lang ng Diosdado Macapagal Blvd. na ginawa noong 2002.
Dahil umabot sa P1.1 bilyon ang ginastos sa 5.1 kilometrong kalsada, tinagurian na ito ngayon na pinakamahal na kalsada, hindi lang marahil sa Pilipinas, baka ma­ging sa buong mundo.
Bukod pa diyan, pinapaimbestigahan din ni Sen. Serge Osmeña ang President Bridge Program ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil din sa alegasyon ng katiwalian.
Mga katiwalian katulad ng umano'y overpricing o kaya naman ay sadyang pagsasayang lang ng pera ng bayan dahil sa pagtatayo ng mga tulay na hindi na pala talaga kailangan.
Ang Araneta-Quezon Avenue underpass na nagawa sa ilalim ng administrasyon ni PNoy ay patunay ng pagiging seryoso at tapat ng kasalukuyang administrasyon na magamit sa tama ang pondo ng bayan.
At dahil pera ito ng bayan, nais matiyak ni PNoy na makakakuha ng pinakamagandang presyo ang mamamayan sa isang matinong proyekto na makakamura ang gobyerno.
Kung mas marami ka namang matitipid, mas marami ang maiipong pondo na puwede pang gamitin sa ibang makabuluhang proyekto.

Laging tandaan: "Bata n'yo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)


Friday, September 28, 2012

Armado ngayon!




Armado ngayon!
REY MARFIL



Dapat suportahan at bigyang kooperasyon ang kautusan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa bagong talagang si Interior and Local Government Sec. Manuel Roxas na paigtingin pa ang paglansag sa mga pribadong armadong grupo sa Pilipinas habang naghahanda ang bansa sa 2013 midterm elections.
Magugunitang walang humpay ang naging kampan­ya noon ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa ilalim ng namayapang si Interior and Local Government Sec. Jesse Robredo para buwagin ang mga armadong grupo sa bansa.
Mula sa 80 armadong mga grupo, idineklara ng Malacañang na kalahati na sa mga ito ang nalansag.
Kailangan nating tiyakin na magiging mapayapa ang darating na halalan at mananalo ang mga kandidatong ibinoto ng mga tao.
***
Napag-usapan ang mga aksyon ng gobyerno, hindi ba’t nakakatuwang marinig na sisimulan na sa lalong madaling panahon ng inter-agency body ang pagbuo sa implementing rules and regulations (IRRs) ng bagong lagdang batas na Cybercrime Prevention Act of 2012 upang sugpuin ang mga krimen sa internet sa Pilipinas.
Itinalaga ang Department of Justice (DOJ), DILG at Information and Communications Technology Office sa ilalim ng Department of Science and Technology (ICTO-DOST) para trabahuhin ang Cybercrime Prevention Act of 2012 IRR.
Nilagdaan ni PNoy ng nakaraang Setyembre 12 ang Republic Act (RA) No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Kabilang sa mga pinaparusahan ng batas ang pag­labag sa pagiging pribado, integridad at umiiral na computer data system, panghihimasok sa files, ilegal na interception, pakikialam sa data, system interfe­rence, at maling paggamit ng devices.
Kasama rin sa tinatawag na computer-related offenses ang forgery, fraud, at identity theft na talamak ngayon sa internet. Parurusahan din sa ilalim ng batas ang content-related offenses kagaya ng cybersex, at child pornography.
Hindi rin paliligtasin ng batas ang tinatawag na unsolicited commercial communications o cyber-squatting, paggamit sa pangalan ng mga tao para sa sariling kapakinabangan o manira ng reputasyon.
Kabilang sa mga umiiral na batas sa bansa na pinarurusahan ang internet crimes ang Republic Act (RA) No. 9995 o Anti-Photo and
Voyeurism Act of 2009; RA No. 9775 o Anti-Child Pornography Act of 2009; at RA No. 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.
Malinaw na determinado ang administrasyong Aquino na habulin ang mga nasa likod ng iba’t ibang krimen sa internet lalo pa’t nakatali ang kamay ng pulisya sa mahabang panahon.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)





Wednesday, September 26, 2012

Malayo sa nakaraan!




