Wednesday, March 2, 2016

Alamin ang kasaysayan REY MARFIL


Alamin ang kasaysayan
REY MARFIL

 Kung may oras kang mag-Facebook, Instagram at Twitter para lang malaman ang nangyayari sa crush mo o sa paboritong artista o mag-post ng sel­fie; bakit hindi ka rin maglaan ng ilang sandali para mag-Google at alamin ang nakaraan ng iyong bayan?
Ngayong papasok tayo sa bagong kabanata ng kasaysayan ng bansa dahil sa nalalapit na halalan, mahalaga ang magiging papel ng mga kabataan o ng mga itinuturing bagong henerasyon ngayon -- lalo na ang mga botante.
Batay kasi sa datos ng Commission on Elections (Comelec), malaking porsiyento ng mga boboto sa darating na Mayo... mga kabataan na nasa edad 18 hanggang 35.
Ibig sabihin, malakas ang kapangyarihan ng mga kabataan sa pagpili ng mga susunod na­ting lider, kasama na ang ipapalit natin sa Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino III, na magtatapos na ang termino sa Hunyo 30.
Pero kung susuriin ang nabanggit na edad ng mga botante, lalabas na napaglipasan nila ang mahalagang kabanata sa kasaysayang politikal ng ating bansa -- ang Martial Law at EDSA People Power revolution.
Bagaman magkaibang istorya ang dalawa, magkarugtong naman ang kanilang bituka ika nga.
Ang Martial Law na sinasabing naging dahilan ng pagdurusa ng maraming Pilipino at pagkawala ng demokrasya ng bansa ay idineklara noong 1972 ng itinuturing diktador na pangulo; na siya namang naging puntirya at pinatalsik sa EDSA People Power revolution noong 1986.
Nangyari ang EDSA People Power revolution, 30 taon na ang nakalilipas. Ibig sabihin, ang mga bagong botanteng kabataan ngayon na 18 hanggang 29 ay hindi pa isinisilang sa mundo.
Samantala, ang mga botanteng 30 hanggang 40 naman ay sanggol pa lang o naglalaro pa ng piko nang mga panahong iyon.
Gayunpaman, sabi ni PNoy sa kanyang talumpati sa katatapos na paggunita sa EDSA 30, ang mga kabataan ngayon ang silang nagtatamasa ng demokras­yang ipinaglaban noon ng mga taong nagtungo sa EDSA­.
Marahil sa mga kabataan ngayon na hindi inabot ang sinasabing madilim na kabanata ng Batas Militar, hindi nila mauunawaan kaagad ang salitang “demokrasya”.
Paano nga ba naman, aba’y napakasarap ng buhay nga­yon dahil masaya tayong nakakapag-post ng batikos sa ating mga opisyal kahit pa sa ating Pangulo.
Ang iba nga, hindi lang batikos ang ginagawa kung hindi nang-iinsulto pa. Kung may Martial Law, baka iba ang makita mo sa “wall” ng FB mo.
***
Ngayon, malayang nakakauwi ng kahit anong oras ang mga kabataan at nakakapunta sa kung saan-saan, na kung minsan ay hindi na rin kailangan humingi ng permiso sa magulang.
Noon, may curfew ang uwi at bago magpaalam sa magulang kung mangingibang ba­yan, dapat magpaalam ka muna sa mga awtoridad kung papayagan ka.
Ngayon, mananawa ka sa mga pinapanood sa telebisyon dahil sa dami ng channel at may cable pa; noon, TV station lang ng gobyerno at kaalyado nila ang maaaring mapanooran. 
Kung tutuusin, hindi pa naman matagal na panahon ang nakalipas na 30 taon para masabing nahusgahan na ng kasaysayan ang nakaraan natin.
Kahit nga ang ibang kabanatang nangyari sa bansa natin na higit 50 taon o 100 taon na ang nakalipas, may mga pagtutuwid o pagtatama pang ginagawa.
Gayunman, hindi ito dahilan para basta na lang tanggapin ng mga kabataan ngayon ang mga nakakalap nilang impormasyon mula sa mga tao o pangkat na bahagi pa rin naman ng pinagtatalunang pangyayari sa ating bansa. 
Mapalad at makapangyarihan ang mga kabataan ngayon dahil mayroon nang internet na isang klik lang sa Goggle ay makikita na ang mga impormasyon na kinakailangan.
Pero sa halip na lunukin lang ang isusubong impormasyon ng internet at maging ng social media, mas makabubuting nguyain ito at namnamin kung tama o mali bago paniwalaan.
Alalahanin na malaki ang kakayahan ng mga kabataan na maghalal ng mga susunod nating lider sa Mayo. Kailangang maging maingat sa pagboto at kila­laning mabuti ang mga kandidato. 
Tandaan, mas mabuting mabasa na lang natin sa libro o Internet ang madilim na kabanata ng kasaysayan ng ating bansa kaysa maulit pa ito at danasin muli ngayon o ng susunod sa kanilang henerasyon.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”
(Twitter:follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/mar0216/edit_spy.htm#.VtcIlvkrLIU