Malayo sa nakaraan!
REY MARFIL



Dapat kilalanin ang pagsusumikap ni Agriculture Sec. Proceso Alcala na mailuwas ang tinatawag na “cavendish bananas” ng bansa sa mga tropang Amerikano sa Gitnang Silangan at Pasipiko.
Tinatrabaho ni Alcala ang bilateral agreement sa Washington para sa posibleng pagluluwas ng mga sa­ging lalo na ngayong mayroong teknolohiya ang Pilipinas upang dalhin ito sa mga sundalong Amerikano na nasa labas ng Estados Unidos.
Bukod sa mga base militar, tinitingan rin ng DA ang Defense Commissary Agency (DeCA) na pinatatakbo ng United States Department of Defense bilang mas magandang merkado ng saging ng Pilipinas. Pinatatakbo ng US Department of Defense ang mahigit sa 250 commissa­ries sa buong mundo.
Nagbebenta ang commissaries ng groceries at household goods sa active-duty, guard, reserve, at retiradong mga kasapi sa lahat ng pitong uniformed services ng US at kasapi ng kanilang mga pamilya.
Dahil sa sinserong serbisyo, malaki na ang tsansa ng cavendish bananas ng bansa na makapasa sa US export requirements matapos ipatupad ng Department of Agriculture ang ilang mga hakbang na nagpataas sa kalidad ng ating mga saging.
Nakipagkita si Alcala sa US Department of Agriculture attachés para talakayin ang sanitary at pythosanitary requirements ng mga saging at asahan natin ang pagluluwas ng produkto sa lalong madaling panahon.
Ginagawa ng administrasyong Aquino ang lahat para sa promosyon ng mga produkto ng bansa na magreresulta sa karagdagang kita at trabaho ng mga Pilipino.
***
Napag-uusapan ang good news, senyales sa lumala­gong ekonomiya ng bansa ang 2012-2013 Global Competitiveness Report na ulat kung saan bumuti ang ran­king ng Pilipinas na nasa ika-65th spot ngayon mula ika-75 posisyon.
Halos 10 puntos ang naging ginansya ng Pilipinas sa ika-65 posisyon ngayon sa hanay ng ekonomiya ng 144 na bansa base sa pinakabagong pananaliksik ng Global Competitiveness Report 2012-2013 o ang taunang publikasyon ng World Economic Forum.
Noong nakaraang taon, 10 puntos rin ang iniangat ng bansa mula sa 85th tungong 75th o kabuuang 20 puntos na pagtaas sa nakalipas na dalawang taon ito’y bunsod ng matuwid na kampanya ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na nagawang maibalik ang tiwala ng publiko at mga negosyante sa pamahalaan.
Kitang-kita rin ang pag-asenso ng mga pampublikong institusyon na nakaabot sa ika-94 na posisyon o pag-angat ng 23 puntos habang 33 puntos naman ang iniakyat ng tiwala ng publiko sa mga pulitiko para sa ika-95 na puwesto.
Talagang malinaw ang hindi natitinag na pag-angat ng sosyal na tiwala at pagpapalakas ng demokratikong mga institusyon bilang resulta ng isinulong na mga reporma sa pamahalaan sapul nang maupo sa kapangyarihan si PNoy noong Hunyo 2010.
Kabilang pa sa paborableng mga resulta ang transpa­rency sa pagbuo ng polisiya na umangat ng 23 puntos at pagiging parehas sa pagkakaloob ng mga kontrata na tumaas naman ng 19 na puntos.
Nakapagtala rin ng 27 puntos na pag-angat sa isyu ng pagbabawas sa tinatawag na paglilipat ng mga pampublikong pondo habang 23 puntos na pagtaas sa pagbabawas ng tinatawag na maaksayang paggugol ng salapi ng bayan at 11 puntos na pagtaas sa pagpapabuti ng iregular na pagbabayad o panunuhol.
Malinaw na nag-ugat ang lahat ng positibong pagbabago sa pagiging “competitive” ng Pilipinas sa mga repormang inilatag ng administrasyong Aquino.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, September 24, 2012

Paglaban!



Paglaban!
REY MARFIL


Maganda ang hatid na balita sa lumabas na resulta ng pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagpapakita ng malaking kumpiyansa ng mga negosyante tungkol sa pagbaba ng katiwalian sa gobyerno sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Sa 2012 SWS Survey of Enterprises on Corruption na ginawa noong July 16 hanggang Sept. 14, lumabas na 71% ng tinanong na 826 business executives ang nagpahayag na mas kaunti na ang katiwalian sa gobyerno, at dalawang porsiyento (2%) lamang ang nagsabing malala pa rin.
Ang naturang survey ay nagpapakita rin na mas bumubuti ang pananaw ng mga negosyante tungkol sa usapin ng katiwalian sa gobyerno. Sa nakaraang survey kasi na ginawa naman noong May 24 hanggang 27, 2012, 64% ang nagsabing nabawasan na ang katiwalian, kumpara sa dating nagsabi na limang porsiyento (5%) na lumalala ang problema.
Sa pananaw ng SWS, nagkaroon ng radikal o puspusang kampanya ang pamahalaan ni Aquino laban sa katiwalian.
Hindi naman ito kataka-taka dahil lumalabas naman ang mga balita tungkol sa tauhan o maging opisyal ng pamahalaan at law enforcement agencies na natatanggal sa trabaho kapag nasangkot sila sa iskandalo ng katiwalian.
Pagpapakita ito na hindi nakakalimot si PNoy sa kanyang ipinangako noon na lilinisin niya sa katiwalian ang gobyerno na iniwan ng nakaraang administrasyon.
Sa isang survey ng SWS noong 2009, umabot sa 64% ang paniniwala ng mga negosyante na matindi ang katiwalian sa nakaraang gobyerno ito’y hindi kailangan pang i-survey lalo pa’t namutiktik sa iskandalo ang administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at naging “busy” sa inquiry ang Senado.
***
Napag-usapan ang seryosong kampanya ni PNoy laban sa katiwalian, hindi kataka-taka na lalo pang tumaas ang pagtitiwala at approval rating niya sa mamamayan, batay naman sa hiwalay na survey na ginawa ng Pulse Asia nitong Agosto 31 hanggang Sept. 7.
Sa resulta ng naturang survey, 78% o pito (7) sa bawat sampung (10) Filipino ang nasisiyahan sa ginagawa ng Pangulo. Mas mataas ito sa 67% na nakuha sa nakaraang survey na ginawa ng Pulse Asia.
At dahil sa seryosong kampanya ni PNoy laban sa katiwalian, ang mga ahensya ng pamahalaan na dating talamak sa paniwalang korap ay unti-unti ring nakakabangon ng kanilang imahe. Malaking bagay dito ang paglalagay ng matitinong opisyal na namumuno sa iba’t ibang ahensya.
Sa 20 ahensya ng gobyerno, 17 sa kanila ang namarkahan sa SWS survey na seryoso na labanan ang katiwalian. At siyempre, sa mga ahensyang ito, ang tanggapan ng Pangulo (Office of the President) ang nakapagtala ng may pinakamalaking pagbabago sa ilalim ng liderato ni PNoy na mula sa rating na negative 37 noong 2009 sa ilalim ni Mrs. Arroyo, ito’y naging 81%, as in nasa katinuan ngayong 2012 ang gobyerno.
Mahaba pa ang biyahe sa tuwid na daan, marami pang lubak na maaaring daanan. Pero sa pagkakaisa ng pamahalaan at mamamayan, mararating natin ang dulo ng tagumpay.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, September 21, 2012

Tamang pagtitipon! REY MARFIL



Tamang pagtitipon!
REY MARFIL



Hindi nakakapagtaka ang pinakabagong resulta ng prestihiyosong Social Weather Stations (SWS) survey kung saan nakapagtala si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ng “very good” rating na 77% na pinakamataas sa kasaysayan.
Mainit talaga ang pagtanggap ng mayorya ng mga Pilipino sa matuwid na daan na kampanya ni PNoy sa pagsugpo ng katiwalian sa pamahalaan kaya’t tanging bulag at bingi sa nangyayaring pagbabago, sampu ng mga “mutain” ang hindi nakakaintindi.
Sa isinagawang survey ng SWS mula Agosto 24 hanggang 27, 77% ng Pilipinos ang nagpahayag ng pagkasiya sa trabaho ng Pangulo para sa +67 na mataas ng 25 puntos kumpara sa +42 satisfaction nitong nakalipas na Mayo.
Malinaw ang suporta ng mga Pilipino sa bagong istilo ng pamumuno ng Punong Ehekutibo na nagsusulong ng malaking reporma sa pamahalaan at maraming pampublikong mga institusyon.
Kinumpirma ng magandang numero ang malaking mandatong nakuha ng Pangulo sa nakalipas na halalan bilang lider ng bansa at pagiging instrumento nito tungo sa pagbabago sa kabila ng malaking mga hamon sapul nang maupo sa kapangyarihan.
Positibo ito sa bansa lalo na sa pagkilalang nakuha ng administrasyong Aquino sa ulat ng Global Competitiveness Report of the World Economic Forum. Kinilala kasi ng internasyunal na lupon ang mga inisyatibo sa pagbabago ng pamahalaang Aquino.
Inaasahan pa natin ang mas magandang numero sa trabaho ni Pangulong Aquino sa hinaharap lalo’t patuloy ang kanyang pagsusulong ng transparency, pananagutan, pagbabalik ng tiwala ng publiko sa pamahalaan, katapatan at integridad sa serbisyo publiko.
***
Napag-usapan ang ratings, pinatotohanan ng Pulse Asia ang mataas na popularidad at performance ni PNoy matapos umakyat sa 78%, halos walang pinag-iba sa naunang SWS survey.
Umarangkada ang approval at trust ratings ni PNoy sa nakaraang tatlong (3) buwan, alinsunod sa Pulse Asia survey na isinagawa noong Agosto 31 hanggang Setyembre 7.
Sa Pulse survey, tumaas sa 78% ang approval rating ni PNoy mula sa 67% noong Mayo, maging ang trust rating nito’y umakyat sa 78%, ‘di hamak na malayo sa 65% na naunang naitala.
Take note: bumaba rin ng 4% ang nagbigay ng disappro­val rating kay PNoy kumpara sa 10% noong Mayo, as in 6% ang ibinawas habang ang undecided o walang maibigay na opinyon, ito’y naging 18% na lamang mula sa dating 25%.
Ibig sabihin, maraming natuwa sa 1,200 respondents na tinanong ng Pulse Asia kung saan nakasentro ang isyu sa paglaban ng Pangulo sa kriminalidad kung saan binigyan ng 66% approval rating mula sa 66% na naitala noong Mayo. Ang tiyak lamang ng mga kurimaw, hindi matutuwa ang mga kritiko ni PNoy.
Hindi lang ‘yan, aprubado sa 59% ng mga respondent ang sistema ng pagpapatupad ng gobyerno sa batas habang 57% ang kuntento sa pagpapanatili sa kapayapaan at 50% ang sumang-ayon sa pagsisikap ng administrasyon na maibalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan ito’y hindi nangyari sa mahabang panahon dahil nabalutan ng anomalya at eskandalo.
Sa larangan ng pagsisikap ng gobyerno na protektahan ang kalikasan, 50% ang nag-apruba habang 48% ang umayon sa pakikipaglaban ng gobyerno sa teritoryo ng bansa partikular na sa usapin ng Spratly Group of Islands at Scarborough Shoal -- isang patotoo na nasa tamang landas ang pagtitimon ni PNoy.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, September 19, 2012

‘Di tumitigil




‘Di tumitigil
REY MARFIL



Hindi ba’t kapuri-puri ang pasensya at kahanga-hangang diplomatikong pagposturang ipinapakita ng administrasyong Aquino sa pagsusulong ng mapayapang solusyon sa agawan sa teritoryo ng West Philippine Sea bilang pinakamainam na pamamaraan hindi lamang sa pagtiyak ng interes ng bansa kundi ng buong mundo na umaasa sa napakahalagang ruta ng kalakal at pamumuhunan sa karagatan.
Dapat nating suportahan si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na nananatiling mataas ang nakikitang pag-asa na matutuloy sa hinaharap ang dayalogo sa China upang pag-usapan ang mga isyu na nag-ugat sa agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea.
Tama si PNoy sa pagsasabi na ang “puso sa pusong” usapan na mayroong “katapatan at pagiging bukas” ang susi upang maresolba ang problema.
Bagama’t hindi natuloy ang pulong ni PNoy kay Chinese President Hu Jintao sa nakalipas na Asia Pacific Economic Cooperation Summit sa Vladivostok, Russia noong nakalipas na linggo, nananatiling bukas ang pamahalaan ng China sa ideya na magkaroon ng pag-uusap sa isyu.
***
Napag-uusapan ang mga aksyon ng gobyerno, todo-kayod si PNoy para matiyak na maibibigay ang lahat ng mga benepisyo ng mga guro sa bansa, maging ang karagdagang guro at silid-aralan upang mapalakas at maiangat ang antas ng edukasyon.
Sa katunayan, sinaksihan ng Pangulo ang paglagda sa tripartite Memorandum of Agreement ng Departments of Budget and Management (DBM), Education (DepEd) at Government Service Insurance System (GSIS) sa isang seremonya na isinagawa sa Malacañang nitong nakalipas na Martes.
Sa ilalim ng MOA na pinirmahan nina Budget Secretary Florencio Abad, Education Secretary Armin Luistro at GSIS president and general manager Robert Vergara, layunin nitong resolbahin ang problema sa hindi nababayarang kontribusyon sa pamamagitan ng pagbabalik ng benepisyo ng 800,000 aktibo at hindi aktibong mga kawani ng DepEd sapul noong Hul­yo 1997.
Babayaran ng DBM ang P6.92 bilyong premium-in-arrears na kumakatawan sa obligasyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng agarang pagpapalabas ng P3.46 bilyon o kalahati ng halagang kailangang maibigay sa GSIS.
Bilang tugon, kakalimutan ng GSIS sa pamamagitan ng Board of Trustees nito ang P14 bilyong naipong interes sa problema at magkakaloob pa ng limang porsiyentong diskuwento sa halagang kailangang bayaran.
Sa naging pahayag ni GSIS president at general manager Vergara sa paglagda ng MOA, makikinabang ang mga kawani ng DepEd sa tamang umento sa pina­laking benepisyo, mas mataas na halaga na maaaring utangin at potensyal na paglaki pa ng mga benepisyo sa pagreretiro.
Nabatid pa sa opisyal na makakatanggap ng mas mataas na pensyon ang mga retirado at aktibong mga kawani ng DepEd dahil magkakaroon ang GSIS ng panibagong kalkulasyon sa kanilang mga benepisyo.
Nakasama ng Pangulo sa seremonya sina GSIS chairman Daniel Lacson Jr., Senator Edgardo Angara, Manila Rep. Rosenda Ocampo at Alliance of Concerned Teachers partylist Rep. Antonio Tinio, at iba pa.
Dumalo rin sa seremonya sina Teachers’ Dignity Coalition chairman Benjo Basas, Philippine Public School Teachers Association (PPSTA) president Mario Ramirez, DepEd-NEU national president Atty. Domingo Alidon at Manila Public School Teachers Association (MPSTA) president Benjamin Valbuena.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)